Kumusta ang 2018?

By Ned Castro


   Napakabilis talaga ng panahon noh? Akalain niyo, nalalapit na ang wakas ng 2018. Ang dami nang mga nangyari sa liga, at siguradong madadagdagan pa ‘to hanggang sa katapusan ng taon. Bago tayo tumuloy, balikan muna natin ang mga kaganapan nung nakaraan…

   Pagkatapos ng maikling pahinga, naging aktibo ulit ang FlipTop nung Pebrero para sa ika-walong anibersaryo nito. Nagkaroon ng mga event sa Metro Manila, Cebu, at Davao, at kahit walang battle na nangyari, dinumog pa rin ang mga ‘to. Ang saya makita yung mga taga subaybay na sinusuportahan ang sining ng emceeing, turntablism, graffiti, at breakdancing. Patunay lang na paangat nang paangat ang Hiphop sa buong bansa. Kung isa ka sa mga hindi nakapunta, sayang! Huwag mo na palalampasin yung susunod!

   Ang Second Sight 6 (unang battle event ng taon) ay ginanap nung Marso, at dito rin nagsimula ang Isabuhay tournament. Natuwa ang mga taga hanga nila Abra at Shehyee dahil nabawi nila ang sunod-sunod nilang pagkatalo. Sumali ulit si Batas, at mas lalo pang lumakas ang kanyang sulat pati delivery. Grabe ang pinakita ni J-King at Plazma sa gabing ‘to. Hindi pa lumalagpas sa kalahati, pero sobrang exciting na agad ng tournament.

   Pagdating ng Mayo, nilabas na ang opisyal na website ng liga. Higit isang taon ‘to pinagplanuhan, at may mga naranasang ring problema bago ‘to naging online. Ngayon, patuloy itong lumalakas at tiyak na marami pang mga features na darating. Habang wala pang bagong battle, pwede muna kayong mag-basa ng iba pang mga article, mag-soundtrip sa FlipTop radio, o panoorin ang ibang mga makabuluhang segments. Nandito rin ang mga update para sa mga susunod na paligsahan.

   Bumalik ang FlipTop sa B-side nung Hunyo para sa Zoning. Walang Isabuhay battle na naganap, pero nakakita pa rin tayo ng mga malulupit na engkwentro. Maraming duelo dito na pinagdedebatihan ang resulta, prueba na matindi talaga ang event. Hindi huminto ang galawan nang dumating na ang buwan ng Hulyo. Pumunta ang liga sa siyudad ng Cavite para sa ika-anim na Process of Illumination. Isa lang ang masasabi namin, abangan niyo lahat ng mga bagong pasok sa dibisyon. Ramdam na ramdam namin yung gutom at dedikasyon ng bawat makata. 

   Hindi nagpadaig ang Visayas at Mindanao division ngayong taon. Bumisita muli ang liga sa Cebu para sa Gubat 7 at Davao para sa Pakusganay 4. May mga bigating emcee na nag-balik at nanalo at may mga laban na posibleng maging “battle of the year”. Nagkaroon din ng tryouts sa dalawang lugar, at maraming mga mababangis na nadiskubre. Tumuloy ang Process of Illumation sa Maynila nung Agosto at sa Pampanga naman nung Setyembre.  Bakbakan ng freestyle ang nasaksihan ng mga tao dito. Huwag na huwag niyong tutulugan ang mga nag-kampyeon pati ang mga special picks.

   Maliban sa tryouts, ginanap din ang ika-limang Bwelta Balentong nung Setyembre. Tinawag agad na classic ang digmaan nila Tipsy D at Apoc. Sa sobrang lupit ng performance nila, sumang ayon ang lahat na wala talagang natalo dito. Napanood din natin sa event na ‘to ang quarterfinals ng Isabuhay Tournament. Solido ang bawat duelo at may mga unexpected na nangyari. Sinong mag-aakalang matatalo ni Fukuda ang two-time champ na si Batas? Marami ang nagsasabi na hanggang first round lang si Pistolero, pero nakuha niya ang limang boto laban kay Plazma. May mga nag-sabi na hindi rin magtatagal sila Shehyee at Abra sa tournament, pero pagtapos ng malupit nilang performance, naging banta sila agad. Tumatak din sa manonood ang kakaibang battle ni Shernan at Hearty. Magpasalamat tayo at hindi pa tinatanggal yung video online. Nag-tapat din si Jonas at Lhipkram na parehong mula sa 3GS. Kahit magkakampi sila, digmaan pa rin ang nakita natin.

   Bwelta Balentong 5 nga pala ang pinaka huling event na ginanap sa B-Side. Nais ulit naming magpasalamat sa venue na ‘to na nag-silbing tahanan ng FlipTop nang ilang taon. Kung nais niyong mag-reminisce, panoorin niyo ulit ang ilang sa mga classic na laban na ginanap dito. Ganunpaman, ang pag-sara ng B-Side ay hindi naging hadlang sa pag-usbong ng battle rap. Pagpatak ng Oktubre, bumalik ang FlipTop sa Quantum para sa ika-anim na Unibersikulo. Espeyal ang venue na ‘to dahil dito nangyari ang kauna-unahang event ng liga. Sa Unibersikulo 6 natin nakita ang brutal na laban ni Shehyee at Fukuda. Mabangis ang ipinamalas ni Fukuda, pero nadaig talaga siya ni Shehyee sa aggression at stage presence. Kakalabas lang rin ng M Zhayt vs. Poison 13. Matinding letrahan at rap ability ang ipinamahagi ng dalawa. Abangan ang mga susunod pa na upload.

   Solido pa rin eksena sa 2018 at walang tigil ang pag-abante nito. Sa mga tunay na fans, huwag kayong mag-sawa sa pag-suporta. Makakaasa kayo ng marami pang pasabog sa darating ng buwan. Malapit na rin ilabas ang poster ng Ahon. Magugulat kayo sa lineup dun! Syempre, tangkilin niyo rin ang iba pang proyekto ng emcees tulad ng mga kanta, album, at gig. Diyan ninyo mas makikilala at mauunawaan ang mga hinahangaan niyo.

 

 

 


Back