9 Tips Para Sa Mga Unang Beses Manonood Ng FlipTop Live

By Anonymous Battle Emcee


   Siguradong bakbakan nanaman ang magaganap sa susunod na FlipTop event. Kung ito ang unang beses mong manood live, magbibigay kami ng 9 tips para maging hassle-free ang experience mo.  Hindi na namin papahabain pa, mag-simula na tayo sa ika-sampu…

9. Pumunta nang maaga

   Gusto mo bang mauna sa pila at makakuha ng magandang pwesto sa loob? Simple lang ang dapat mong gawin: huwag kang ma-late. Pumunta sa venue nang mas maaga para maiwasan ang mga perwisyong nabanggit. Sapat na siguro na dumating ka isang oras bago mag-simula ang event. Magkakaroon ka pa ng pagkakataong bumili ng mga merch at makakilala ang mga kapwa fans. Maaari ka pa rin namang makapasok kapag sinundan mo ang “Filipino time”, pero asahan mo na mahaba na ang linya at may mga laban na hindi mo mapapanood.

8. Magbaon ng extrang damit at uminom ng tubig

   Dahil madalas maraming tao sa mga event, hindi maiiwasan ang mataas na temperatura. Garantisadong bubuhos ang pawis mo bago pa matapos ang gabi, kaya dapat kang mag-dala ng extra na damit.  Makakaramdam ka rin ng matinding uhaw, pero huwag kang magalala dahil laging may binebentang tubig sa venue. Yan muna ang unahin mo bago magbabad sa softdrinks o alak (kung nasa tamang edad ka na).

7. Ingatan ang mga gamit

   Maliban sa FlipTop, naaangkop din 'to sa lahat ng malalaking events. Sa dami ng tao, possibleng mawala ang mga ari-arian mo kapag hindi mo 'to iningatan. Kailangan ding pag-handaan ang mga siraulong pumunta lang para magnakaw. Wala pa namang nangyayaring ganyan sa liga, pero mas mabuti nang maging alerto. Huwag kang mag-aalala, nandiyan din ang tatay ni Frooz at mga tropa niya para tulungan kang bantayan ang mga gamit mo.

6.  Huwag istorbohin si Anygma pati ang mga emcees habang may labang nagaganap

   Isipin mo ikaw si Anygma na nag-aakiaso ng event tapos biglang may kakalabit sa iyo para kumuha ng litrato o magtatanong ng kung ano-ano. Hindi ba’t nakakawala ito ng focus? Ganun din sa mga emcee na magsisilbing hurado o may paparating na laban. Kapag ginulo mo sila, malaking ang possibilidad na masira ang kanilang konsentrasyon.

    Maaari mo nang lapitan ang presidente pati ang mga emcee habang break o kapag tapos na ang event. Doon ka na pwede magpapicture, magpa-autograph, o kumustahin sila. Kung sakaling tanggihan ka nila, pagbigyan mo na. Baka naman pagod sila at gusto munang magpahinga.

5. Huwag magkalat sa venue

   Walang event na magaganap kung wala ang venue, kaya simula natin ang pag-bigay ng respeto dito sa pamamagitan ng pagiging disiplinado. Ano nga ba mahirap sa pagtapon ng mga kalat sa basurahan? Wala naman diba? Siguro ay alam mo na ito, pero magugulat ka sa bilang ng mga taong nananatiling pasaway. Sana sa susunod ay mas organisado na ang lahat pagdating sa basura.

4. Magdala ng extrang pera

   Maliban sa mga pagkain at inumin, marami ring mga damit, album, at iba pang gamit na binebenta sa FlipTop events. Kaya bago ka pumunta sa venue, huwag mong kalimutang magdala ng dagdag na salapi. Hindi ka rin mamomroblema sa gastos dahil abot-kaya ang presyo ng mga merchandise. Tiyak na mas magiging sulit ang experience mo kapag may iuuwi kang souvenir.

3. Asahan na madaling araw na matatapos ang event

   Gabi nagsisimula ang mga event ng FlipTop at kadalasan ay alas dos o alas tres na ito nagwawakas. Kahit tapos na ang mga battle, tiyak na mananatili ka nang ilang minuto dahil ito ang pagkakataon mong makihalubilo sa mga emcees at kapwa manonood. Kaya ipaalam mo na sa magulang o dyowa mo na late ka na makakauwi at siguraduhing nakatulog ka nang sapat.

2. Huwag kunan ng video ang mga laban

   Palagi itong sinasabi ni Anygma sa entablado bago mag-simula ang paligsahan, pero mabuti na ring malaman mo na ngayon pa lamang. Ipinagbabawal ang unauthorized na pag-kuha ng video ng mga battle. Kapag nahuli ka, ikaw ay papalabasin agad. Ayaw mo naman siguro mangyari yun, diba? Ilalabas naman sa YouTube ang mga duelo na may kalidad na pag-edit. 

   Ang pwede mong videohan ay yung mga DJ set tuwing break. Kung hindi mo pa alam, mayroong kinse minutong pahinga pagkatapos ng dalawa o tatlong laban. Dito mo masasakihan ang sining ng “turntablism”. Sa sobrang lupit ng mga guest DJ, siguradong mapapa pindot ka ng record sa cellphone mo.

1. “React accordingly”

   Walang masamang humiyaw sa tuwa kapag nakakarinig ka ng napaka tinding punchline, basta’t ilagay mo lang sa lugar. Possibleng ikaw pa ang maging rason ng pagkawala ng emcee sa berso niya dahil sa ingay mo. Kapag nagustuhan mo talaga  yung banat, iklian ang reaksyon para tuloy-tuloy ang laban. 

   Isipin mo rin ang mga tao sa tabi mo. Karamihan ay pumunta para makarinig ng mga bara, kaya kung sigaw ka lang nang sigaw bawat round, baka mainis sila sayo at isumbong ka sa mga bouncer. Respetuhin ang mga makata at manonood upang manatiling masaya ang gabi.

 

   Dati ay napapanood mo lang ang mga tugmaan sa computer screen, ngayon ay masasaksihan mo na nang harap-harapan. Magkita nalang tayo sa venue at sama-sama nating i-enjoy ang mga battle at tugtugan. Garantisado na marami ulit surpresa ang mga paborito nating makata.

 


Back