FlipTop Battle League

Ahon 10 Pre-event Review (Day 2)

By Anonymous FlipTop Fan


   Napagusapan na natin ang mga duelo na magaganap sa unang araw ng Ahon 10. Siguradong malupit ang mga battle na yun, pero syempre, hindi magpapatalo ang day 2. Dito natin malalaman kung sino ang magiging kampyeon ng 2019 Isabuhay Tournament. Maliban diyan, nakakapanabik rin ang ibang mga laban. Anumang trip mo na istilo ay siguradong makikita mo dito. Huwag na natin patagalin pa. Talakayin na natin ang day 2…

 Apekz vs. Sixth Threat

   Pagkatapos ng napaka unpredictable na Isabuhay, nandito na tayo sa huling kabanata ng tournament. Mahirap ding hulaan ang laban na ‘to! Hindi ka agad makakapili kung sino ang uuwing kampeon dahil parehas silang halimaw sa first round hanggang semis. Syempre si Apekz ang lamang sa experience at pati na rin siguro sa komedya. Epektibo ang agresibo niyang delivery nung mga huli niyang laban kaya sana’y manatili ‘to.

   Sa Isabuhay natin nakita kung gaano talaga kalakas si Sixth Threat hindi lang sa tugmaan, kundi pati sa bigkasan. Natural ang pag banat niya ng komedya at pang patayan na bara, at talagang may kumpyansa ang delivery niya. Base sa mga pinamalas niya nung nakaraan, kayang kaya niyang sumabay kay Apekz. Goodluck nalang sa mga hurado!  

Shernan vs. Pistolero vs. Romano vs. M Zhayt vs. Lhipkram

   Hindi lang ‘to simpleng Royal Rumble ng 3GS. Ito ay alay kay bayaw LilJohn (RIP)! Dahil kilala si LilJohn sa kanyang kakaibang komedya, siguradong magbibigay pugay ang mga emcees na kasali dito. Makakaasa kayo ng malakas na tawanan sa mga baon nila na linya. Posible rin na ibahagi nila ang ilang mga masasayang alaala mula sa kinilalang Oyoboy ng FlipTop.

   Anuman ang mangyari, ngingiti si LilJohn sa mga eksena dito. Maraming salamat ulit sayo sa lahat ng kasiyahan na inambag mo sa liga. Hinding hindi ito makakalimutan ng mga kapwa mong makata pati taga hanga. Ating ipagdiwang ang buhay niya sa Ahon 10.

Apoc vs. Lanzeta

   Siguradong lirikalan nanaman ang duelo na ‘to! Nakita na natin kung gaano kalupit si Apoc kapag consistent siya. Tumatama ang mga suntok niya, at laging organisado ang kanyang mga anggulo. Hindi rin maitatanggi na pulido ang pag-deliver niya ng mga bara. Nawala siya ng ilang beses nung huling laban niya. Huwag sana maulit yun!

   Sa wakas ay dumadami na ang mga taong bumibilib sa istilo ni Lanzeta. Nakatulong dito yung pag balanse niya ng mga teknikal ng bara at komedya. Nakakalamang siya dito kung purong delivery ang usapan. Matagal na natin alam na epektibo ang pagiging todo agresibo niya sa entabaldo. Tulad kay Apoc, huwag sana maulit yung pag choke niya. Classic ‘to pag parehas preparado!

BLKD vs. Fukuda

   Solidong barfest ang posibleng mangyari dito sa sagupaan nila BLKD at Fukuda. Napuntayan na ni Fukuda nang ilang beses na mabangis siya sa teknikalan. Mas nag mamarka ang mga linya yan dahil sa galit na pag bigkas niya. Kailangan lang niya gawing mas rekta ang mga berso niya dahil ganyan ang diskarte ng kanyang makakalaban.

   Matagal nang kilala si BLKD sa kanyang napaka husay na pen game at delivery. Ang naging problema lang niya ngayon ay yung pag stumble niya. Sana ay natuto na siya dito at muli niyang ibalik ang pagiging halimaw niya sa liga. Kung A-game BLKD ang nandito, ito na ang perpektong redemption story niya!

Marshall Bonifacio vs. Towpher

   Hindi makukumpleto ang gabi kung walang style clash! Si Marshall ang isa sa mga pinaka malupit ngayon sa teknikalan habang si Towpher naman ay tuluyang nakikilala bilang dalubhasa sa komedya. Kapag parehas walang sablay ang performance nila, malaki ang posibilidad na maging battle of the year ‘to (nice one, Marshall). Maaaring may rounds na kung saan ay magdadagdag sila ng panibagong stratehiya sa istilo nila. Sa madaling salita, unpredictable ‘to!

Jonas vs. Range

   Magsasalpukan sa Ahon 10 ang dalawang mahusay sa pagpapatawa. Makakarining ulit tayo ng mga bara at anggulo na siguradong magiging trending nang ilang taon. Marunong din mag eksperimento ng ibang mga stilo sila Jonas at Range, at pwedeng pwede ring mangyari yan dito. Wala na silang problema sa delivery dahil parehas silang nananatiling malinaw ang pag bigkas. Close battle tayo kung walang mag chochoke.

Plazma vs. Sur Henyo

   Halos magkaparehas ng atake sila Plazma at Sur Henyo kung tutuusin. Magaling sila sa purong teknikalan, pero kaya rin nilang dagdagan ‘to ng mga kwelang kataga. Asahan niyo na ganyan din ang gagawin nila sa battle na ‘to. Madalas na kritisismo kay Plazma ay yung kanyang delivery, pero kung napanood niyo yung laban niya kay Invictus, kitang kita ang improvement niya. Si Sur naman yung tipong kahit swabe ang pag bigkas ay nananatiling mapanganib. Sana ganyan din ang ipakita niya dito. Maaaring maging battle of the night ‘to basta A-game sila.

Cripli vs. J-King

   Laban ulit ‘to ng mga magagaling sa komedya. Mas may kumpyansa si Cripli dito dahil nanggaling sa solido na panalo. Si J-King naman ay nabigo nung nakaraang Unibersikulo dahil sa choke kaya dapat siyang bumawi.  Parehas benta ang jokes nila, pero pwede rin tayo makarinig ng ilang mga teknikal na linya. Lamang nang konti si J-King dito pag dating sa freestyle. Kailangan pantayan o higitan ni Cripli ang rebuttals ni J-kIng. Ito yung mga posibleng maging dikit na laban.

Damsa vs. Numerhus

   Dalawang halimaw sa flow ang magtatapat sa ika-sampung Ahon. Kung rap ability ang hanap mo, garantisadong mabubusog ka sa mabilisang tugmaan nila Damsa at Numerhus. Marunong din silang mag laro ng istilo kaya makakaasa kayo ng halong teknikalan at katatawanan sa mga bara nila. Sobrang nakakahinayang kung may mag choke sa kanila, pero mukhang hindi naman mangyayari yun. Parehas silang galing sa talo kaya dapat ay makabawi sila sa performance dito.

J-Blaque vs. Duma

   Battle ng isang underrated emcee (J-Blaque) at isang promising na baguhan sa FlipTop (Duma). Nakailang laban na si J-Blaque sa Cebu at buti naman ay unti-unti nang napapansin ang kakayahan niya. Lagi siyang confident sa stage, at unpredictable ang pen game niya. Talo si Duma nung huling duelo, pero tumatak pa rin ang kanyang rektahang istilo at makamandang na delivery. Siguradong hihigitan pa niya yung mga nakaraan niyang performances sa labang ‘to.

   Diyan na nagtatapos ang pre-event review ng ika-sampung Ahon. Sana ay makita namin kayo sa December 13 at 14 sa Tiu Theater! Muli, 1,000 (2 days) at 600 (1 day) pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 800 (1 day) pesos naman ang walk-in. Lahat ng yan ay may isang libreng beer na kasama. Nasa litrato sa taas ang kumpletong detalye ng pag-bili ng pre-sale tickets. Pwede rin kayo kumuha sa BranDead (Munoz). I-like at sundan niyo lang ang FB page ng liga para sa iba pang impormasyon. FlipTop, mag-ingay!


Back