Ahon 9 Pre-event Review (Day 2)

By Anonymous Battle Emcee


   Pinag-usapan na natin ang mga posibleng mangyari sa day 1 ng Ahon. Ngayon, tutukan naman natin ang ikalawang araw ng pinaka malaking FlipTop event ng taon. Dito magaganap ang finals ng Isabuhay tournament, pero maliban diyan, may 6 na laban rin na may potensyal matawag na classic. Huwag na natin patagalin pa. Ito ang pre-event review ng day 2! 

Shehyee vs. Pistolero

   Ito na! Ang laban para sa 2018 Isabuhay championship. Abra vs. Shehyee ang inaasahan ng karamihan sa finals, pero kung tunay na taga hanga ka ng battle rap, alam mong solid din ang matchup na ‘to. Kitang kita naman na grabe ang pag-level up ni Pistolero at Shehyee ngayong taon. Pareho pa silang agresibo sa entablado at may malupit na freestyle ability. Sino hindi magiging excited dito? 

   Epektibo naman ang pag-suway ni Shehyee sa time limit nung nakaraan, pero kailangan niyang mag-ingat ngayon. Disiplinado si Pistolero pag-dating sa oras, at kaya niyang mag-siksik ng mga solidong punchlines sa loob ng tatlong minuto. Rematch din nga pala ‘to ng laban nila nung first round ng 2015 Isabuhay. Mainit yung duelo na yun, at posibleng mas higitan pa nila sa Ahon.

Mhot / Sur Henyo vs. Jonas / Lhipkram

   Makakasaysayan na 2-on-2 battle ang posible nating makita sa event na ‘to. Alam naman natin na bilang solo emcees, meron ibubuga ang bawat isa. Ang tanong lang, magiging solido kaya sila bilang pares? Dito lamang sila Jonas at Lhipkram dahil naging magkakampi na sila nung nakaraang Dos Por Dos Tournament. Kung mas malakas pa ang chemistry nila sa Ahon, baka ito ang maging upset ng gabi.

   Kaabang-abang ang pag-sanib pwersa ni Mhot at Sur Henyo. Sinong hindi masisindak sa tambalan ng isang kampyeon at isang finalist? Kailangan lang nila higitan ang teamwork ng kalaban upang makuha ang tagumpay. May advantage sila sa teknikalan, pero dapat mag-handa rin sila ng mga pangontrang jokes dahil forte yan ng mga katunggali nila.    

BLKD vs. LilJohn

   Ito ang tsansa ni BLKD makabangon mula sa pagkatalo niya nung Unibersikulo 6. Dahil nag-choke siya nang matindi nung gabing yun, siguradong mas ganado siyang pumaslang ngayon. Hindi na natin kailangan pahabain pa. Tumba ang pen game ng kung sinoman kapag preparado si BLKD. Kaya niyang mag-bodybag ng kalaban kung gusto niya. Mula name flips hanggang sa wordplay, na-master na niya ang mga ‘to. 

   Teka muna! Bago niyo sabihin na one-sided ‘to, balikan niyo ang mga dating laban ni LilJohn. Maliban sa epektibong pag-halo niya ng freestyle at written, kayang kaya niyang pag-laruan ang kalaban niya. Ito ang tinatawag na “clowning”. Napatunayan niya ‘to kay Lanzeta, Tweng, Hearty, at marami pang iba. Kung hindi masabayan ni BLKD ang istilo niya, baka isa pang upset ang masaksihan natin.

Fukuda vs. Goriong Talas

   Pwede tong maging battle of the night o kaya naman most underrated. Ang tindi ng improvement ni Fukuda simula nung sumali siya sa Isabuhay. Polido ang kanyang agresibong delivery at mas makamandag na ang mga bara niya. Ganyan din kay Goriong Talas. Kita naman sa performance niya nung Royal Rumble ng Uprising. Siguradong brutal ang battle na ‘to at mahihirapan ang mga hurado. Huwag niyo tong tutulugan!  

Asser vs. Towpher

   Interesting ang matchup na ‘to. Isang magaling sa flow at multis (Asser)  laban sa isang todo ang improvement sa stilong seryosohan at komedya (Towpher). Kung punchlines ang pag-uusapan, llamado si Towpher sa battle na ‘to. Tumatama ang bawat suntok niya at naging solid na rin ang kanyang presensya sa stage. Lamang naman si Asser pag-dating sa purong rap ability. Kapag ginawang niyang mas masakit pa ang bawat punchline niya, siya ang mag-wawagi dito.      

Marshall vs. Martin

   Dalawang taon palang si Martin sa FlipTop at wala pang panalo nung huling Gubat kaya nagulat ang mga manonood nung tinalo niya si Asser. Mas matinik na ang mga letra niya ngayon at mukhang mas titindi pa sa Ahon 9. Makakalaban niya si Marshall Bonifacio na kilala din sa solidong lirisismo. Kaya niyang sumabay kung palitang ng bara lang ang usapan, pero kailangan din niyang hasain nang konti ang delivery niya. Kapag mas agresibo siya, pwede niya makuha ang ikalawang panalo.  

   Nalaglag man si Marshall sa first round ng 2018 Isabuhay, marami pa ring nagsasabi na yun ang battle of the year. Patuloy ang pag-level up hindi lang ng kanyang sulat, kundi pati ng kanyang pag-bitaw ng mga linya. Siya ang favorite sa laban na ‘to dahil mas may experience na siya, pero syempre, hindi niya dapat maliitin si Martin. May posibilidad na maging show-stealer tong battle kapag parehas preparado ang mga emcee. 

CripLi vs. Ejo

   Nag-balik muli sa battle stage si Ejo nung Gubat 7, at hindi niya binigo ang mga taga hanga. Nandun pa rin ang husay niya sa pag-buo ng mga multi at barang teknikal. Makakatapat niya sa Ahon 9 si CripLi na galing din sa panalo. Sa jokes malakas si CripLi, pero may posibilidad din na magpamalas siya ng kakaibang stilo dito. Ito na siguro ang pinaka unpredictable na duelo ng gabi.

 

   Palalampasin niyo ba tong year-ender event ng FlipTop? Bumili na kayo ng ticket baka maubos agad. Muli, eto ang presyo pati ang mga paraan kung paano makakuha:

Narito naman ang mapa para sa bagong venue:

 

   Dito na nagtatapos ang pre-event review ng Ahon. Kita kits nalang tayo sa Tiu Theater sa ika-14 at 15 ng Disyembre, Sulit na sulit ang maagang pamasko satin ng battle rap.


Back