FlipTop Battle League

Paano tatapatan ng Hiphop ang malalaking festivals ng ibang genre?

By Anonymous FlipTop Fan


   Matagal tagal na rin akong taga hanga ng Pinoy Hiphop. Halos mag dadalawang dekada na. Marami na akong mga napuntahan na event kabilang na dito ang mga paligsahan ng FlipTop. Maliban diyan, nakikinig din ako ng rock at aktibo rin ako sa eksena nito. Isa sa mga napansin kong pagkakaiba ng dalawa ay mas lamang ang rock sa pagkakaroon ng music festival. Hindi ito yung simpleng gig lang ha? Ito yung mga tugtugan na nagaganap sa malawak na outdoor venue na may malaking entablado at punong puno ng mga tagasubaybay. Ganito rin sa eksena ng jazz, techno at iba pa. Saludo sa galawan nila, pero syempre, gusto ko pantayan ang mga ‘to ng Hiphop. Kaya ang tanong, paano nga ba ‘to mangyayari?

   Meron nang mga nag tangkang gumawa ng festival dati pero kadalasan ay hindi ito napupuno o kaya naman nagkakaroon ng mga problema backstage. Sa tingin ko, ang pinakaunang dapat kailangan ay isang organizer na Hiphop din. Kaya nagkakagulo ang ibang “malalaking” event dati dahil ito’y nag mula sa mga taga labas. Ginawa lang nila ang mga ‘to dahil uso at madaling pagkakitaan. Dahil diyan, wala silang kaalam alam sa mga patakaran. Tingin nila na dahil “exposure” ang ibibgay nila ay pwede na nilang gawing alipin ang mga tutugtog. Sa madaling salita, kailangan iwasan ang mga bwitre!

   Bilang organizer, hindi rin maiiwasan magkaroon ng bias. Sigurado na ang gusto mo lang makasama sa lineup ay yung mga trip mo na artists. Yan ang isa pang kailangan baguhin kung magtatayo ng festival. Malaking event ‘to at hindi lang ‘to sayo o sa inyo umiikot. Buong komunidad dapat ang prayoridad mo dito. Tandaan na maraming mga subgenre ang musikang Hiphop at iba-iba ang panlasa ng mga tao na manonood. Kung merong diversity, tiyak na maraming magiging interesado.

   Dahil napagusapan natin ang diversity, isa pang problema ng mga nakaraang festival ay ang pagtutok sa isa o dalawang elemento ng Hiphop lang. Ang sining ng emceeing ang madalas nakakakuha ng spotlight sa ganitong klaseng kaganapan. Ipakita mo sa lahat, lalo na sa mga bago palang sa kultura, na napaka lawak ng eksena natin. Bigyan ng pagkakataon ang mga DJ, producers, graffiti artists, beatboxers at breakdancers na makilala pa nang todo. Ang daming magagaling sa mga larangan na yan!

   Pang huli, para naman ‘to sa ating mga tumatangkilik sa kultura. Pinaka importante pa rin talaga ang malakas na suporta. Maaaring may mga makita kang hindi mo trip o hindi ka pamilyar, pero baka pwede mo pa tong bigyan ng pagkakataon. Aaminin ko na may mga artists rin na hindi ko gusto, pero nung napanood ko na sila sa entabaldo, nagbago agad ang pananaw ko. Sa live mo mas mauunawan ang istilo nila pati ang kanilang dedikasyon. Para naman sa mga hindi Hiphop, subukan niyo pa rin pumunta at tignan ang galawan ng kultura. Boring ang buhay kung iisang genre lang ang hilig mo. Ikalat rin natin ang event sa social media o kahit sa simpleng word of mouth lang. Malaking tulong na yun.

   Naniniwala ako na kayang tapatan o higitan ng The FlipTop Festival ang mga malalaking festival ng ibang genre. Hindi lang dahil isang dekada na silang gumagalaw, kundi dahil nung simula palang, pinaglalaban na nila ang Hiphop. Nanatili silang aktibo kahit walang ni isang malaking kumpanya na tumulong. Diyan pa lang ay makikita mo na mahal talaga nila ang kultura. Pupunta ako sa ika 7 at 8 ng Pebrero. Sana makita ko rin kayo. Abangan nalang natin ang opisyal na poster.


Back