Bagong Taon: 10 Bagay Na Sana Mangyari Sa FlipTop Sa 2019

By Ned Castro


Grabe noh? Nakakagulat isipin na malapit na mag-wakas ang 2018. Pagkatapos ng makasaysayan na Ahon 9, karapat dapat lang na magpahinga ang mga bumubuo ng FlipTop pati mga emcee.  Ating pag-usapan muna ngayon ang mga bagay na sana mangyari sa liga sa susunod na taon. Matupad man ang mga ito o hindi, siguradong maraming surpesa satin sila Anygma sa 2019.   

10. Magpakitang-gilas ang mga bagong salta

    Mula sa mga nag-kampeon pati mga special picks, maraming mga malupit na nadiskubre sa Process of Illumination ngayong taon. Sana kung gaano sila katindi sa old school format nung tryouts (freestyle at may beat) ay ganun din sa modernong stilo ng pag-battle. May mga ilan na nakasabak na sa ibang liga, at grabe ang pinakita nila dun. Sa 2019, inaasahan ng lahat na may mga bagong salta na gagawa ng impact sa FlipTop. Huwag niyo silang tutulugan, ha?

9. Mas malakas pa na mga duelo

   Pag-dating sa mga makasaysayan na battle, maraming tayong napanood ngayong 2018. Malamang ay aasa tayo ng mga mas mabangis pa sa susunod na taon. Dahil nag-improve na halos lahat ng mga emcee at merong mga bagong pasok na may potensyal, malaking malaki ang posibilidad nito. Baka sa kauna unahang event palang ay may masaksihan na tayong mga classics. 

8. Bigyan pansin na ang mga underrated

   Ang dami nang mga umangat sa liga, pero meron pa ring iilan na hindi pa nakakakuha ng sapat na respeto. Sana sa 2019 ay mas bukas na ang isip ng mga manonood. Huwag magpakulong sa istilong nakasanayan mo na. Mapa teknikal man o komedyante, ginagamitan yan ng utak at puso. Bigyan mo ng tsansa ang mga hindi mo masyado sinusubaybayan dati. Malay mo baka solido pala sila. 

7. Mag-balik ang mga hindi na aktibo

   Marahil naging busy ang iba nating mga iniidolo ngayong taon, pero sana tumapak ulit sila sa entablado sa 2019. Kapag marami ang aktibo, eh di mas marami pang mga events na magaganap. Isipin niyo rin ang ilang mga dream matches na pwedeng matupad kung bumalik yung mga nag-ingay dati. Abangan nalang natin ang updates.

6. Wala nang gagamit ng mga gasgas na stilo

   May mga istilong pumatok nung mga nakaraang taon, pero unti unting na rin tong nawalan ng bisa. Sana sa 2019 ay mas manatili ang pagiging orihinal ng mga emcee. Marami naman ang may kanya-kanyang epektbong atake, pero may iba pa rin na sumasabay lang sa agos. Kapag mas umangat pa ang pen game ng bawat isa, lalakas pa lalo ang eksena ng battle rap pati Hiphop.  

5. Mabawasan (o tuluyan nang mawala) ang pag-choke

   Sa kabila ng mga solidong duelo ngayong 2018, marami rin tayong nasaksihan na mga pag-chochoke. Karamihan pa dito ay sobrang unexpected kaya nakakadismaya talaga. Isa ka ba sa mga ‘to? Ayos lang yan, pero sa susunod ay ayusin mo na. Huwag na huwag magpaka-petiks pag-dating sa mga laban. Kung hindi mo ito mababago, baka hindi ka talaga nararapat makasali sa larangang ito.

4. Tumino na ang mga komento

   Malapit na mag 2019 mga tsong. Siguro naman ay sawa na kayo sa pag-troll o pag-bigay ng mga hate messages na wala naman kinalaman sa battle. Kung may isang emcee na hindi mo natripan, tulungan mo siyang iimprove ang sarili niya. Mag-bigay ka ng konstruktibong krtisismo. Hindi yung mumurahin mo lang bigla o bibitaw ng below the belt na hirit. Sa mga hindi naman sumang ayon sa resulta, makipag debate kayo nang maayos. Hindi lahat ay nadadaan sa pagiging tarantado.  

3. Manatiling malakas ang suporta

   Sa mga lehitimong sumusuporta sa liga, taos pusong nag papasalamat ang FlipTop staff sa inyo. Marami pang mga plano ang liga sa darating na taon, kaya sana ay nandiyan pa rin kayo. Kung hindi ka pa nakakanood live, baka pwede mo nang subukan sa 2019 kahit isang event lang o dalawa. I-report niyo rin sana ang mga nagpipirata ng videos. Pinaghirapan ang lahat ng mga ‘to, at anumang kinita nito ay para rin sa mga emcee at sa eksena.

2. Bumalik ang English conference

   Nung bago pa ang FlipTop, aktibo na aktibo ang English Conference. Bagama’t hindi ‘to masyado pumatok, malaki pa rin ang naambag nito. Pinatunayan ng mga nakaraang English battles na kaya din nating sumabay sa mga liga sa ibang bansa. Hindi kayo naniniwala? Panoorin niyo yung napaka underrated na Tectonics 2 event. Sana ay mabuhay ulit ‘to sa 2019 at mas marami pang emcees na sumali. Hindi kailanman nag-kulang ang local scene sa mga malulupit bumitaw ng Ingles.

1. Mag-labas pa ng mga proyekto ang emcees

   Walang duda na masarap manood ng battles, pero tandaan niyo na slam dunk contest lang ang mga yan. Ang misyon pa rin ng FlipTop pati ng mga kasali dito ay palakihin pa lalo ang musika ng Hiphop. Maraming nakapaglabas ng mababagsik na album, mixtape, at EP ngayong 2018, at mukhang dadagdag pa sa 2019. Dun naman sa mga hindi pa nakakagawa ng proyekto, hindi pa huli ang lahat. Mag-sulat na kayo ng mga matitinding niyong berso at ilapat na ‘to sa malupit na beat. Kapag napakinggan mo na ang sarili mong kanta at napabilib ka, pwede mo nang tawagin na kampeon ang sarili mo.

   Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon ulit sa inyong lahat. I-enjoy niyo muna ang mga salo-salo kasama ang pamilya o tropa dahil pag-dating ng Pebrero, “FIipTop, mag-ingay” na ulit! Dahan-dahang lang sa alak at foodtrip.


Back