Gubat 8 Pre-event Review

By Anonymous Battle Emcee


   Cebu, mag-ingay! Ilang araw nalang at Gubat 8 na! Sa Cap Center ulit ang venue, at pitong laban ang magaganap dito. Bawat emcee na kasali ay may kakaibang stilo, kaya sobrang laki ng posibilidad na magiging makasaysayan ang mga battle. Habang hinihintay niyo ang ika-13 ng Abril, magbibigay muna kami ng maiksing pre-event review. Game na…

Shernan vs. Range

   Kapag lumalaban si Shernan, makakaasa kayo lagi ng full force na performance. Hindi lang siya sa jokes mahusay, kundi pati na rin sa mga gimmick at pag-buo ng anggulo. Siguradong may mga bago siyang pakulo sa Gubat 8 na tatatak sa mga manonood.  3GS din ang makakatapat niya, pero alam naman natin na walang grupo-grupo sa kanila pag-dating sa battle.

   Kakaibang Range ang nakita natin nung Ahon 9. Kung ganun katindi din ang ipapamalas niya dito, maaari siya ang mag-wagi. Kaya niyang tapatan ang komedya ni Shernan, basta’t klaro at may kumpyansa ang pag-deliver nito. Iwasan din dapat niya ang mawala sa berso kahit saglit lang dahil kilala ang kalaban niya sa pagiging consistent sa bawat duelo.    

BLKD vs. Marshall Bonifacio

   Para ‘to sa first round ng 2019 Isabuhay Tournament. Alam naman natin na hindi isang daang porsyento ang binigay ni BLKD nung huli niyang laban, pero dahil Isabuhay ‘to, baka dito na siya babawi. Kailangan talaga niyang mag-handa dahil gutom ang katapat niya, at parehas silang may teknikal na istilo. Kung preparado si BLKD sa gabing ‘to, walang duda na nasa kanya ang advantage. 

   Laglag agad si Marshall Bonifacio sa unang kabanata ng Isabuhay nung nakaraang taon, pero marami pa rin ang namangha sa ginawa niya. Ngayong kasali siya ulit sa tournament, asahan niyo na mas ganado na siyang manalo. Maliban sa pagiging mas consistent, kailangan din niyang tindihan pa ang kanyang pen game. Wala na siyang kailangan problemahin sa delivery dahil epektibo ang pagiging agresibo niya.   

Lhipkram vs. J-Blaque

   Tournament battle din ‘to, at kung experience lang ang pag-uusapan, di hamak na mas may advantage si Lhipkram. Naranasan na niyang makipag digmaan sa Isabuhay at Dos Por Dos, at malupit ang performance niya sa parehas. Kung mananatili ang confidence pati ang pagiging creative ng mga bara niya, siya ang mag-aadvance sa second round.

   Unang beses sasalang si J-Blaque sa Isabuhay, pero huwag niyo siya mamaliitin. Ang laki ng improvement niya sa kanyang huling battle, at siguradong gagalingan pa niya dito. Tanggalin lang niya ang kaba at gawin niyang mas agresibo ang pag-bitaw niya. Dapat din niyang hasain ang kanyang jokes dahil diyan magaling ang katapat niya.  

Jonas vs. Asser

   Isabuhay battle ulit, at posibleng maging classic na clash of styles ‘to. Mabangis sa jokes at mga anggulo si Jonas habang si Asser naman ay pumapaslang gamit ang kanyang delivery at flow. Kung hindi sila magpapabaya, mahihirapan ang mga hurado sa pag-pili ng panalo. Parehas din silang galing sa pagkatalo, kaya asahan natin na ganado silang makabawi.    

J-King vs. Martin

   Interesting ang matchup na ‘to. Maliban sa multis, hindi mapagkakaila na malupit din si J-King sa delivery pati sa pag-halo ng komedya at seryosohang punchlines. Si Martin naman ay mas lalong nag-improve sa teknikal na sulat. Kung lalagyan lang niya ng konting angas pa ang pag-bigkas niya, baka siya ang makakuha ng tagumpay dito. Sa ngayon, nakay J-King ang advantage hindi lang dahil sa experience, kundi dahil mas malakas talaga ang stage presence niya. 

Chris Ace vs. GI

   Nag-iwan agad ng marka si GI nung nanalo siya sa debut battle niya sa Bisaya Conference. Sa Gubat 8, malalaman natin kung kaya din niyang makipagsabayan sa Tagalog. Ang makakalaban niya ay si Chris Ace na laging may baon na malalakas na suntok at epektibo na delivery. Medyo underrated pa rin silang dalawa, pero kung ibibgay nila ang lahat sa gabing ‘to, baka mas pumutok pa ang pangalan nila.

GL vs. Pen Pluma

   Dalawang produkto ng Process of Illumination sa Visayas nung nakaraang taon ang maghaharap sa Gubat 8. Panoorin niyo yung highlights ng tryout para makita niyo kung gaano sila kalupit sa freestyle. Gamay na rin nilang ang modernong format ng battle rap, kaya huwag niyong tutulugan ang dalawang ‘to. Dahil unang laban nila sa FlipTop, garantisadong solido ang mga bibitawan nila.

   Nasa taas ang kumpletong detalye ng pre-sale tickets. 450 pesos ang presyo ng pre-sale habang 700 naman para sa walk-in. May kasama pang isang libreng beer parehas. Abangan niyo rin ang Won Minutes event na gaganapin sa Biyernes. Tutukan niyo nalang ang FB page ng FlipTop para sa mga update. Oh, pano? Magkita nalang tayo sa April 13!


Back