Gubat 9 Pre-event Review

By Anonymous Battle Emcee


   Sa ika-28 ng Setyembre, nasa Cebu ulit ang FlipTop para sa pang siyam na Gubat event. Pitong laban ang magaganap at kahit walang Isabuhay battle, mukhang magiging makasaysayan pa rin ang gabing ‘to. Para mas lalo pa kayong ma-excite, ating pag-usapan ngayon ang malupit na lineup. Huwag na huwag niyo ‘tong palalampasin!

Batas vs. Range

   Walang makakatanggi na grabe yung pinakita ni Batas sa mga nakaraan niyang laban kahit talo siya. Hindi siya yung tipong emcee na hahayaan lang tumuloy ang losing streak kaya asahan niyo na lalo pa niyang gagalingan dito. Dahil kilala ang Cebu crowd sa pagiging mas bukas sa teknikal na lirisismo, malaki ang tsansa na mas maraming makakaunawa sa istilo niya.

   Si Range ang isa sa mga makata sa liga na tuloy-tuloy ang pag improve, mula sa sulat hanggang sa stage presence. Bigatin ang makakalaban niya sa Gubat 9 kaya siguradong hihigitan pa niya ang kanyang mga nakaraang performance. Maliban sa pag balanse mga seryoso at laughtrip na linya, posibleng gumawa ulit siya ng mga kakaibang anggulo. Kaabang abang na style clash ‘to!

Asser vs. Tweng

   Isa nanamang style clash na may potensyal maging classic! Nananatiling solido si Asser pag dating sa pen game, flow, at delivery. Dahil kakaiba ang kalaban niya sa gabing ‘to, maaaring magpamalas rin siya ng panibagong atake na hindi inaabondona ang kanyang rap skills. Madalas siyang consistent sa mga battle kaya asahan niyo na malinis ulit ang performance niya dito.

   Muling nagbabalik sa Gubat si Tweng! Siguradong ipapakita ulit niya ang kanyang creativity sa pag gamit ng props, pero dahil lirikal ang katapat niya, posible ring mas tumutok siya sa mga bara ngayon. Marami pa ang pwedeng mangyari dahil kilala si Tweng sa pagiging sobrang unpredictable. Walang duda na magiging entertaining ang duelong ito.

Fangs vs. Marshall Bonifacio

   Lalaban ulit si Fangs pagkatapos ng higit dalawang taon. Sana lang ay hindi siya kinalawang dahil isa siya sa mga pinaka malupit sa Cebu. Kaya niyang pagsabayin ang teknikal at komedya at malaki ang improvement ng delivery niya. Kailangan niyang galingan dito, lalo na’t gutom sa panalo ang makakaharap niya.

   Hindi man pinalad si Marshall Bonifacio sa unang round ng Isabuhay, nanatili pa ring mabagsik ang kanyang pen game. Mas nagiging epektibo din ang kanyang mga linya dahil sa kanyang agresyon sa entablado. Kapag mawala na ang mga stumble niya, pwedeng mapunta sa kanya ang boto ng mga hurado.

Martin vs. J-Blaque

   Garantisadong lirikalan din ang laban na ‘to! Mas may kumpyansa na si J-Blaque sa entablado at mas lalo ring lumakas ang mga punchline niya. Talo man siya nung huli niyang laban, nakuha pa rin niya ang respeto ng crowd. Kung hindi siya magpapabaya at mananatili siyang consistent dito, baka makuha niya ang panalo.

   Isa rin si Martin sa mga patuloy na nag iimprove sa FlipTop. Siguradong gusto niyang makabawi sa talo niya kay J-King sa huling Gubat kaya makakaasa tayo ng matinding performance mula sa kanya. Mabangis na ang mga linya niya at kung gagawin pa niyang mas madiin ang delivery niya, maaaring sya ang mag wagi.

Chris Ace vs. Pen Pluma

   Ito’y para rin sa mga mahilig sa purong lirikal na digmaan. Hindi lang kilala sila Chris Ace at Pen Pluma sa mabibigat nilang mga bara, kundi pati sa epektibo nilang delivery. Parehas pa silang galing sa panalo kaya garantisadong mas lulupitan pa nila dito. Kung walang magkakalat sa kanila bawat round, posibleng isa ‘to sa mga pinaka dikit na laban ng gabi.

Doc Pau vs. GL

   Makasaysayan yung comeback ni Doc Pau nung nakaraang Second Sight. Nandun pa rin yung galing niya sa pag bitaw ng mga seryoso at kwelang bara pati ang kanyang agresibong delivery. Malamang ay gusto niyang ituloy ang kamyamg winning streak kaya humanda kayo sa mas malupit pa na ipapakita niya.

   Hindi nakuha ni GL yung panalo nung nakaraang Gubat, pero madami pa ring humanga sa ginawa niya. Siguradong tatapatan niya ang mga letra pati ang enerhiya ni Doc Pau sa entablado. Ayos rin yung swabe niyang delivery dahil mas nagiging unpredictable ang mga banat niya.

GI vs. Lil Strocks

   Marami ang bumilib kay Lil Strocks nung huling Won Minutes sa Cebu. Pumatok ang bawat joke niya at tumama rin ang mga teknikal niyang punchline. Ngayong sasabak na siya sa Gubat, siguradong mas lulupitan pa niya. Ganyan din ang diskarte ni GI sa battle. Natalo man siya kay Chris Ace nung Gubat 8, tumatak pa rin ang jokes pati mga seryosohang banat niya.. Kung sakaling ito talaga ang unang battle ng gabi, siguradong masaya ang simula ng event.

    500 ang presyo ng pre-sale ticket habang 750 naman ang walk-in. Parehas may kasamang libreng beer para sa mga may tamang edad na. Nakalagay sa mga litrato sa taas ang kumpletong detalye tungkol sa pag bili ng presale. Basahin niyo nalang nang mabuti.

   Magkakaroon din pala ng Won Minutes event sa ika-27 ng Setyembre. Maliban sa mga solidong duelo, mapapanood niyo pang tumanghal dito ang mga mababagsik na emcees at DJ’s. Sundan niyo lang ang opisyal na Facebook page ng liga para sa iba pang impormasyon. Kita kits, Cebu!


Back