Pakusganay 5 Pre-event Review

By Anonymous Battle Emcee


   Pitong duelo (dalawa ay para sa Isabuhay Tournament) tapos may mga bigatin na babalik sa entablado. Mukhang magiging malupit nanaman ang ika-limang Pakusganay 5 event sa Davao. Gaya ng mga nakaraang paligasahan, tatalakayin muna natin ang bawat laban sa gabing ‘to para mas ma-excite pa kayo. Hindi na kailangan ng mahabang intro. Umpisahan na natin…

Sinio vs. Nikki

   Pagkatapos ng maaksyon na Dos Por Dos nung 2017, babalik ulit si Sinio sa one-on-one battle. Ang makakatapat niya sa Pakusganay 5 ay si Nikki na mahusay rin sa komedya. Isa lang ang siguradong mangyayari dito, sasakit ang mga tiyan niyo sa kakatawa. Dalawang emcee na eksperto sa isang stilo. Imposibleng hindi maging makasaysayan ‘to.

   Nakay Sinio ang advantage experience-wise, pero huwag niyo basta-basta mamaliitin si Nikki. Magaling sa mga gimmick itong rapper na taga Digos, at malaki ang tsansang may ipapakita siyang bago dito. Asahan niyo rin na isang daang prosyento ang Joke King sa duelong ‘to, lalo na’t matagal siyang nag-pahinga.

Poison13 vs. Dosage

   Isa sa dalawang laban para sa 2019 Isabuhay. Maaring sasabihin niyo agad na si Poison13 ang favorite, dahil maliban sa gamay na niya ang tournament, mas accessible ang istilo niya. Totoo nga naman yan, pero tandaan niyo na iba rin talaga ang crowd sa Davao. Hindi lang sa mga jokes o rektang punchlines nag-rereact ang mga tao, kundi pati na rin sa mga kakaibang atake gaya ng kay Dosage.

   Mananaig kaya ang mga matitinding multi at anggulo ni Poison13 o gugulatin tayo ng mga malalalim na kataga ni Dosage? Depende nalang yan sa kung sino ang mas preparado at may kumpyansa sa entablado. Bakbakan ang masasaksihan natin sa matchup na ‘to.

Sixth Threat vs. Rudic

   Para sa Isabuhay Tournament din ‘to, at kung parehas silang handa, pwede tong maging classic. Grabe yung pinakita ni Sixth Threat laban kay Tatz Maven nung nakaraang taon. Kapag manatili sa ganyang lebel ang performance niya dito, makukuha niya ang panalo. Syempre, huwag na huwag siyang makampante agad. Kakaibang Rudic ang nasaksihan natin nung huling Pakusganay, at kung gagawin pa niyang mas agresibo at tuloy-tuloy ang delivery niya, baka siya ang umabante sa second round. 

Fukuda vs. Tatz Maven

   Parehas silang teknikal, pero magkaiba ang atake. Mas direkta ang mga bara ni Tatz Maven habang si Fukuda naman ay mas kumplikado. Iba rin ang diskarte ng dalawa pag-dating sa delivery. Swabe ang pag-bigkas ni Tatz kahit masasakit ang mga linya niya. Maganda yung ganito dahil may sense of unpredictability. Si Fukuda naman ay di hamak na mas agresibo. Kapag tinodo niya pa sa battle na ‘to, maaaring maging dominante siya sa tatlong round. Nasa panlasa nalang ng mga hurado kung kaninong taktika ang magiging epektibo. 

Zero Hour vs. Emar Industriya

   Malaki ang posibilidad na ito ang magiging battle of the night. Natalo man si Emar nung laban niya kay Towpher, marami pa rin ang nabilib sa ebolusyon ng kanyang istilo. Mas marami na siyang suntok ngayon, at lalong lumalakas ang mga ‘to sa tuwing hinahaluan niya ng malawak na bokabularyo.

   2016 pa yung huling battle ni Zero Hour. Sana lang ay hindi siya kinalawang sa ilang taon niyang pahinga sa pag-battle. Kung mananatiling pulido ang mga berso niya, walang duda na dehado ang katapat niya. Hawig kay Emar ang istilo niya, kaya garantisadong sasabog ang utak ng mga manonood nito.

Mardzsen vs. Ran

   Nung huling laban ni Ran sa Davao, gumana ang pag-eksperimento niya sa komedyang istilo. May tsansa na ganito ulit ang atake niya sa Pakusganay 5, dahil magaling rin sa pagpapatawa ang makakalaban niya. Pwede niyang ipaghalo ang jokes at teknikalan para maging mas malaking banta siya sa battle na ‘to. 

   Pumapatok ang karamihan ng mga linya ni Mardszen, pero minsan ay napuputol-putol siya sa mga round niya. Kung mas malinis at consistent ang performance niya dito, baka makuha na niya ang una niyang panalo. Pwedeng tapatan o higitan ng duelong ‘to ang Sinio vs. Nikki, basta’t wag lang magpapabaya ang dalawa. 

N-Flowinz vs. Zend Luke

   Sila ang nagtapat sa finals ng Process of Illumination 6 para sa Mindanao Division, at dahil sa lupit nilang mag-off the top, parehas silang nagkampyeon. Maglalaban ulit sila sa Pakusganay 5, pero sa modernong format naman. Kasing bangis kaya ng freestyle nila ang kanilang mga sulat? Sa susunod na linggo na natin malalaman yan. Basta sana ay galingan nila at patunayan nila kung bat kaparapat dapat sila sa liga.

   Sa Cap Auditorium ulit magaganap ang event. 450 pesos ang presyo ng pre-sale ticket at 700 naman para sa walk-in. May libre na isang beer parehas. Punta lang kayo sa FB page ng FlipTop para sa mga detalye tungkol sa pre-sale tickets. Ayos ba? Magkita nalang tayo sa ika-30 ng Marso. Davao, mag-ingay!


Back