Laban To!: Ang 2019 Isabuhay Tournament Bracket

By Anonymous Battle Emcee


   Nilabas na ng FlipTop sa kanilang Facebook page ang bracket ng 2019 Isabuhay Tournament. Base sa performance ng mga emcee na nakaabante, mukhang magiging mas maaksyon pa ang quarterfinals.  Walang duda na excited na ang lahat!

   Habang nag-aabang tayo ng announcement tungkol sa susunod na event, tignan muna natin ang mga duelo na mangyayari sa ikalawang yugto ng paligsahan. Apat na laban nalang ang natitira, at bawat isa ay sobrang unpredictable. Simulan na natin ang rebyu…

SA KALIWA:

BLKD vs. Poison 13

   Nag-balik ang preparadong BLKD nung nakaraang Gubat event, kaya pwede nang manahimik muli ang haters niya. Alam naman natin ang kakayahan niya kapag full force siya sa entablado. Kung talagang wala na sa kanya ang sumpa ng choke o stumble, pwede siyang umabot sa finals. Syempre, wag rin siyang makapamante agad dahil malakas ang kalaban niya sa next round.

   Pinatunayan ni Poison 13 sa battle niya kay Dosage na seryoso siya sa tournament na ‘to. Kitang kita rin ang malaking improvement ng style niya. Oo, solido na ang mga pinakita niya dati, pero mas lirikal pa siya ngayon. Base sa nakaraang pag-tanghal niya, mukhang handa na siyang makipag sagupaan kay BLKD. 

Lanzeta vs. Sixth Threat

   Marami ang nagulat nung tinalo ni Lanzeta si Sayadd nung Second Sight 7. Abangan niyo yung video niyan. Sobrang classic na laban! Mas klaro na ang mga banat ni Lanzeta ngayon, at mas polido na rin ang mga anggulo niya. Hindi rin maitatanggi na tumaas pa lalo ang kumpyansa niya. Panatilihin niya lang ‘to at siguradong malayo ang maaabot niya sa Isabuhay.

   Ibang Sixth Threat ang napanood natin nung Pakusganay 5. Kung matindi ang delivery at rhyme schemes niya dati, mas malupit pa ngayon. Umangat din ang creativity niya, kita naman dun palang sa kanyang fake choke na skema. Exciting malaman kung ano ang plano niya sa susunod na duelo. Tatapatan niya kaya ang brutal na stilo ni Lanzeta o ibang anggulo ang gagamitin niya? Abang-abang nalang tayo. 

SA KANAN:

Lhipkram vs. G-Clown

   Ito ang pangalawang pag-salang ni Lhipkram sa tournament, at nabawi niya ang pagkatalo niya sa unang round nung nakaraang taon. Pinatunayan niya nung Gubat 8 na isa pa rin siya sa mga pinaka mabagsik pag dating sa multis at pag-halo ng seryoso at nakakatawang mga linya. Lagi ring malakas ang kanyang presensiya sa entablado. Kung hindi siya mawawala sa mga berso, baka makaabante siya sa semis.

   Matagal nagpahinga si G-Clown sa pag-battle, pero nung bumalik siya nung Second Sight 7, walang bahid ng kalawang ang performance niya. Nandun pa rin ang husay niya sa pag-flow pati sa pag-sulat ng mga epektibong punchline. Isa sa mga armas niya ay ang jokes, kaya posibleng magiging classic ang laban niya kay Lhipkram. 

Asser vs. Apekz

   Maganda ang simula ng 2019 ni Asser, dahil nung Gubat 8, nakabangon na siya mula sa kanyang losing streak. Nandun ulit ang bangis ng kanyang flow at delivery, at mas epektibo na ang pen game niya. Kailangan niyang panatilihin o higitan pa ‘to dahil hindi biro ang makakatapat niya sa susunod na round. Mukhang gagawin naman niya , lalo na’t pangatlong beses na niya sa tournament.

   Agresibong Apekz ang nasaksihan natin sa Second Sight 7. Kahit may ilan siyang mga baon na jokes, pagalit pa rin niyang binitawan ang mga ‘to. Dito mo makikita na seryoso talaga siyang makuha ang 100k pati ang titulo ng kampeon. Kung hindi siya magpapabaya sa second round, malaki ang posibilidad na lalaban ulit siya sa semis. Grabe ang salpukan na ‘to sigurado!

   Good luck sa mga rapper na kasali pati na rin sa mga magiging hurado. Siguradong mahihirapan kayo sa pag-pili ng panalo, lalo na kung preparado ang lahat. Sa mga manonood naman, kita kits nalang sa panibagong Won Minutes at Zoning. Tumutok lang dito sa website pati sa FB page para sa mga update. Mabuhay ang Pinoy Hiphop!


Back