Higit dalawang dekada na siya sa eksena ng underground at patuloy pa ring lumilikha ng malulupit na tunog. Alamin ang kwento ni Six the Northstar!
Una siyang nakilala bilang miyembro ng AMPON, isang kolektibo na nagyanig sa eksena ng underground Pinoy hip-hop nung 2003-2012. Maliban sa pag-sulat ng mga rima, inaral din niya ang paggawa ng beats at agad naging mahusay dito. Nagsimula siya sa boom bap na tugtugan na madalas ay madilim o agresibo. Makalipas ang ilang taon, naisip niyang mag-eskperimento ng iba’t ibang uri ng tunog at dito na nagtuloy-tuloy ang kanyang ebolusyon.
Lagpas dalawang dekada na siyang aktibo ngayon, pero wala pa ring balak huminto sa paglikha ng musika. Kilalanin natin ang isa sa mga pinaka masipag na producer sa Pilipinas na si Six the Northstar. Ito ang bagong kabanata ng Behind the Sound!
1. Kailan at paano ka natutong gumawa ng beats? Eto na ba gusto mong gawin simula nung namulat ka sa hip-hop?
Nung mga bandang 97 or 98 nag pabili ako dati ng drum machine sa nanay ko. Tapos naka discover din ako ng mga software and nag full blown gumawa ako ng beats talaga na bandang 99 na. Actually rap at pag produce ang gusto ko kasi yung mga pinapakingan ko ng time na yun ganun ginagawa nila. Hindi ko naman naisip na gusto ko siyang maging career pero gusto ko talaga siyang gawin kahit sa pag graduate or nagka trabaho.
2. Anong kanta (local o foreign) ang nagsilbing inspirasyon sayo bilang producer?
Siguro nung nadinig ko yung “CREAM” ng Wu-Tang Clan parang na feel ko na ganun ang klaseng music na gusto ko ikonsume nung bata ako. So anything from that era kinakain ko na kamuka ng “Survival Of the Fittest” ng Mobb Deep. Dito saatin nung nadinig ko yung “Duelo sa Pono” parang gusto ko gumawa ng 5 beats agad na andun sa ganoon theme.
3. Sinong producer naman (local o foreign) ang nag-impluwensya sayo?
Madami talaga. Uhm, si Madlib, Doom, RZA, Premo, 9th Wonder, Alchemist siguro mga main influences ko sa pag produce. Influenced ako ni DJ Arbie Won, DJ Umph.. mga kasama ko din like si Moki McFly, Defcon, Liquid, Ninno… na kakakuha din ako ng inspiration from them.
4. Ano ang ginagamit mo sa pag-gawa ng beats? (MPC, Fruity Loops, Reason, atbp.)
Iba iba eh. Dinadaan ko sa iba-ibang samplers, minsan saturate mo sa casette. Depende sa feel ko nung araw na yun at kung ano ang tinatawag na tunog ng kanta na nasa isip ko. Usually pag nakita na ng tao sa video na asa MPC yung beat, mga malapit na yun sa final version and madami ng dinaanan na proseso.
5. Ano ang proseso mo sa pag-produce? Ikaw ba yung gumagawa kahit wala pang artist na sasalang o may naiisip ka na agad na babagay sa instrumental?
Oo usually ginagawa ko, gumagawa ako beats kahit wala pang artist or at least yung artist na gusto ko magawan or katrabaho, aware na ako sa previous work nila. So yung tone and delivery asa isip ko na tapos gagawa na ako dun sa idea na yun at simulated ko lang sa utak ko na nag rarap sila. Minsan naman gumagawa lang ako ng beats talaga para sa sarili ko.
6. Meron ka bang preference (boom bap o trap) sa tunog o depende talaga sa mood?
Haha medyo andun na ako sa point na gawa lang ako ng gawa. Ayoko din mashado mag emphasize sa kung anong klaseng beats ginagawa ko basta naka revolve sya around hip-hop music. Yung last na album na nilabas ko with Eli, yung “Optics” bali prime example siya na medyo iba ibang klaseng sound na din gusto ko iachieve as a producer.
7. Sa mga hindi pa nakakakilala sayo, maaari mo bang ibahagi dito ang ilan sa mga nakaraang proyekto mo?
Bali naging member ako ng Absolute Messages Personified Over Noise nung 2003 onwards kasama sila Anygma, Skarm, Plazma.. nilabas namin Dekoding Rhythm at Slanted Planets. May 2 kanta ako dun.
Naging myembro din ako ng Murder Death Kill/MDK at naglabas din kami ng isang album na medyo mas nag rap ako nung time na yun.
Nag labas ako ng instrumental series na tinawag kong “SixTrueMentals” bali 3 volumes sya na available online.
Prinoduce ko din ang EP ni Railkid na “Mga Kahon Mula Bodega” siya kasama ko sa Longhaulin kasama si ELI, INDIO, XANNY WARHOL, AT KADENA.
Nag labas ako ng album under ang grupo na Shadow Moses kasama si Ninno at Chyrho na dating kasama ko din sa AMPON. Nag labas kami ng EP at full length nun.
Ang EP din ng Dante & Amigo na “Streets We Frequent” prinoduce ko din dahil mga kasama ko naman sila sa Logiclub.
Dream collaboration album na “Isang Libong Taon” kasama si 8th Messenger!
At siyempre yung album namin ni Eli na “Optics” icheck niyo din yun.
Sorry medyo madami pero sana ma check ninyo yan
8. Nagrarap ka rin dati diba? Balak mo ba ituloy 'to o mas tutok ka talaga sa beats ngayon?
Dumaan na ang panahon at feel ko na sabi ko na lahat ng gusto ko sabihin. Masaya na ako behind the boards. haha
9. Kabilang ka sa grupong "Shadow Moses" ngayon. Paano ito nabuo at sinu-sino ang mga miyembro?
Bali nag simula kami nung bumalik si Chyrho dito sa Pilipinas at nag try kami gumawa ng project dalawa pero parang na feel namin na kulang kami ng kasama or need namin ng 2ng na emcee. Sakto sa tinatambayan namin is may isa pang nag emcee… which is si Ninno. Saktong trial lang ng chemistry at pasok na pasok kaming tatlo sa mga gusto namin gawin sa music dahil nga parepareho kami ng interest.
10. Nakilala ka rin bilang miyembro ng kampong AMPON at MDK. Kumusta ang experience mo sa mga kolektibong ito at ano balita sa kanila?
Masaya siya. Tinuturing ko siyang formative years ng pagiging producer/emcee ko noon. Masaya kasi noong time na yun sa AMPON, noong sinumulan namin siya, ako isa sa mga pinaka bata na miyembro so lahat ng mga information at influence naabsorb ko sa other members.
Sa MDK medyo dun na nag simula na parang starting 5 na yung laro mo so medyo nag lelead na kayo sa pag labas ng mga kanta or merch. Masaya MDK kasi pare parehas ng trip pero hindi lahat lumaki sa iisang lugar. Masarap gumawa ng ganun klaseng mga kanta na nag rereflect sa personality ng MDK.
11. Ano ang masasabi mo sa local hip-hop ngayon, lalo na pag-dating sa production?
Ang daya kasi ngayon pwede na makakuha ng access ang kung sino man na gusto matuto mag produce. Lahat ng tutorial, DAW, gear.. mas madali makuha. Pero I guess kung meron lang ako na pansin yung character lang ng mga beats/mixes medyo nagkakalapit na halos lahat dahil sa sources din ng kanilang technique to mix or mga samples. Pero besides that, never ko maiisip na mas magiging accessible ang hiphop music and ang pag push ng career sa music production. Kahit ako ngayon di parin makapaniwala na yung mga gamit ko ay nabili ko dahil sa pag produce.
12. Ano naman ang pananaw mo sa mga artist na gumagamit ng nakaw o downloaded na beat?
I guess na iintindihan ko kasi nga given na di naman lahat kaya pa bumili ng beats or marunong pang gumawa. I guess it is a start pero sinasabi ko din sa mga nakakausap ko na nagsisimula, eventually gusto mo ng sarili mong beats or kanta. Yung maituturing mo na talagang sayo.
13. Nanonood ka ba ng FlipTop? Sino ang mga paborito mong battle emcee at ano ang mga paborito mong laban?
Hindi na kasing updated kamuka ng dati nung nag sisimula pa ang FlipTop. Masaya ako nakikita ko pa sila Batas at Plaz na lumalaban parin. Veteran status na hahaha .
Si Zend Luke ang paborito ko ngayon. I guess sa style ng battles ganyan gusto ko.
14. Ano ang maipapayo mo sa mga nagbabalak pumasok sa beat making?
Gawa lang kayo ng gawa. Wag kayong mag alala sa sound niyo. Dadating ang panahon mag kaka roon na kayo ng sarili niyong identity. Importante is gawa ka ng gawa. Kahit walang nakikinig, gawa ka lang. Nag simula din ako wala mashadong nakikinig pero eventually… dumating din siya.
15. Bago 'to matapos, may mensahe ka ba sa mga sumusubaybay sayo? Atsaka ano ang mga parating mo na proyekto?
Maraming salamat sa inyo. Sobrang malaking pasasalamat ko sa mga nakikinig sa music ko at sana ay ma enjoy ninyo pa ang mga susunod na albums na lalabas. Bagong album kasama si Railkid, more instrumental albums and collaborative albums din kasama isang magaling na producer. Di ko pa ma disclose lahat pero ang goal ko is malagpasan ko ang dami ng albums na nilabas ko last year. Maraming salamat!
Sundan niyo lang ang opisyal na pahina niya sa Facebook para maging updated sa mga susunod na galawan niya. Nilabas na din pala niya ang bagong niyang album na nagngangalang “Robusta” Mapapakinggan niyo ‘to sa Spotify at iba pang mga streaming sites. Patuloy nating suportahan ang ating mga lokal na producer. Salamat sa pagbasa!