Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Zoning 14

May paparating ulit na FlipTop event. Pagusapan natin ang mga duelo sa Zoning 14!

Anonymous Staff
June 21, 2022


   Pagkatapos ng makasaysayang Gubat 10, babalik ulit ang liga sa TIU theater sa Makati para sa ika-14 na Zoning. Oo, pang labing-apat na Zoning na ‘to. Ang bilis ng panahon noh? July 16 ang petsa ng paligsahan at may pitong laban na magaganap dito. May tournament battles, digmaan ng magkaibang stilo, at bangaan ng mga mahuhusay sa komedya.

   Higit dalawang linggo pa bago ang event kaya habang naghihintay tayo, talakayin muna natin ngayon ang napaka tinding lineup. Pwede niyo rin ibahagi sa comments section kung ano ang tingin niyong mga mangyayari sa gabing ‘to. Simulan na natin…

Hazky vs Mastafeat

   Kung ito nga talaga ang main event, karapat dapat naman. Si Hazky at Mastafeat ay kilala sa kanilang kakaibang uri ng komedya na nananatiling patok sa mga manonood. Posibleng mas angat si Hazky kung ang usapan ay paggamit ng mga mas seryoso at teknikal na bara. Marami na siyang mga laban na kung saan ay hinaluan niya na purong lirikalan ang mga berso niya.

   Pagdating sa freestyle, dito lamang si Mastafeat. Siya yung tipong emcee na kayang bumanat ng “off-the-top” pero tunog sulat pa rin. Dahil dito ay narerebutt niya ang mga solidong bara ng kalaban. Kung parehas silang preparado, garantisadong magiging classic ito.

Pistolero vs Plaridhel

   Isa sa dalawang laban para sa Isabuhay Tournament. Style clash ba hanap niyo? Pwes, para sa inyo ‘to! Alam na natin ang kakayahan ni Pistolero. Mapa komedya man o seryosohan, asahan niyo na tatama lahat ng mga suntok niya. Malaking tulong din ang kanyang agresibong presensya pati husay sa freestyle lalo na sa rebuttals. Siguradong gagamitin niya ‘to dito sa duelo.

   Maraming bumilib kay Plareidhel sa huling battle niya. Tumatak ang kanyang mga teknikal na linya at malawak na bokabularyo. Asahan niyo na mas gagalingan pa niya dito lalo na’t para ito sa tournament. Kailangan din niyang paghandaan ang anggulo tungkol sa nangyari sa engkwentro niya kay Slockone nung nakaraan Ahon. Alam niyo na siguro yun!

Jonas vs Sirdeo

   WILD! Yan ang unang salita na papasok sa isip mo pag nakita mo tong matchup. Ito ay laban ng dalawang emcee na walang pake sa win-loss record. Ang gusto lang nilang gawin ay pasayahin ang mga tao at garantisadong gagawin nila ito sa Zoning 14. Sa totoo lang, mahirap i-predict ang mga mangyayari dito dahil parehas silang may kapasidad maging “out of this world” pagdating sa kanilang atake. Asahan niyo nalang na maraming silang gagawin na papatok sa crowd.

J-King vs Fukuda

   Ang pagbabalik ni J-King sa liga. Halos dalawang taon na siyang hindi lumalaban kaya malamang ay mas gutom siya ngayon. Kaya niyang balansehin ang jokes pati teknikalan at palaging polido ang delivery niya. Si Fukuda ang katapat niya sa Zoning 14, at syempre, hindi rin siya basta-basta lang! Tumatak sa tao ang malalim na mga kataga at agresibong pagbigkas ni Fukuda. Hindi biro ang talunin ang anim sa  mga pinamalakas na miyembro ng Uprising. May potensyal maging battle of the night ‘to! 

Elbiz vs Zend Luke

   Hindi lang sa jokes mahusay si Elbiz kundi pati sa pagbuo ng mga multi at anggulo. Galing siya sa panalo (Ahon) kaya asahan niyong mas lulupitan pa niya. Si Zend Luke ang makakalaban niya sa Zoning 14. Matinding style clash ulit! Talo man si Zend Luke nung huling duelo niya, marami pa rin ang bilib sa sulat niya. Maliban sa nakakamanghang leftfield na istilo niya, mabagsik din ang kanyang pagbigkas ng mga salita. Ito nga pala ang pangalawang Isabuhay Tournament battle ng gabi. Dikdikan ‘to panigurado!

CripLi vs K-Ram

   Meron isa pang emcee na magbabalik sa Zoning 14! Ito ay walang iba kundi si CripLi! 2019 pa yung huling duelo niya sa liga, kaya malamang ay excited siyang makipag basagan ulit ng bungo. Ang makakatapat niya sa gabing ‘to ay si K-Ram, isang rapper na nanatiling aktibo nung pandemya. Halos parehas ang kanilang atake: solidong multis, punchlines, at bentang jokes. Huwag na kayong magulat kung dikit ang labang ‘to!

Prince Rhyme vs Vitrum

   Mabangis ang pinakita nila sa mga huling battle nila, at ngayong magtatapat sila, dikdikan ang maaasahan niyo. Kilala si Vitrum sa paghalo ng mga isyung political sa mga bara, pero hindi lang yan ang kakayahan niya. Mas nagmamarka na din ang kanyang mga jokes at mas klaro na ang delivery niya ngayon. Si Prince Rhyme naman ang isa sa pinaka nag-improve na emcee sa liga. Mas epektibo na ang kanyang pagbigkas at magaling din siyang maghalo ng seryoso at nakakatawang mga linya. Kung walang magpapabaya sa kanila, makakaasa kayo ng solidong digmaan ng salita!

   500 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 700 naman para sa walk-in. Parehas may kasamang libreng beer! Magpadala lang ng PM sa pahina ng FlipTop sa Facebook kung nais niyong kumuha ng pre-sale. Isa pang paalala. 4pm magbubukas ang gate at 6pm naman magsisimula ang event! Sa mga mahilig ma-late diyan, bahala kayo! Kita kits nalang tayong lahat sa July 16 para sa Zoning 14. FlipTop, mag ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT