Zoning 2019 Pre-event Review

By Anonymous Battle Emcee


   Sa susunod na buwan ay babalik ulit ang FlipTop sa TIU Theater para sa Zoning 2019. May apat na Isabuhay battle at tatlong non-tournament na laban. Kung titignan niyo ang lineup, napakalaki ng posibilidad na magiging makasaysayan ito para sa sining ng battle rap. Pag-usapan muna natin ngayon ang mga duelo sa gabing ‘to. 

Tipsy D vs. Zaito

   Isang clash of styles na siguradong magiging classic pag preparado ang parehong emcees. Si Tipsy D ay kilala sa teknikal na mga banat habang si Zaito naman ay malupit sa komedya. Posibleng bumanat din ng mga seryosong kataga si Zaito bilang patunay na kaya din niyang sumabay sa purong lirikalan. Asahan din natin na tatapatan ni Tipsy ang mga jokes ng kalaban niya.  

BLKD vs. Poison 13

   Isa sa apat na duelo para sa 2019 Isabuhay. Pinakita ni BLKD nung nakaraang Gubat na seryoso siya dito sa tournament kaya huwag na tayong magulat kung mas hihigitan pa niya sa quarterfinals. Malakas na talaga ang pen game at delivery niya. Ang kailangan lang niya iwasan ngayon ay ang mag choke. Alam na niya siguro ‘to.

   Ibang klaseng Poison 13 ang nakita natin nung Pakusganay 5. Mas gumaling pa ang mga sulat niya at mas lumakas pa ang kanyang stage presence. Kung ganito rin siya sa Zoning, baka siya ang mapapanood natin sa semis. Lamang siya nang konti pag dating sa komedya, kaya maaaring gamitin niya ‘to dito. Back and forth na laban ‘to panigurado! 

Apekz vs. Asser

   Kilala silang dalawa sa pagiging handa sa bawat laban kaya siguradong isang daang porsyento ang ibibigay nila sa Zoning. Para ‘to sa Isabuhay Tournament, at kung overall style ang pag-uusapan, si Apekz ang lamang dito. Kaya niyang ipaghalo ang komedya at teknikalan at bigay todo rin palagi ang delivery niya. 

    Lamang naman si Asser kung flow ang pag-uusapan. Sinong hindi mamamangha kapag bumibitaw siya ng mga mala machine gun na berso? Kailangan lang niyang sabayan ang sulat ni Apekz at maging mas pulido sa pag-buo ng mga anggulo. Exciting at unpredictable ‘to. 

Lanzeta vs. Sixth Threat

   Maraming nagsasabi na ito ang magiging battle of the night. Bakit nga ba? Dahil parehas maganda ang performance nila sa unang round at kitang kita ang kanilang improvement.  Maliban sa kanyang mga malalakas na multi at delivery, naging mas creative na rin si Sixth Threat sa mga anggulo niya. Hindi rin maitatanggi na tumaas pa lalo ang confidence niya sa entablado.

   Kung napanood mo na yung laban niya kay Sayadd nung Second Sight 7, alam mong ibang lebel na talaga si Lanzeta ngayon. Hindi lang mas matalim, kundi mas klaro na ang mga binibitawan niyang kataga. Marunong na rin siya mag-balanse ng mga barang patawa at pang patayan. Huwag lang siya mawala sa mga round niya at pwedeng siya ang umabante sa semis. 

Lhipkram vs. G-Clown

   Ito ay para rin sa quarterfinals ng 2019 Isabuhay Tournament. Solido ang performance ni Lhipkram nung unang round, at siguradong mas gagalingan pa niya sa quarterfinals. Ganun din kay G-Clown kaya malaki ang posibilidad na makasaysayan ang digmaang ‘to. Wag lang sana sila mag-stumble sa mga round nila.

   Lamang si Lhipkram pag-dating sa rhyme schemes habang si G-Clown naman ay mas may epektibong delivery. Pantay sila kung jokes at seryosohang bara ang pag-uusapan. Walang duda na mahirap i-judge ang ganitong klaseng laban lalo na kung parehong full force. Huwag niyo ‘to tutulugan! 

Plazma vs. Invictus

   Parehong stilo pero magkaiba ang pag-atake. Si Invictus ay agresibo sa bawat bara habang si Plazma naman ay mas kalmado pero epektibo pa rin. Hindi man ‘to para sa tournament, may posibilidad tong maging battle of the night. Siguradong makakarinig tayo ng mga horrocore na banat na may halong wordplay, metaphor, at iba pa. Sa mga mahilig sa purong teknikalan diyan, huwag niyo palalagpasin ‘to.

Numerhus vs. Lil Weng

   Dalawang emcee na may mahusay na performance nung nakaraang Won Minutes sa Manila ang maghaharap sa Zoning. Nakay Numerhus ang advantage dahil matagal na siya sa eksena, pero tandaan niyo na marami nang unexpected na nangyari sa liga. Talo man si Lil Weng nung nakaraan, marami pa rin ang namangha sa kanyang performance. Malamang ay mas titindihan pa niya sa Zoning. Maganda ang labang ‘to dahil halos parehas ang atake nila. Mahusay sila sa speed rap, may kumpyansa sa entablado, at intricate ang kanilang pen game. Abangan niyo ‘to!

   500 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 750 naman sa walk-in. Sulit na sulit dahil may kasama pa silang isang libreng beer. Mag-PM kayo sa Facebook page ng FlipTop para sa impormasyon sa pre-sale. Abangan niyo lang ang sagot ng admin tungkol sa mga options sa pag-bili. Kita kits nalang tayo sa June 29 mga kapatid. Excited na kami sa mga pasabog ng emcees na kasali!


Back