Bakit Hindi Mo Dapat Palampasin Ang Grain Assault 10?

By Ned Castro


   Siyam na taong gulang na ang FlipTop. Grabe, parang kalian lang! Sa mga nagsasabi na hindi ito mag-tatagal, pwede niyo nang itikom ang bibig niyo. Marami pang mga pasabog ang liga ngayong taon na siguradong magugustuhan ng bawat taga subaybay. Mag-sisimula ito sa Sabado sa ika-sampung Grain Assault. Ang matindi pa dito, hindi lang ‘to sa Metro Manila gaganapin. Magkakaroon rin ng mga event sa Cebu at Davao.

   Posible na ang una niyong itatanong ay kung bakit hindi prayoridad ang battle sa gabing ‘to. Tandaan na ang pag-angat ng buong kultura pa rin ang pangunahing misyon ng FlipTop. Dahil diyan, binibigyan nila Anygma ang mga tao, lalo na yung mga hindi pa masyadong pamilyar sa eksena, ng pagkakataong masaksihan ang iba’t ibang elemento ng Hiphop.

 

   Swerte niyong mga taga Cebu at Davao dahil mapapanood niyong mag-tanghal ang ilan sa mga bigatin sa lugar niyo. Karamihan ng tutugtog ay kasali sa liga, at kung nalupitan kayo sa mga duelo nila, magugustuhan niyo rin ang kanilang mga nilikhang awitin. Syempre, huwag niyo ring tulugan yung mga hindi battle emcee sa lineup. Garantisadong mamamangha kayo sa mga kanta nila. Kung battle rap pa rin ang habol mo, merong dalawang laban na mangyayari sa Cebu (GI vs. Cloud 9 pati JBlaque vs. Dalamdabad) na may potensyal matawag na classic.

   Dapat niyo ring abangan ang performance ng mga turntablist. Bawat lugar ay may ihahandog na mga DJ set mula sa mga pinaka mahusay sa larangan. Pwede niyong kunan ng video ang tugtugan o i-enjoy lang ang soundtrip. Espesyal ang Metro Manila dahil meron din tong live beat set galing kay KMG ng Uprising. Mapapa bounce kayo sa mga baon niyang tunog na purong Hiphop. Sa mga baguhang emcee o sa mga gusto lang mag-rap, pwede kayong bumanat lahat sa open mic. Huwag na kayo mag-alala sa beat dahil yung mga DJ na ang bahala sa beat. Ito ang tsansa niyong ipamalas ang pinaka mabangis niyong mga bara na freestyle o written.

 

   Magpapakita din ng galing ang mga graffiti artist sa Davao (Maze ng DCK) at Metro Manila (Meow). Panoorin niyo silang gumawa ng sining na gamit lamang ay mga lata ng spray paint. Walang graffiti exhibition na magaganap sa Cebu, pero ayos lang, kapalit naman nito ay ang beatbox set galing sa Cebu Elite Beatboxers United. Mababagsik na tunog mula lamang sa bibig nila ang maaasahan mo sa kanila. Isa pang elemento na hindi niyo dapat palampasin ay yung breakdancing, Meron nito sa Metro Manila, at ang mag-tatanghal ay sila Jay Masta at ang Battle Crew. Sila ang mga kinikilalang alamat pag-dating sa ganitong klaseng sayaw.

   Gusto mo bang malaman agad kung sinu-sino ang pasok sa susunod na Isabuhay Tournament? Iaanunsyo ni Anygma ang lahat ng mga kasali sa Metro Manila event. Oh, ano? Mag-dadalawang isip ka pa ba? Isang napaka sayang selebrasyon ang magaganap sa ika-siyam ng Pebrero, Kaya tawagin mo na ang barkada at simulan na ang party! Dun sa mga nakapunta na dati, sana naman ay makita namin kayo ulit. Nasa mga poster na ang iba pang mga detalye.


Back