Dalawang Alamat ang Magpapaulan sa Ika-31 ng Agosto

By Ned Castro


Ngayong Biyernes, makakaranas ng matinding pag-ulan ang buong Pinoy Hiphop. Dulot ‘to ng pagsanib-pwersa ng dalawa sa pinaka respetado sa larangan. Sapul dito ang mga wack pati na rin mga mababa ang tingin sa Tagalog Rap. Dun naman sa mga lehitimong taga hanga at kapwa manunulat, siguradong mapapatango kayo sa bawat patak.

1111 

Ito ang opisyal na launch ng album nila Kemikal Ali at Arbie Won na pinamagataang “Bukas Uulan ng mga Bara”. Ilalabas ‘to sa ilalim ng Uprising Records, at may labinglimang kantang nag-rerepresenta ng solidong lirisismo at prudaksyon. Kung matagal ka nang sumusunod sa eksena, alam mo na siguro ang mga naiambag nilang dalawa.

 

Si Kemikal Ali ay unang nakilala bilang parte ng grupong BB Clan. Nilabas nila ang kanilang debut album (“Mabanges”) nung 1998 sa Dongalo Wreckords, at agad tumatak ang kanilang kakaibang stilo ng tugmaan. Sinundan ‘to ng “Bonafide Bastards” nung 2001, na itinuring din na classic ng mga taga subaybay. Nang mag-hiatus ang kanyang mga ka-grupo, tinuloy ni Ali ang paglalakbay bilang solo emcee. Nag-ambag siya ng malulupit na berso sa mga album ng mga kapwa bigatin sa larangan tulad ni Genezide, D-coy, Denmark, at marami pang iba. Maliban sa swabe’t epektibo na flow, siya rin ang binansagan na isa sa mga unang gumamit ng “multisyllabic rhymes,” (na hindi pa tinatawag na multisyllabic rhymes nung panahon na ‘yon).


 

1991 palang ay aktibo na si Arbie Won sa musikang Hiphop. Pumutok ang kanyang pangalan nang unang lumabas yung grupong Urban Flow. Siya ang nag silbing beatmaker ng grupo, at nakapag labas sila ng tatlong album. “Miss Pakipot” at “Padalaw” ang ilan sa mga naging sikat na kanta nila. Mula sa mainstream, bumalik muli si Arbie sa kailaliman upang buoin ang grupong Pamilia Dimagiba. Dito niya ipinamalas ang kanyang husay sa pag-likha ng mga mas madilim at magaspang na tunog. Hindi nagtagal ay naging respetado ang Pamilia Dimagiba, lalo na sa underground Hiphop. Si Arbie Won din ang utak sa likod ng United Freestyles Vol. 1, 2, at 3. Sa mga proyekto ‘to maririnig ang iba’t ibang klaseng emcees sa kanyang beats.

 

Pagkatapos magsama sa ilang track, sa kalagitnaan ng 2014, naisipan ni Ali at Arbie na mag-sama para sa isang proyekto. Naging opisyal na miyembro sila ng Uprising nung 2016, at dito na nag-patuloy ang recording ng “Bukas Uulan ng mga Bara”. Maliban sa kanilang dalawa, maririnig niyo rin dito ang beats nila Lowkey, DJ Umph, at Panocha Brothers, pati mga berso nila Klutch B, Jaime Labrador, Anak ni Bakuko, at ilang miyembro ng Uprising. Purong Hiphoppan ang maasahan mo mula sa una hanggang huling kanta.

 

Magaganap ang album launch alas-otso ng gabi sa Social House na matatagpuan sa ground floor ng Circuit Makati. Kabilang sa lineup si Apoc, Freek, DJ Nicko, pati mga grupong Evil Scientists at Chinese Mafia, na kasabayan din ng BB Clan dati sa Dongalo. Makakakuha ka ng CD at isang bote ng beer sa halagang 350 pesos. Kung mas lasenggo ka naman, 300 pesos ang entrance fee at may kasama na ‘tong dalawang beer. Magkita tayong lahat sa ika-31 ng Agosto at sama-sama nating suportahan ang mga tunay na alamat sa eksena.

 

 

          Mapapakinggan din ang ilang kanta bilang sneak preview ng album sa Spotify!
          https://open.spotify.com/artist/1RHYY7vkcxfw6SKrUfKvXc

          At ito naman ang Event Page para sa kumpletong detalye! 

          Bukas Uulan ng mga Bara Album Launch

 


Back