Second Sight 7 Pre-event Review


   Mukhang wala pang balak magpahinga ang liga ngayon. Pagkatapos ng ilang mga paligsahan sa Davao at Cebu, babalik sa Manila ang FlipTop para sa ika-pitong Second Sight. Maliban sa tatlong Isabuhay battle, exciting din ang mga non-tournament na duelo. Pag-usapan muna natin ang matinding lineup habang hinihintay ang event. 

Batas vs. Sak Maestro

   Dalawang sa mga pinaka lirikal sa liga ang magtatapat sa Second Sight 7. Alam natin na parehas silang parte ng Uprising, pero dahil gamay nila ang battle rap, walang tropa-tropa sa laban na ‘to. Sana lang ay maging 100% na dito si Sak Maestro. Sobrang solido ng performance niya nung Pakusganay 4, kaso medyo nagkalat ulit siya nung Ahon 9. Back-to-back champ ang katunggali niya, kaya dapat mag-seryoso na siya dito.

   Bwelta Balentong 5 pa yung huling duelo ni Batas. Maapektuhan kaya siya ng “ring rust” sa gabing ‘to? Malaki ang tsansa na hindi dahil kilala siya sa pagiging laging preparado sa digmaan. Lamang siya kung aggression ang pag-uusapan, at kung gagawin niyang mas teknikal pa ang mga linya niya, pwede niya makuha ang tagumpay. Garantisadong teknikalan ang mapapanood natin!

Apekz vs. Hazky

   First round battle para sa 2019 Isabuhay Tournament. 2017 pa yung huling laban ni Apekz, pero tulad ni Batas, hindi rin siya basta-basta nagpapabaya. Asahan natin na full force siya dito dahil maliban sa tournament battle ‘to, kailangan din niya makabawi sa pagkatalo niya kay Mhot. Humanda ang kalaban niya sa kanyang mga malulupit na multi, anggulo, at flow.

   Base sa mga comments, si Apekz ang paborito dito, pero huwag na huwag niyong mamaliitin ang kakayahan ni Hazky. Hindi lang siya mahusay sa mga gimmick, kundi pati na rin sa delivery at pag-likha ng mga seryoso at nakakatawang bara. Kung mas may kumpyansa siya at mananatili siyang consistent, baka sa kanya mapunta ang panalo.

Sayadd vs. Lanzeta

   Isabuhay ulit! Ito ang inaabangan na battle ng mga mahilig sa teknikalan. Kitang kita ang improvement ni Lanzeta nung Ahon 9, at dahil makakaharap na niya ang isa sa mga gusto niyang makalaban sa liga, mukhang mas gagalingan pa niya dito. Siguradong tatapatan niya ang agresyon ni Sayadd  at mas gagawin pa niyang unpredictable ang atake niya.

   Hindi mapagkakaila na isa si Sayadd sa pinaka lirikal at agresibo na emcee sa FlipTop. Ang kadalasang problema lang talaga niya ay ang pagiging consistent sa mga laban. Kung maghahanda siya nang todo dito at gagawin mas brutal ang mga banat niya, maaaring siya ang mag-advance sa tournament. Epektibo rin kung gagamit siya ng ilang mga panibagong taktika, lalo na’t ganun ang diskarte ni Lanzeta nung nakaraan.  Gera ‘to!

Goriong Talas vs. G-Clown

   Ang pangatlong battle para sa Isabuhay. Parehas silang nakasali na sa tournament dati, kaya alam na nila ang laro. Lamang si G-Clown pag-dating sa flow at jokes, pero kung brutalan at lirikalan ang usapan, malaking banta si Goriong Talas. Sa mga nakaraan nilang battle, makikita niyo kung gaano nag-improve ang mga sulat nila. Posibleng maging classic na clash of styles ‘to, basta’t preparado silang dalawa.

Pistolero vs. Luxuria

   Natalo man si Pistolero nung finals ng 2018 Isabuhay, walang makakatanggi na grabe yung pinakita niya dun. Ang makakalaban niya sa Second Sight 7 ay si Luxuria, na nag-iwan agad ng marka nung debut battle niya sa FlipTop (Won Minutes). Kung magiging mas consistent pa dito si Luxuria, maituturing siyang banta. Syempre, alam din dapat niya na mahirap kalaban si Pistolero. Maliban sa galing niyang mag-rebutt, may kumpyansa din ang delivery niya at mahusay siya sa pag-pili ng mga anggulo.

Flip vs. Doc Pau

   Nagbabalik ang dalawang underrated na emcee sa FlipTop. 2015 pa yung huling laban ni Doc Pau at 2014 naman yung kay Flip (na dating tinatawag na Flipzydot1). Kahit dalawa palang ang laban ni Doc Pau, agad tumatak ang kanyang mga multi at pag-halo ng teknikal at nakakatawang bara. Si Flip naman ay may mas agresibong delivery at direktang mga linya. Huwag sanang tulugan ‘to ng mga tao.

Yuniko vs. Duma

   Solido ang pinakita ni Yuniko at Duma nung Won Minutes. Sa April 27, malalaman naman natin kung matindi rin ba silang tumugma sa higit isang minutong rounds. Grabe yung pag-gamit nila ng figures of speech sa debut battle nila, at mas naging epektibo pa ang mga ‘to dahil sa kanilang malakas na delivery. Kung sakaling ito ang unang sagupaan ng gabi, tiyak na maganda ang simula ng Second Sight 7.

   450 pesos ang pre-sale tickets at 700 naman ang walk-in. Parehas silang may kasamang isang libreng beer. Sulit na sulit, diba? Sa mga interesadong bumili ng pre-sale, nasa taas na ang kumpletong detalye. Puntahan niyo ang pahina ng FlipTop sa FB kung meron pa kayong mga karagdagang tanong. Huwag na kayong mag-dalawang isip pa. Punta na kayo sa April 27 sa TIU Theater at saksihan ang bakbakan ng mga bara. Kita kits! 


Back