Pakusganay 6 Pre-event Review

By Anonymous Battle Emcee


   Gaano kalakas ang Hiphop sa Davao ngayon? May dalawang Pakusganay event sa isang taon! Magaganap ang ikalawang kabanata sa ika-24 ng Agosto sa Muzikhaven Resto Bar. Wala man laban para sa Isabuhay, may potensyal pa ring maging makasaysayan ang bawat battle dito. Pag-usapan muna natin ang malupit na lineup ng Pakusganay 6!  

Sak Maestro vs. Lanzeta

   Matinding matchup ‘to dahil kilala sila sa kanilang husay sa teknikalan. Lamang nang konti si Lanzeta kung delivery ang pag uusapan. Mas agresibo siya tumanghal at mas naging klaro na rin ang pag bigkas niya ngayon. Si Sak naman llamado pag dating sa rektahang atake. Bagamat parehas silang teknikal, mas “straight to the point” ang banat ni Sak.

   Depende nalang siguro ‘to sa panlasa ng mga hurado. Ang maaasahan natin dito ay pagalingan at palaliman ng mga bara kaya tama lang na naging main event ‘to. Sana lang talaga ay preparado sila. Kapag may isa na nawala sa mga berso, masisira ang momentum ng laban.

Kregga vs. Jonas

   Hindi makukumpleto ang isang FlipTop event kung walang style clash na battle. Si Kregga ay kilala sa purong lirikalan habang si Jonas naman ay hinahaangan sa galing niya sa komedya. Walang duda na unpredictable tong laban na ‘to. Tulad ng Sak Maestro vs. Lanzeta, naka depende nalang rin sa mga hurado kung kaninong atake ang mananaig.

   May posibilidad din na tatapatan ng emcees ang istilo ng isa’t isa. Maaring bumanat ng jokes si Kregga at mag teknikal si Jonas. Nagawa na nila ‘to nang ilang beses dati at gumana naman. Malupit ang battle na ‘to basta’t handa sila.

Sayadd vs. Fukuda

   Maliban sa agresibong delivery, ibang lebel rin ang sulat nila Sayadd at Fukuda. Makakaasa tayo ng mga brutal at malalalim na linya sa tatlong round. Maaaring sabihin niyo na si Sayadd ang lamang dito dahil sa experience, pero huwag niyong mamaliitin si Fukuda. Marami na siyang mga tinalo na bigatin sa liga at patuloy ang pag angat ng pen game niya. Ito’y pwedeng maging kandidato para sa battle of the night kapag isang daang porsyento sila.

Dosage vs. Zend Luke

   Isa nanamang digmaan para sa mga mahilig sa matatalim na lirisismo. Kahit may konting slip ups siya, grabe pa rin ang pinakita ni Zend Luke nung debut battle niya sa Pakusganay 5. Pano pa kaya kung mas preparado siya? Talo man si Dosage nung huling event, walang makakatanggi na ibang klase yung performance niya dun. Mas may kumpyansa na siya at mas tumatama na rin ang kanyang mga suntok. Huwag niyo sanang tulugan ang matchup na ‘to!

Rudic vs. Ran

   Parehas din sila na mabangis ang pinakita nung ika-limang Pakusganay. Hindi man nag wagi si Rudic laban kay Sixth Threat, kitang kita pa rin ang improvement ng kanyang delivery at pen game. Asahan natin na mas gagalingan pa niya dito. Si Ran naman ay nakatikim ng panalo nung nakaraang event, at siguradong mas seseryoshin pa niya sa ika-24 ng Agosto. Mahusay sa technicality ang dalawa kaya posibleng maging dikit ‘to.

Maxford vs. N-Flowinz

   Bumalik ang momentum ni Maxford nung nanalo siya sa Won Minutes event sa Davao. Solido pa rin ang jokes pati mga multi niya at nag improve din ang kanyang delivery. Pangalawang duelo palang ‘to ni N-Flowinz sa liga at kahit hindi siya pinalad sa debut niya, matindi pa rin ang overall performance niya. Makakapanood tayo ng palitan ng mga nakakatawa at teknikal na linya.  

Dopee vs. Gameboy

   Pagkatapos ng halos apat na taon, muling nagbabalik si Dopee sa entablado! Tumatak ang mga jokes at magagaspang na bara niya dati. Epektibo pa rin kaya siya ngayon? Sa August 24 na natin malalaman. Kailangan niya talagang pag handaan ‘to dahil malakas ang katapat niya. Dominante si Gameboy noong Won Minutes Davao. Bawat suntok niya ay tumama at hindi mapagkakaila na may husay din siya sa pagpapatawa. May tsansang maging classic ‘to!

   Nakalagay na sa litrato sa taas ang lahat ng mga detalye tungkol sa pag kuha ng pre-sale tickets. 500 nga pala ang halaga ng pre-sale habang 750 naman ang walk-in. Parehas may kasamang libre na beer. Ayos, diba? Sundan niyo lang ang pahina ng liga sa FB para sa karagdagang impormasyon. Sa mga taga Davao, kita kits tayo diyan. Ilang araw nalang!


Back