Crew's In: Scavengers


Dalawang taon palang sila pero nakuha na nila agad ang suporta ng mga nasa eksena. Hindi lang ang mga makabag damdamin na kanta nila ang tumatatak, kundi pati ang kanilang kakaibang enerhiya sa entablado. Walang makakatanggi na isa sila sa mga patuloy na nagpapalakas ng kulturang Hiphop sa Cavite.

Nag simula bilang skaters at ngayon ay nangwawasak na ng mikropono, ating kilalanin sa bagong kabanata ng Crew’s In ang Scavengers. Ano ang nag tulak sa kanila para mag rap? Bakit sila nabuo? Sino-sino ang mga miyembro? Sasagutin nila yan pati ang iba pang mga katanungan dito. Simulan na natin!

1. Kailan at paano kayo nag-simula at sinu-sino ang mga kabilang dito?

Magandang araw para sa lahat ng nag babasa neto. Nangyare to nung (June 22, 2017) isang gabing nagkayakagan kaming tumambay at mag inom sa skate spot namin, Naibahagi ni Ben na nagresign sya sa trabaho at bumili ng isang mic condenser at ibang kagamitan. Ayon, Nagsimula kami sumubok mag sulat at ilapat ito sa recording. Iba din pala sa pakiramdam ang pagra-rap.

Bale nag umpisa kami di pa kami grupo, lagi lang kaming magkakasama sa bawat sabit na gig. Apat palang kami noon ni Benny Benz (Producer), Deno, Wreck at Throw. At ayon hanggat nag tuloy tuloy lang nakilala namin sila Tulala (Food Not Bombs Dasma) na tumulong samin magumpisa. Madaming nakilala, tumulong at impluwensya. Don na namin nakilala si Gmac.

2. Bakit Scavengers ang napili niyong pangalan? Ano ang ibig sabihin nito?

Yon nga, ito nadin ang dahilan nung umpisa bakit di kami isang grupo, kasi wala kaming maisip na pangalan. Kung bakit Scavengers, kasi naisip namin na bakit paba kami mag papakahirap sa pag iisip ng pangalan, Kung pede naman namin gamitin yung pangalan ng skate crew namin dito sa Trece Martires Cavite, na “Scavenger Crew”.

Ang kahulugan neto ay base nadin sa totoong kahulugan ng salitang “Scavenger” na taga kolekta ng mga patapon at pagreresiklo ng mga bagay na pwede pang mapakinabangan.

3. Sinu-sino ang mga impluwensya niyo bilang grupo?

Bawat isa samin ay may iba’t ibang impluwensya mapa-musika o Gawain. Umpisa paman di lang naman hip-hop pinakapakinggan namin at nakahiligan. Naging tagasubaybay din kami ng Hardcore at Punk scene dito sa Cavite.

Bale ang sagot sa katungan ay mag kakahalong impluwensya galing sa iba’t ibang uri ng musika na nabuo ng iisang hangarin. Pero kung magiging detalyado, eto ay sila Calix, Arcadia, Flash Elorde, Illustrado, Sun Valley Crew, Arbie Won, Emar Industriya, Anak Dalita at marami pang iba. 

4. Ano ang hangarin niyo sa eksenang ‘to?

Natural na gusto lang namin gumawa ng musika depende nalang kung pano nyo tignan na ambag ba to o hindi. Gusto namin maging isang inspirasyon kami para sa mga mag sisimulang grupo o solo na kung pano pa sila gagawa ng mga bagong tunog at itaas ang kalidad ng musika nila.

5. Sa dami ng mga grupo sa larangan, ano sa tingin niyo ang pinagkaiba niyo?

Di kami nagawa base sa gusto ng tenga ng mga taga pakinig. Nasusunod ang sariling damdamin sa pag sulat, kasi wala naman limitasyon at format para samin tong musika na ginagawa namin. At may sarili kaming tunog sa lahat.

6. Anu-ano na ang mga proyekto na nilabas niyo? 

Ginanap nung September 13, 2019 ang album launch namin sa pinaka mamahal naming tahanan na Ingay likha sa Imus Cavite. Nilabas na pagtapos ng isang taon na paghihirap at sikap ang album namin na pinamagatang “Premium Trash” na binubuo ng treseng kwento.

7. Ano ang mga plano (solo o bilang grupo) niyo sa mga darating na buwan o taon?

Maglalabas ng kanya kanyang EP at gawan ng Music video yung mga nasa album namin. Bilang grupo naman, Mag sasanay pa ng mabuti at tumulong sa galaw dito. Madami pa, siguro natural nalang na darating. Balak din namin mag Album Tour kung papalarin.

8. Sa pananaw niyo, ano ang estado ng Pinoy Hiphop ngayon?

Naniniwala kami na hati parin naman ang hip-hop dito sadyang tinatago lang nila sa salitang pag kakaisa pero di naman natin maitatanggi na napalakas nila to hanggat sa umabot na, kahit normal na tao ay nakikinig na ng hip-hop. Malakas sa bawat mag kaibang bahagi.

9. Ano ang maipapayo niyo sa mga grupong nag-sisimula palang?

Wag mag labas ng bara bara, maging planado at disiplinado sa lahat ng gagawin. At hanggang ngayon nandyan din kami sa proseso na yan.

10. May mensahe ba kayo sa mga taga subaybay niyo?

Kung meron man, Salamat tuloy lang!

11. Ano ang tingin niyo sa mundo ng battle rap? 

Ito ay isang hamon bilang battle mc at kakaibang larangan ng sining at pagpapahayag. 

12. Ano naman ang payo niyo sa mga battle emcee na nangangarap makapasok sa FlipTop?

Pagaralan ng maigi bago pumasok kasi para samin mas iba to sa pag gawa ng normal na musika. Kelangan ng talino, preperasyon at sapat na kondisyon ng katawan para maibitaw ng maayos ang bawat linyang sasabihin. Maraming Salamat FlipTop!

Mag-PM lang kayo sa kanilang Facebook page kung gusto niyong makabili ng kopya ng album nila. Syempre, nandyan din ang iba pang mga impormasyon tulad ng schedule ng gigs at mga paparating na proyekto. Isang malaking shout out sa Scavengers sa pag sulong ng ganitong klaseng tugtugan ng Hiphop. Ipagpatuloy niyo lang yan!


Back