Balikan natin ang mga album, EP, at mixtape na nilabas nung taong 2016. Baka may mga hindi ka pa napapakinggan dito!
Nung nakaraang linggo ay bumalik tayo sa taong 2017. Ngayon, itutuloy natin ang paglalakbay! Eto ang mga lokal na albums, mixtapes, at EP’s na nilabas nung 2016. Posibleng may mga ilan dito na hindi mo pa nadidiskubre. Para rin ‘to sa mga ngayon palang pumasok sa Pinoy hip-hop na naghahanap ng mga bagong papakinggan.
Paalala lang ulit na random ang pag lista nito kaya huwag na kayo mag away tungkol sa ranggo. Hindi na namin ginawang mala countdown ‘to dahil may kanya-kanya naman tayong mga trip na tunog. Handa na ba kayong magbalik tanaw? Game na!
Asser - "Walang Permanente"
Dito pinatunayan ni Asser na hindi lang siya sa battle malupit, kundi pati sa musika. Sa “Walang Permanente”, muling niyang pinakita ang husay niya sa flow at pag buo ng mga solidong bara. Pinatunayan din niya na sa album na ito na kayang kaya niyang sumabay sa boom bap na tunog.
Emar Industriya - "Industriyalismo"
Ang “Industriyalismo” ni Emar Industriya ang isa sa mga album na bumuhay sa Pinoy Leftfield hip-hop nung 2016. Maliban sa malalalim na kataga at tema, maririnig mo rin dito ang kanyang makapangyarihan na delivery. Bumagay ang madilim na instrumentals sa mga hindi pang karaniwang konsepto ng bawat awitin.
Duende - "Gabi Gabi"
Nag sanib pwersa ang mga beteranong si Nimbus9 at Gap upang buuin ang “Duende”. Nilabas nila ang mixtape nilang “Gabi Gabi” nung kalagitnaan ng 2016. Samu’t sari ang konsepto ng mga kanta, pero nanatilng mahusay ang kanilang Ingles at Tagalog na lirisismo. Walang duda na kaya din nilang bumanat sa boom bap at trap.
EJac & Buddah Beads - "Balanse"
Sila Ejac at Buddah Beads ang dalawa sa mga nag patunay nung 2016 na buhay pa rin ang hip-hop sa Cavite. Sa mixtape nilang “Balanse”, pinakita nila ang reyalidad gamit ang kanilang kalidad na sulat at delivery. Bawat beat ay may impluwensya ng dekada nobenta na tunog kaya siguradong mapapatango ka hanggang sa huling kanta.
Calix - "Breakout Satirist"
Agad tumatak ang debut LP ni Calix na “Breakout Satirist” dahil sa walang kompromisong konsepto nito. Nilabas niya ang kanyang galit sa mga tingin niyang maling pamamalakad ng gobyerno, pero maliban dun, may mga personal na kanta rin siya. Nag eksperimento ang mga producer pagdating sa beats kaya nanatiling unpredictable ang album.
OwnWorld Syndrome - "Night Owls"
Isang solidong instrumental album na tinulugan ng tao nung 2016. “Night Owls” ang pangalan ng proyekto ng grupong OwnWorld Syndrone na binubuo nila Sloj, Labjaxx, Flex, at Liquid. Leftfield hip-hop ang nirerepresenta nito kaya makakaasa ka ng mga kakaibang tunog mula simula hanggang katapusan. Meron ding mga boom bap, pero ginawa nilang mas experimental ang dating.
Ninno - "Third Culture Kid"
“Third Culture Kid” ang kauna unahang full-length album ni Ninno. Hindi nagtagal ay nakilala siya sa eksena dahil sa galling niyang mag sulat sa Ingles at sa polido niyang flow. Halong moderno at old school ang beats at swak ang mga ‘to sa istilo ng pag rap ni Ninno. Pag dating naman sa tema, meron ditong personal, sociopolitical, at pang banatan na kanta.
Fangs - "Salamin"
Pinatunayan ni Fangs sa album na ‘to na hindi lang siya sa battle malupit. Maliban sa mahusay niyang mga rima at pag bigkas, pinakita rin niya sa “Salamin” ang kanyang galling sa pag kwento. Simple man ang mga beat dito, nakuha pa rin nila ang emosyon ng bawat makabagbag damdamin na kanta. Mag PM lang kayo sa FB page niya para makabili ng kopya.
Shadow Moses - "Expansion Pack"
Pagkatapos magpakitang gilas sa mga gig, nilabas ng Shadow Moses ang debut EP nila na nagngangalang “Expansion Pack” nung Hunyo 2016. Pinakilala nila Chyrho at Ninno ang Nerdcore hip-hop gamit ang kanilang mababangis na bara. Si Six The Northstar naman ang nag ambag ng mga nakakamanghang beat.
Bambu - "Prey For The Devil"
Kahit marami na siyang mga nilabas na proyekto, walang kupas pa rin si Bambu pag dating sa Conscious Rap. Mas agresibo ang atake niya sa “Prey For The Devil” at hanggang ngayon ay napapanahon pa rin ang mga mensahe. Sinabayan rin niya ang matitinding boom bap at trap na instrumental.
Righteous One - "Defy Limitations"
Hindi man siya nananalo masyado sa FlipTop, nag wawawagi naman siya sa musika. Pinaslang ni Righteous One ang haters niya sa kanyang unang LP na “Defy Limitations”. Marami ang bumilib sa pag buo niya ng mga konsepto pati syempre sa mga kalidad na kataga at mapaglarong flow niya. Iba iba ang istilo ng beats dito, pero nasabayan niya lahat. Mag-message lang kayo sa FB page niya para sa pisikal na kopya.
Aero x Aquarius - "Aquarius Sessions"
Nag sama ang emcee na si Aero at producer na si Aquarius para sa EP na “Aquarius Sessions”. Maganda ang kinalabasan ng kanilang kolaborasyon. Nanatiling matalim ang lirisismo at delivery ni Aero at bumagay ang mga ‘to sa mga swabeng boom bap beats ni Aquarius. Kung naghahanap ka ng Golden Age hip-hop na tunog, para sayo ‘to.
Professor Flexx - "Fractured Planet"
“Fractured Planet” ang pangatlong Leftfield hip-hop album na nilabas nung 2016. Muling bumanat ang beteranong si Professor Flexx ng mga malalalim na rima sa samu’t saring boom bap beats. Makasaysayan din ang proyektong ito dahil pinaghalo ng emcee ang freestyle at sulat sa mga kanta. Konti palang ang nakakagawa nun dito!
Ankthen Brown - "Long Nights and Daydreams"
Ito ang debut solo album ng taga Bawal Clan na si Ankthen Brown. Dito tumatak ang kanyang kakaibang istilo sa pag tugma pati ang agresibo niyang delivery. Iba ibang uri ng beats ang meron sa “Long Nights and Daydreams”, pero lahat ay nasabayan niya nang walang kahirap hirap. Mapapahype at mapapaisip ka rin sa bawat kanta.
Writer's Block - "Clarion Call"
Isang taon pagkatapos sila mabuo, nilabas ng kolektibong Writer’s Block ang debut compilation album nila na “Clarion Call”. Iba’t ibang uri ng hip-hop ang nirepresenta dito kaya kung anuman ang hilig mo, siguradong mahahanap mo yun dito. Bawat emcee at producer sa proyektong ito ay nagpakitang gilas at nag iwan ng marka.
Khaoz - "War Intel"
“War Intel” ang pamagat ng unang solo EP ni Khaoz, isang makata mula sa respetadong grupo na The Rebelation. Pang wasakan ng bungo ang mga liriko na binanat niya dito. Agresibo rin ang atake ng mga beat kaya kung purong Hardcore hip-hop na tugtugan ang hanap mo, siguradong magugustuhan mo ‘to.
Den Sy Ty - "#MANILACIRCLEJERK"
Konti lang ang nakakaalam sa tunay na pagkakakilanlan ni Den Sy Ty. Ang alam lang ng mga nakikinig sa kanya ay low pitch ang kanyang boses pag nag rarap at inaatake niya sa kanta ang mga buwitre sa eksena. “#MANIACIRCLEJERK” ang kanyang debut album at maliban sa mga tema, tumatak din sa mga tao ang mga Leftfield na beat nito.
Den Sy Ty & skinxbones - "Godless Void"
“Godless Void” ang pangalawang proyekto ni Den Sy Ty at dito ay nakasama niya ang isa sa producers ng No Face Record$ na si skinxbones. Kuhang kuha ng liriko pati mga beat ang tema ng EP. Tungkol ito sa “kawalan” kaya asahan mo na mabigat at hindi pang karaniwan ang bawat mensahe ng kanta.
No Face Record$ - "Dead Inside Vibe"
Bago matapos ang 2016, nilabas ng No Face Record$ ang debut mixtape nila na “Dead Inside Vibe”. Ito ang nagsilbing introduksyon sa kakaibang istilo ng mga artist na kasali sa label. Depresyon at kadiliman ng buhay ang konsepto ng proyekto at madarama mo ‘to hindi lang sa mga berso, kundi pati sa mga instrumental.
Marcus Prolifik – “Loner”
Pagkatapos ng matagal na pahinga, bumalik ulit sa paggawa ng musikang hip-hop si Marcus Prolifik. Kitang kita sa EP niyang “Loner” ang malaking improvement niya sa pag rap. Mas intricate na siya tumugma at mas malinaw na ang kanyang flow. Swak rin ang mga bitaw niya sa solidong boom bap na produksyon.
Curtismith – “Failing Forward”
“Failing Forward” ang kauna unahang proyekto ni Curtismith. Sa EP na ‘to, kwinento niya ang mga pinagdaanan niya sa buhay gamit ang kanyang swabeng flow at teknikal na lirisismo. Maganda ang pag halo ng luma at makabagong implusensya sa beats at bumagay dito ang istilo ng pag bitaw ni Curtismith.
May nakalimutan ba kaming ilagay? Sabihin niyo lang sa comments section. Ganyan na kalakas ang eksena nung taon na yan at walang makakatanggi na tuloy-tuloy na ang pag angat nito. Sana ay manatili ang suporta niyo sa mga artist dahil isa kayo sa mga inspirasyon nila. Puntahan niyo rin ang kanilang mga gig at tulungang I-promote ang kanilang mga akda. Garantisadong marami pa silang mga paparating na proyekto!