8 Dahilan Kung Bakit Kailangan Mong Pumunta Sa Won Minutes

By Ned Castro


   Sa ika-22 ng Marso 2019, magtatapat ang ilan sa mga emcee na pumasa sa nakaraang Process of Illumination. Inihahandog sa inyo ng FlipTop ang “Won Minutes”. Kita kits sa mga siguradong pupunta at doon naman sa mga pinag-iisipan pa, basahin niyo ‘to. Eto ang walong dahilan kung bakit hindi niyo ‘to dapat palampasin. 

8. Unang battle event ng taon

   Oo, merong Grain Assault nung ika-9 ng Pebrero, pero walang FlipTop battle na naganap dun. Ahon 9 pa yung huling opisyal na battle event, kaya malamang excited na kayo makapanood ng mga bagong laban. Siguradong gutom ang mga emcee na kasali sa Won Minutes at magiging aktibo rin ang mga manonood live. Isang masayang gabi para sa Hiphop ang maaasahan niyo.

7. Una sa bagong event series

   Parte na agad kayo ng kasaysayan kapag pumunta kayo dito. Bakit kamo? Dahil ito ang simula ng panibagong event series ng liga. Pagkatapos nito, maari niyong ipagmalaki na kayo ang mga pinaka unang nakapunta sa ganitong klaseng paligsahan. Abangan ang mga susunod pang Won Minutes hindi lang sa Metro Manila, kundi pati na rin sa ibang mga dibisyon.

6. Striktong isang minutong rounds

   Na-miss niyo ba yung format ng liga nung 2010-2011? Yung tig isang minuto lang ang oras ng emcee bawat round? Ibabalik yan sa dito sa event. Ginawa ‘to nila Anygma para mag-silbing challenge din sa mga makata. Dito natin makikita kung kaya nga ba ng mga bagong pasok sa liga ang bumanat nang walang filler o mahahabang setup. Kung walang sasablay sa mga kasali dito, sunod-sunod na mga suntok ang maririnig niyo.

5. Iba’t ibang stilo

   Lahat ng mga rapper dito ay mula sa Process of Illumination 6 nung nakaraang taon. Kung napanood mo sila live o sa video, alam mong iba-iba ang stilo ng bawat emcee. Merong komedyante, teknikal, hardcore, at halo-halo sa lineup. Dahil diyan, siguradong walang boring na laban at marami ring clash of styles na mangyayari. Makikita niyo nang buo ang sining ng battle rap sa gabing ‘to.

4. Mas maraming battles

   Dahil strikto ang FlipTop sa isang minutong rounds, mas marami kayong masasaksihang laban. 11 na duelo ang magaganap sa unang Won Minutes event, kaya imposibleng mabitin pa kayo. Huwag niyo na palampasin ‘to dahil dito nalang ulit mangyayari yung ganito kadaming sagupaan sa isang gabi. Garantisadong mabubusog kayo sa mga bara pagkatapos.

3. Yung venue 

   Bagong event, bagong venue. Sa Arkipelago sa Makati gaganapin ang unang Won Minutes, at siguradong magugustuhan niyo dito. Food park ang konsepto nito, kaya kung sakaling magutom kayo, punta lang kayo sa isa sa mga maraming kainan. May binebenta ring alak para sa mga may tamang edad na.

   Balik pit style nga pala sa event. Maganda ang ganitong setting dahil mas maiintindihan at madarama niyo ang mga linyang bibitawan ng emcees. Huwag kayong mag-aalala kung sa malayo kayo nakapwesto. Salamat sa magandang sound system, maririnig niyo pa rin nang klaro ang mga laban.

2. Mga bagong aabangan na emcee

   Bago kayo humirit ng “walang bigatin sa lineup”, tandaan niyo na yung mga iniidolo niyo ngayon sa FlipTop ay hindi niyo rin kilala dati. Bigyan niyo ng pagkakataon ang mga kasali na magpakitang gilas sa liga. Baka karamihan sa kanila ay mabansagan agad na banta sa FlipTop sa gabing ito. May posibilidad din na yung ibang mga laban dito ay higitan pa yung mga classic.

   Isa pa, hindi rin amateur ang lahat ng mga nandito. Halos lahat ay nakipag digmaan na sa ibang liga at may mga musikang nilabas na. Mapapanood o maririnig niyo agad sila sa simpleng pag-search lang sa social media. Huwag na huwag niyong tutulugan ang mga ‘to! 

1. Mas unpredictable ang mga mangyayari

   Dahil hindi pa gaanong matunog ang pangalan ng mga emcee sa Won Minutes, lalong magiging unpredictable ang mga battle. Walang favorite at walang underdog. Pantay-pantay lahat kaya kahit ano talaga ang pwedeng mangyari. Hindi ba’t sobrang exciting niyan?  Malay niyo, malupit pala ang performance ng lahat!

   Kung wala kayong gagawin sa araw na ‘to, halina’t saksihan natin ang mga matitinding bakbakan. 200 pesos lang ang entrance. Sulit na sulit! Sa mga emcee, good luck sa inyo at ibigay niyo lahat ng makakaya niyo! Excited na kaming marinig ang mga umaapoy niyong linya.


Back