Bwelta Balentong 6 Pre-event Review

By Anonymous Battle Emcee


   Pagkatapos ng mga mababangis na event sa Davao at Cebu, babalik ulit ang liga sa Maynila para sa ika-anim na Bwelta Balentong. Sa wakas at mapapanood na natin ang semifinals ng 2019 Isabuhay. Unpredictable ang mga naunang round at siguradong ganyan din ang mangyayari sa gabing ‘to. Maliban diyan, meron ding limang non-tournament na laban na may potensyal matawag na classic. Halina’t pag usapan natin ang napaka lupit na lineup!

Shernan vs. Hazky

   Magaling sila Shernan at Hazky hindi lang sa pagpapatawa, kundi pati na rin sa mga kakaibang gimmick. Sila yung tipong hindi lang basta-basta gumagamit ng props o costume. Sinisigurado nila na angkop pa rin ‘to sa laban. Asahin natin na sa gabing ‘to ay may bago nanaman silang pakulo na papatok sa lahat.

   Pag dating sa letrahan, makakaasa tayo ng mga samu’t saring creative jokes mula sa kanila. May malaking tsansa rin na bumanat sila ng mga mas seryosong linya. Mahirap sabihin kung sino ang mananalo pero isa ang garantisadong mangyayari, makakakita tayo ng entertaining na duelo.

Apekz vs. G-Clown

   Isa sa dalawang battle para sa semis ng Isabuhay. Ibang klaseng G-Clown ang nakita natin nung unang at pangalawang round ng tournament. Nananatili ang kumpyansa na at mas lalo pang naging epektibo ang kanyang delivery pati mga bara. Malamang ay hindi siya magpapabaya dito dahil top tier emcee ang makakatapat niya.

   Tulad ni G-clown, isang daang porysento rin ang pinakita ni Apekz sa paligsahan na ‘to. Ngayong semifinals na, hihigitan pa niya ang kanyang mga nakaraang performance. Posibleng maging mas agresibo siya sa pag bitaw at mas gagawin niyang teknikal ang sulat niya. Syempre, hindi mawawala ang kanyang kakaibang stilo ng komedya. Bakbakan ‘to!

Sixth Threat vs. Poison13

   Dalawa sa pinaka nag improve na emcees ngayong taon ang magtatapat sa Isabuhay semis! Hanep sa consistency si Sixth Threat at kita naman sa laban niya kay Rudic at Lanzeta na gamay na niya ang teknikal na pen game. Nagiging mas mabisa ang mga linya niya dahil sa kanyang malinaw at agresibong delivery. Huwag kayong magulat kung hihigitan pa niya sa Bwelta Balentong.

   Pabangis nang pabangis ang multis ni Poison13 at gaya ni Sixth Threat, mas klaro na rin ang pag bigkas niya. Hindi niya hahayaang maging “tsamba” lang ang pagka panalo niya kay BLKD. Garantisadong mas I-aangat pa niya ang kalidad ng lirisismo niya dito. Isa ito sa mga pinaka inaabangan na duelo ng mga taga hanga ng battle rap kaya sana ibigay nilang dalawang ang A-game nila.

Apoc vs. Invictus

   Gusto niyo ba ng gaspangan at lirikalan? Pwes, para sa inyo ‘to! Kilala si Invictus hindi lang sa mga brutal at malalalim niyang bara, kundi pati sa kanyang malakas na delivery at flow. Talo siya sa huli niyang laban kaya malamang ay gagawin niya ang lahat para makabawi. Siguradong mas preparado siya dito at mas marahas ang mga ipapamalas niyang kataga.

   Si Apoc ay isa din sa mga pinaka teknikal at salbahe pag dating sa sulatan. Wala ring makakatanggi na laging epektibo ang agresyon niya sa entablado. Sa duelo na ‘to, maaaring sabayan niya ang lalim ni Invictus o manatiling rekta ang mga banat niya. Anuman ang kanyang stratehiya, magiging banta siya dito lalo na kung preparado siya. Huwag niyo sanang tulugan ang matchip na ‘to!

BLKD vs. Frooz

   Alam natin na si BLKD ang isa sa pinaka magaling sa FlipTop kung pen game ang usapan. Ang naging problema lang talaga niya sa mga nakaraan niyang laban ay yung consistency. Dalawang beses na siyang nag choke nang malala (vs. Damsa at Poison13) kaya kailangan na niyang makabawi. Kung preparado na siya sa Bwelta 6 at mas aangat pa ang sulat at delivery niya, dito na niya makakamit ang pagtubos.

   Huwag na huwag mamaliitin ni BLKD ang kalaban niyang si Frooz. May sarili siyang stilo pagdating sa komedya at epektibo rin ang pag halo niya ng mga seryosong punchline. Hindi rin mapag kakaila na malakas ang presensya niya sa entablado. Maaaring sa kanya mapunta ang panalo kung isang daang porysento ang overall performance niya.  

Zaito vs. Thike

   Ito ang pagkakataon ni Zaito upang patahimikin ang mga nanlalait sa performance niya. Ilang beses na siyang nagpabaya sa battle, pero pag preparado siya, isa siyang lehitimong banta. Laging patok ang jokes niya at nag iiwan din ng marka ang mga seryoso niyang kataga. Sana lang sa battle na ‘to ay ipakita niya muli nang buo ang lakas niya.

   Makalipas ang isang taon, muling nagbabalik si Thike sa FlipTop. Ang kaibahan niya kay Zaito ay lagi siyang handa sa mga duelo. Asahan niyo na consistent ulit siya dito at dahil top tier ang katapat niya, siguradong mas gagalingan pa niya. Parehas silang alamat sa freestyle kaya may tsansang makakarinig rin tayo ng mga malulupit na rebuttal at off-the-top punchlines.

LilJohn vs. Cripli

   Malaki ang improvement ni Cripli at dahil dito, sunod-sunod ang kanyang mga panalo. Tuloy kaya ang winning streak niya? Kung mananatiling pulido ang kanyang performance, hindi malabong mangyari ‘to. Lalong lumakas ang delivery niya at natuto na rin niyang balansehin ang epektibong komedya at masasakit na linya. Kailangang pag handaan ‘to dahil unpredictable ang kalaban niya.

   Si LilJohn ang isa sa mga emcee na mahirap kalabanin sa liga. Alam niya kung pano panatilihing patok ang jokes niya at kaya din niyang atakehin ang anuman stilo ng katapat niya. Dalubhasa din siya pag dating sa freestyle kaya kung may solidong banat ang kalaban niya, pwede niyang ibalik ‘to at gawing mas matindi pa. Instant classic ‘to kung walang magpapabaya sa kanila.

   Magkita kita tayo sa October 12 sa Tiu Theater, Makati Cinema Square. 500 pesos ang halaga ng pre-sale tickets habang 750 naman ang walk-in. May kasamang isang libreng beer parehas kaya sulit na. Nasa litrato sa taas ang kumpletong detalye tungkol sa pag bili ng pre-sale tickets. Pwede rin kayong bumili sa BranDead sa Munoz, Quezon City. Sundan niyo lang ang Facebook page ng FlipTop para sa iba pang impormasyon. Bwelta Balentong 6, mag-ingay! 


Back