FlipTop Battle League

Ahon 10 Pre-event Review (Day 1)

By Anonymous FlipTop Fan


   Simula palang ng 2019 ay excited na tayo para dito. Ngayon, ilang araw nalang at Ahon 10 na! Ito’y magaganap sa December 13 at 14 sa Tiu Theater sa second floor ng Makati Cinema Square. Ika-sampung event na ‘to kaya asahan niyo na magiging makasaysayan ‘to hindi lang para sa larangan ng rap battle, kundi sa buong Pinoy Hiphop.

   Habang nag hihintay tayo, pag-usapan muna natin ang sampung battle na mangyayari sa unang araw. Meron para sa mga mahilig sa clash of styles, purong teknikalan, at komedya. Walang makakatanggi na unpredictable ang lahat ng bakbakan sa gabing ‘to. Game na? Simulan na natin…   

Batas vs. Tipsy D

   Laban ng dalawang beterano sa teknikal na istilo! Asahan natin na ilang beses tayong mapapa “ohhh!” sa mga ibabato nilang linya mula round 1 hanggang 3. Mas lamang si Tipsy D kung rektahan ang pag uusapan. Malalaim ang mga sulat niya, pero nakukuha agad ito ng crowd. May ibang mga bara kasi si Batas na kailangan pakinggan ulit para maintindihan. Kung usapang delivery, diyan lamang ang two-time Isabuhay champ. Laging yumayanig ang entablado dahil sa agresibong pag bigkas niya.

   Nasa panlasa na ng mga hurado kung sino ang mananalo dito. Anuman ang magiging resulta, siguradong mabubusog tayo sa kalidad na lirisismo. Parehas silang galing sa panalo kaya malamang ay mas gagalingan pa nila dito. Grabe! Kaabang abang talaga ‘to!

Sak Maestro vs. Invictus

   Lirikan na laban ulit! Panalo si Sak Maestro nung huli niyang battle kay Lanzeta, pero hindi mapagkakaila na hindi pa yun ang isang daang porsyento niya. Kailangan niyang iwasan ang pag-stumble sa mga linya at maging mas agresibo. May ibang mga laban kasi na mukhang kinakabahan siya. Alam naman natin kung gaano kahusay ang isang preperadong Sak. Garantisadong makakarinig ulit tayo ng mga panibagong teknikalan na berso mula sa kanya.

   Talo si Invictus sa huling dalawang sagupaan niya. Malamang ang nasa isip niya ngayon ay makabawi. Gaya kay Sak, kailangan niya maging consistent dito, lalo na’t galing siya sa battle na nag-choke siya. Solido ang lirisismo niya kahit dati pa, pero kailangan rin siguro niyang gawing mas accessible ito dahil kilala ang kalaban niya sa pagiging direkta. Wala na siyang dapat baguhin pa sa delivery. Mabagsik na siya dun.

Mhot vs. Kregga

   Pwedeng ikumpara ‘to sa Batas vs. Tipsy D. Dalawa silang lirikal, pero magkaiba ang diskarte. Si Mhot ang mas rekta habang si Kregga naman ang mas malalim. Undefeated pa rin si Mhot, at garantisadong hindi niya hahayaan na mag bago ‘to. Kapag hindi siya magpabaya at manatiling malinis ang delivery niya, sa kanya mapapunta ang panalo.

   Natutong mag eksperimento si Kregga ng iba’t ibang stilo sa mga nakaraang battle niya. Huwag na tayo magulat kung itutuloy niya ‘to sa Ahon 10. Maganda ang ganyang stratehiya, lalo na sa kalaban na unpredictable ang galawan. Iwasan niya ang mawala sa mga linya, at panatilihin niyang agresibo at malinis ang pag bigkas niya. Sa teknikalan na sulat, wala na siyang poproblemahin dun.

Poison13 vs. G-Clown

   Battle ng dalawang semi finalist ng Isabuhay. Hindi man sila pinalad sa tournament, nakuha pa rin nila ang respeto ng FlipTop fans. Grabe ang improvement nila, mula sa pag sulat hanggang sa pag tanghal sa entablado. Parehas silang marunong bumalanse ng jokes at mga pamatay na bara. Ang maaaring maging advantage ni G-Clown dito ay yung flow. Sinong hindi namamangha sa pinapakita niyang rap skills tuwing laban niya? Si Poison13 naman ang lamang kung ang pag uusapan ay pag buo ng anggulo at haymakers. Pagkatapos ng tatlong round, siguradong mahihirapan ang judges dito. Naka depende nalang rin ‘to sa preferensya nila. Sana lang ay walang mag choke o mawala sa linya. 

Zaito vs. Tweng

   Okay! Ito yung laban na hindi mo inaasahan na mangyayari. Dalawa sa may pinaka kakaibang istilo sa liga ang magtatapat sa Ahon 10. Creative lagi ang jokes ni Zaito at kaya sabayan ang gimmick ng kalaban niya. Gagamit kaya siya ng props dito? Posibleng posible yan. Ang problema lang talaga niya ay consistency. Idol Zaito, huwag ka sana mag choke dito!

   Alam na siguro ng lahat na palaging wild si Tweng pag nasa entablado. Unpredictable ang pag gamit niya ng props, at asahan niyo na marami ulit siyang supresa dito. Maliban diyan, mas tumatama na rin ang punchlines niya at mas klaro na ang kanyang mga anggulo. Kapag solido ang gimmicks, pen game, at stage presence niya, maaaring siya ang mag wagi.

Hazky vs. Nikki

   Ihanda ang inyong mga tiyan dito dahil siguradong sasakit ito! Sa mga hindi pa pamilyar, kilala si Hazky at Nikki sa mga pinaka mahusay na komedyante sa FlipTop. Gumagamit sila ng props paminsan minsan, at sinisigurado nila na epektibo at may kinalaman sa battle ang mga ‘to. Kung parehas silang hindi magpapabaya, mahihirapan pumili ng klarong panalo ang mga hurado. Posible rin na mag singit sila ng iilang seryosong linya dito. Basta expect the unexpected nalang!

Sayadd vs. Ilaya

   Kung ang Hazky vs. Nikki ay para sa mga mahilig sa jokes, ito naman ay para sa mga gusto ng malalalim at matatalim na kataga. Konti palang ang laban ni Ilaya sa FlipTop, pero nag marka agad ang kakaiba niyang atake sa battle. Hindi lang siya purong teknikal, sobrang tindi rin ng agresyon na pinapakita niya sa entablado. Si Sayadd naman ay mas matagal na lumalaban, at mas flexible siya pag dating sa mga bara. Siya yung tipong kayang mag lagay ng konting komedya sa magagaspang niyang berso. Nagkakaproblema lang sila minsan sa consistency kaya sana ay handang handa sila sa Ahon 10.

Zend Luke vs. GL

   Isa pang laban na magrerepresenta ng todo lirikalan na istilo. Unang beses sasabak sila Zend Luke at GL sa Ahon kaya siguradong paghahandaan nila ‘to. Kung klarong mga kataga ang pag uusapan, si GL ang mas may kaya nito. Si Zend Luke naman ang lamang pag dating sa kakaiba at mas komplikadong tugmaan. Dikit ang duelo na ‘to kung parehas nilang ilalabas ang kanilang isang daang porsyento.  

Lil Weng vs. Youngone

   Malaking tsana na maging entertaining ‘to! Wala pang panalo si Lil Weng sa liga, pero kahit papano ay napakita na niya ang kanyang malupit na pen game at flow. Sana ay dito na niya lubos na ipamalas ang husay niya. Si Youngone naman ay marunong pag sabayin ang seryosong banatan at creative na jokes, at lagi rin siyang may kumpyansa sa performance. Laman rin siya pag dating sa freestyle. Hilingin nalang natin na consistent silang parehas dito.  

Yuniko vs. Pen Pluma

   Kung ito nga talaga ang unang laban ng day 1, swak na panimula ‘to! Ilang beses na pinatunayan nila Yuniko at Pen Pluma na solido ang kanilang mga rima at presensya sa stage. May konting lamang dito si Yuniko dahil mas may kaalaman siya sa multis, pero syempre, hindi basta-basta magpapatalo si Pen Pluma. Posibleng may ipapakita silang bago, at dahil dito, mas puputok pa ang pangalan nila.

   Abangan ang pre-event review ng day 2 ng Ahon 10. 1,000 (2 days) at 600 (1 day) pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 800 (1 day) pesos naman ang walk-in. May kasama silang isang libreng beer! Lahat ng mga detalye tungkol sa pre-sale ay nakalagay na sa litrato sa taas. Pwede rin kayong bumili sa Munoz branch ng BranDead. Para sa karagdagang updates, sundan niyo nalang ang Facebook page ng liga. Kita kits!


Back