General

Bakit Makasaysayan ang Plastic Age ni Dcoy?

Ating pag-usapan ang isa sa pinaka makasaysayan na album sa larangan ng Filipino hip-hop. Ito ang pagbalik-tanaw sa Plastic Age ni Dcoy.

Anonymous Battle Emcee
December 16, 2021


   Kung ang usapan ay “classic” Filipino hip-hop albums, malaki ang posibilidad na ang isa sa mga mababanggit ay ang unang solo album ni Dcoy na pinamagatang “Plastic Age”. Ito ay nilabas nung 2001 sa ilalim ng EMI Records o kilala na ngayon bilang PolyEast. Sa mga bago palang sa eksena o sa mga hindi pamilyar sa proyektong ‘to, siguro ay tinatanong niyo sa sarili niyo kung ano nga ba ang espesyal dito? Bakit marami ang nagrerekumenda nito? Pwes, malalaman niyo yan ngayon!

   Bago ang lahat, ito muna ang maiksing kwento tungkol sa kung paano nagsimula ang emcee na nasa likod ng “Plastic Age”. Unang nakilala si DCoy sa kalagitnaan ng dekada nobenta bilang miyembro ng grupong Madd Poests. Ang orihinal na lineup ng grupong ‘to ay binubuo nila Dcoy, Lowkey, Quaizy, OWPO, at Caine. Sila ay napabilang sa Dongalo Wreckords nung nanalo ni Lowkey sa isang paligsahan ng freestyle sa radyo na ang host ay walang iba kundi si Andrew E. Breakdancer ang unang papel ni Dcoy sa grupo, pero naisipan din niyang sumubok mag-rap pagkatapos mabighani sa praktis ng mga ka-grupo niya. Natuto agad si DCoy at ngayong puro emcee na ang Madd Poets, sinama sila sa supergroup na Ghetto Doggs. Sa album na “Born to Kill the Devil” unang narining ang kanilang bangis sa mikropono.

   Tuloy-tuloy ang pag-angat ng Madd Poets simula nung nagpamalas sila ng talento sa “Born to Kill the Devil”. Pagkatapos nun ay nakasali sila sa compilation albums na “R.A.P Artist of the Philippines – 1st Issue” at “Christmas Rap 97”. Hindi nagtagal ay nakapaglabas din sila ng sarili nilang album na nagngangalang “Ikatlong Mundo”. Isa ang LP na ‘to sa nag representa sa hardcore hip-hop sa Pinas. Bandang 1998 ay tahimik na umalis ang Madd Poets sa Dongalo. Bakit? Sila lang ang makakasagot niyan.

   Taong 2000 ay naging aktibo muli ang Madd Poets sa pag-gawa ng musika. Binuo nila pati ang iba pang mga kapwa underground artist ang compilation album na “Rekognize: Loob at Labas”. Dito maririning ang awitin ng grupo na “Utak, Lapis, at Papel” pati ang “Bakit ba Ganyan?” ni Dcoy. Ito ang nagsilbing “teaser” ng solo career ni Dcoy. Makalipas ang isang taon ay dun nga lumabas ang “Plastic Age”.

   Ngayon, pag-uusapan na natin kung bakit maituturing na makasaysayan ang proyektong ‘to. Simulan muna natin sa estado ng musika. Nilabas ang “Plastic Age” sa panahon na hindi ganun kataas ang tingin ng mga kumpanya sa Pinoy hip-hop. Kasagsagan ito ng genre na rock at kung meron mang bumebenta sa hip-hop noon, sila Andrew E, Francis M, at Death Threat lang. Ganunpaman, hindi ito naging hadlang para kay Coy. Literal na pinaglaban niya ang pag-labas ng album na ‘to at mabuti naman at nag-wagi din siya. Panibagong gera nanaman nung nasa mga tindahan na ang “Plastic Age”. Dahil sa hindi gaanong pag-promote ng record label sa album, mahina ang benta sa unang mga buwan. Unti-unti nang pumutok ito nung kumalat na sa kalye, o sa pamamagitan ng “word of mouth”. Hindi nagtagal ay tinawag na itong isang obra maestra.

   Sobrang kakaiba ang atake ng “Plastic Age” kung papakinggan niyo mabuti. Nagawang balansehin ni DCoy ang iba’t ibang stilo ng rap nang hindi nagmumukhang pilit. Kung lirisismo ang usapan, si DCoy ang maaaring isa sa mga nagpauso ng pag-halo ng pormal at di pormal na mga salita. Merong mga awitin na malalim na Tagalog ang ginamit at meron ding ilan na hinaluan ng mga terminong pang kalye. Ganyan din ang nangyari sa tunog ng album. Imbis na tumutok sa isang klase ng produksyon, pinili ni Dcoy at mga producer na laruin ang daloy ng mga kanta. Para sa mga mahilig ng may konting impluwensya ng r&b, nandiyan ang “Laro”, “SB Street”, at “Think About It”. Hardcore na bagsakan ba hanap mo? Pwes, para sayo ang “Plastic Age” (kasama dito sila Labo, Gloc-9, Quaizy, at Lourd de Veyra), “W.A.K.I.N.”, at “Gasma-T”. May mga mapupulutan ng aral gaya ng “Sumabay Ka Lang”, “SB Street”, at “Sana”. Sinubukan din ni Dcoy ang genre ng rap metal sa “Drop”, kung saan kasama niya ang bandang Slapshock, at mahusay ang naging resulta. Isa din ang “Rap 4 Food” sa mga pinaka tumatak na piyesa. Maliban sa sangkatutak na guest emcees, maraming bumilib sa “Rap 4 Food” dahil pinakita nito ang tunay na estado ng Pinoy hip-hop nung panahong yun. Meron diskrimnasyon na nagaganap ngunit hindi papayag ang bawat emcee sa kanta na magpatalo dito. Ramdam mo ang galit at dedikasyon sa bawat binitawang linya.

   Sa madaling salita, pwede sa lahat ang “Plastic Age”. Hindi lang sa mga hip-hop, kundi sa kahit sinong musikero. Medyo nakakadismaya na hindi ito nag platinum, ngunit ang mahalaga ay marami itong naimpluwensyahang mga makata at producer at hanggang ngayon ay patuloy itong pinapakinggan ng mga datihan at baguhan. Maraming salamat dito, DCoy! Hinding hindi na mawawala ang titulo mo bilang isang alamat sa Pinoy hip-hop. Sana ay marami pa sa bagong henerasyon ang maging kasing determinado mo sa sining. Rest in peace po ulit.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT