Unibersikulo 7 Pre-event Review

By Anonymous Battle Emcee


Walang Isabuhay battle, pero kaabang abang pa rin ang susunod na event ng FlipTop. Ito ang ika-pitong Unibersikulo at mangyayari ‘to sa ika-sampu ng Agosto sa TIU Theater. May ilang araw pa bago ang paligsahan kaya pag usapan muna natin ngayon ang pitong laban na magaganap. Hindi na namin papahabain pa, simulan natin sa tinaguriang main event ng gabi…

Batas vs. Mhot

   Dalawang kampeon ng Isabuhay ang magtatapat sa Unibersikulo 7! Talo man siya nung huling laban niya kay Sak Maestro, grabe pa rin yung pinakita ng back-to-back champion na si Batas. Mas direkta na ang mga anggulo niya at mas bumangis pa lalo ang pag deliver niya ng mga bara. Tumatak din yung rebuttal niya tungkol sa “mother nature”. Ramdam na ramdam ang kanyang dedikasyon sa battle na yun kaya mukhang paghahandaan rin niya talaga ‘to.

   Ahon 9 pa yung huling laban ni Mhot. Makakaapekto kaya sa performance niya ang matagal niyang pagkawala sa liga? Sana hindi! Laging preparado sa entablado ang kalaban niya kaya dapat isaang daang porsyento siya dito. Kung usapang pen game, asahan natin na may ipapakitang mga bago si Mhot. Ipapamalas niya ang galing niya sa pag halo ng teknikal at rektahang mga linya. Maaaring makarinig rin tayo sa kanya ng mga malulupit na rebut. Siguradong bakbakan ‘to pag walang nagpabaya.

Sur Henyo vs. J-King

   Gaya ni Mhot, Ahon 9 pa yung huling duelo ni Sur Henyo. Sana hindi ito maging hadlang para sa kanya. Alam naman natin na laging matindi ang pinapakita niya sa laban. Kaya niyang balansehin ang seryoso at nakakatawang istilo at epektibo rin ang mga teknikal na banat niya. Kung A game siya dito, siya ang posibleng maging comeback of the year.

   Galing sa panalo si J-King (Gubat 8) kaya siguradong ganado siya sa laban na ‘to. Halos pantay lang siya kay Sur pag dating sa sulat, pero kung delivery ang usapan, mas lamang siya nang konti. Mas agresibo at malaro ang pag bigkas niya at dahil diyan, nagiging unpredictable ang atake niya. May tsansang maging classic ‘to.

Pistolero vs. Emar Industriya

   Magkaiba sila ng istilo sa pag sulat, pero parehas silang halimaw sa entablado. Si Pistolero ang lamang sa komedya pati sa mga simple pero epektibo na punchline. Pinatunayan niya ‘to sa nakaraang laban niya kay Luxuria. Mas gamay naman ni Emar Industriya ang malalim at matalinghagang mga rima. Basta clash of styles, malaki ang posibilidad na maging makasaysayan ang laban.

   Isa pang pwedeng mangyari dito ay digmaan ng freestyle. Kilala silang dalawa sa galing nila sa pag bitaw ng mga off the top na bara. Maliban sa mga rebuttal, baka makarinig rin tayo ng ilang mga impromptu na anggulo. Nakakaexcite ang battle na ‘to.

Damsa vs. Towpher

   Alam na ng lahat na isa si Damsa sa mga may pinaka malupit na flow sa FlipTop. Malaki rin ang improvement ng kanyang mga sulat at lagi siyang may kumpyansa pag tumatapak sa entablado. Ganyan rin si Towpher ngayon. Isa pang kalakasan niya ay ang kanyang pagiging versatile. Kaya niyang mag patawa at mag seryoso at marunong rin siyang makipag sabayan sa flow. Tiyak na mahirap I-judge ‘to kapag parehas silang handa.

CripLi vs. Numerhus

   Pinakita ni Numerhus nung Won Minutes at Zoning na hindi lang siya sa kanta malupit, kundi pati sa battle. Hindi man bago ang speed rap sa FlipTop, nagagawa pa rin niya ‘tong kakaiba. Nandyan din ang husay niya sa pag buo ng anggulo at masasakit na punchlines. Syempre, hindi basta-basta magpapadaig si CripLi. Nag-improve rin nang sobra ang pen game at performance niya. Posibleng sasabayan niya si Numerhus sa rap skills. Magaling sa komedya ang dalawa kaya humanda tayo sa ilang mga nakakatawang bara.

Romano vs. Papew

   Muling nagbabalik sa FlipTop si Papew! Pumatok agad siya nung 2012-2013 dahil sa kanyang kakaibang jokes at mga complex na multi. Sa Unibersikulo na natin malalaman kung mabangis pa rin siya bilang battle emcee. Kailangan niya talaga paghandaan ‘to hindi lang dahil matagal siyang nag pahinga, kundi dahil mabigat ang makakatapat niya. Maliban sa solidong mga bara at delivery, hindi mapagkakaila na ibang lebel ang galing ni Romano sa freestyle. Unpredictable ‘to!

K-Ram vs. Youngone

   Pareho silang nagpamalas ng talento sa Won Minutes at nagwagi. Bumenta agad si K-Ram dahil sa kanyang agresibong delivery at sunod-sunod na suntok. Hindi siya yung tipong umaasa sa mahahabang setup. Rekta na agad! Si Youngone naman ay pumatok dahil sa unorthodox na istilo niya. Kakaiba man ang mga seryoso at patawang linya niya, nagiging epektibo pa rin. Posibleng ipakita rin niya dito ang kanyang galing sa pag freestyle. Kung preparado ang dalawa, mahihirapan ang mga hurado dito.

   500 ang halaga ng pre-sale ticket habang 750 naman ang walk-in. May kasama pang isang libreng beer parehas kaya sulit na sulit talaga. Nasa itaas ang lahat ng mga detalye para sa pre-sale. Magkita tayong lahat sa August 10 at sama-sama nating saksihan ang makasaysayan na mga laban. Sino ang mga manok niyo? Sabihin niyo lang sa comments section. FlipTop, mag-ingay!


Back