Ahon 9 Pre-event Review (Day 1)

By Anonymous Battle Emcee


   Patapos na ang 2018. Ano ibig sabihin nito para sa FlipTop? Ito ang panahon ng pag-Ahon! Simula nung 2014, ito ang nag-silbing year-ender event ng liga. Dahil maraming mga classic na battle ang nangyari dito, itinuring tong isa sa pinaka exciting na paligsahan hindi lang sa FlipTop, kundi sa buong larangan ng Hiphop. 

   Gaganpin ang pang siyam na Ahon ngayong ika-14 at 15 ng Disyembre. Excited na ba kayo? Kami rin! Habang inaabangan natin ang makasaysayan na dalawang gabi, ireview muna natin ang bawat duelo dito. Simulan natin sa day 1…

Tipsy D vs. Sak Maestro

   Ilang taon tayong nag-hintay at sa wakas ay matutuloy na! Maraming battle rap fans ang gustong makita ang laban na ‘to dahil garantisadong “barfest” ang mangyayari. Kung mananatiling consistent si Sak gaya nung huli niyang digmaan kay M Zhayt, maaaring siya ang makakuha ng W. Grabe rin ang pinakita ni Tipsy nung Bwelta Balentong, pero kailangan niyang higitan ang pen game niya dito. Palakasan ng sulat ang masasaksihan natin (sana)! Huwag tayong masurpresa kung makapasok ‘to sa top 10 battles of 2018.

Shernan vs. Lanzeta

   Hindi magiging makasaysayan ang event kung walang “clash of styles” na laban. Unpredictable tong Shernan vs. Lanzeta dahil sobrang magkaiba sila ng pag-atake sa entablado. Si Shernan ay isa sa mga pinaka mahusay sa creative na jokes kaya asahan natin na mas matindi pa ang gagawin niya dito. Malaking tsansa din na meron siyang isang round na puno ng mga seryoso at direktang mga linya. Nagawa na niya ‘to kayla Zaito, BLKD, Hearty, atbp.

   Teknikalan ang nagsisilbing kalakasan ni Lanzeta, pero malay natin, baka sabayan niya nang konti si Shernan. Nung huling Ahon, nagulat ang lahat sa kanya dahil bumitaw din siya ng mga nakakatawang bara. Kapag hinalo niya ang mga epektibong jokes at mapaminsalang rima, maaaring mahirapan ang kalaban niya. Asahan din natin na mababanggit ang naging isyu ng Arma Letra at 3GS nung Aspakan 2016.

Zaito vs. Hazky

   Todo laughtrip ba ang hanap mo? Si Zaito at Hazky na ang bahala diyan. Maganda ang pinakita ni Zaito kay Range at Flict-G at kung mas consistent pa siya dito, baka maging undefeated siya ngayong taon. Si Hazky naman ay galing sa pagkatalo kaya siguradong determinado siyang makabawi. Kung sinuman ang mas creative at malakas ang stage presence sa battle, yun ang mananalo. Wag lang sana ulit tayo makakita ng Hentai Kamen na costume parang awa niyo na!

Tweng vs. Poison13

   Kakaibang matchup, pero may posibilidad na maging classic. Pagkatapos matalo sa unang round ng Isabuhay nung Marso, nag-pursigi si Poison na mas lalo pang lumakas. Kitang kita ang improvement niya nung itinapat siya kay Romano nung Zoning at kay M Zhayt nung Unibersikulo. Mas tumindi na ang kanyang pag-multi pati pag likha ng mga anggulo. Sa kanya ang boto kung hindi siya mawawala sa mga berso. 

   Kilala si Tweng sa paggamit ng mga props, pero nung duelo niya kay LilJohn pati nung Uprising Royal Rumble, pinatunayan niya na kaya din niyang makipagbakbakan sa letra. Rekta umatake ang kalaban niya kaya kailangan niyang mag-handa ng mga barang pamatay. Maituturing siyang banta pag creative ang kanyang props at sunod-sunod ang mga punchline.

Damsa vs. Range

   May winning streak si Damsa ngayong taon, at siguradong hindi niya hahayaang maputol ito. Lamang siya dito hindi lang dahil sa malupit niyang flow, kundi dahil rin sa mas malakas niyang presence sa entablado. Hindi rin natin dapat maliitin si Range. Kahit talo siya nung huling Gubat, namangha pa rin ang crowd sa mga pinamalas niyang bara. Kailangan lang niyang maging mas kampante dahil kung napansin niyo, madalas kabado siya kapag lumalaban sa Maynila.

Sayadd vs. Flict-G

   Kapag parehas silang handa, salpukan ng mga bara ang mapapanood natin. Tuloy-tuloy ang pag-angat ng lirisismo ni Sayadd. Patunay nito yung performance niya laban kay Nikki nung Pakusganay.  Siguradong may mga ibabanat siya sa Ahon na bago sa ating pandinig. Pwedeng ito rin ang laban kung saan mas marami nang makaka unawa sa kakaiba istilo niya.

   Nag-choke si Flict nung ika-6 na Unibersikulo. Ito ang pagkakataon niyang makabawi kaya asahan natin na isang daang porsyento siya dito. Parehas silang malakas ang delivery. Kailangan lang pantayan ni Flict ang teknikalan ni Sayadd. Malaking tulong rin kung babanat siya ng mga kakaibang komedya na tema gaya ng “Flict G bars”.

Kregga vs. Invictus

   Dalawa sa pinaka mabigat sa teknikal na pen game ang maghaharap sa Ahon 9. Parehas ding agresibo si Kregga at Invictus sa delivery kaya kung walang magpapabaya bawat round, ito ang kandidato para sa battle of the night. Mukhang mahihirapan ang mga hurado pagtapos ng duelo na ‘to. Maliban sa palaliman ng sulat, pa-brutalan din ang maaring mangyari. Wala mang tawa na maririnig sa crowd, mapapalitan ‘to ng mga reaksyong “woah” o kaya “ohhh”.

J-King vs. Tatz Maven

   Isa rin ‘to sa posibleng maging battle of the night sa Ahon 9. Laging may kumpyansa si J-King sa stage at sunod-sunod ang suntok niya sa bawat berso. Hindi rin maintatanggi na epektibo ang pag-gamit niya ng mga jokes. Mas seryoso naman umatake si Tatz at mas lamang siya pag-dating sa mga metapora at wordplay. Ang may pinaka malinis na performance ang mananaig dito. Galing silang dalawa sa talo, kaya garantisadong mas lulupitan pa nila sa battle na ‘to.

 

   Day 1 palang, pero mukhang grabe na ang mga mangyayari! Abangan ang aming pre-event review ng Day 2 bukas. Kung wala pa kayong ticket, ito mga presyo pati ang mga paraan kung paano makabili:


Back