Behind The Sound

Behind The Sound: Dosage

Tayo'y maglakbay sa kakaibang mundo ng leftfield hip-hop. Ito ang kwento ni Dosage, isang producer mula Davao.

Anonymous Staff
January 25, 2022


Maaaring nakilala niyo siya sa kanyang mga battle sa FlipTop, pero kung usapang musika, isa rin siya sa pinaka respetado sa eksena ng underground. Habang karamihan ng producers ay sumusunod sa agos, mas pinili niyang manatili sa kailaliman. Hindi pang party o pang kasiyahan ang kanyang tunog. Karamihan ng mga beat niya ay nakaka tindig balahibo para bang may paparating na panganib.

Ating alamin ang storya ng beatmaker ng Kalawakan Krew na si Dosage. Ano ang nagtulak sa kanya maging producer? Sino ang mga impluwensya niya? Bakit pinili niya ang Leftfield hip-hop na istilo? Masasagot ang mga yan pati ang iba pang mga katanungan dito sa ikatlong Behind The Sound. Simulan na natin…

1. Kailan at paano ka natutong gumawa ng beats? Eto na ba gusto mong gawin simula nung namulat ka sa Hiphop?

Year 2013 mixcraft palang ang gamit ko pero sa year 2014 nag record ako sa studio ni Blackleaf tinignan ko kung ano gamit nya na software at dun na nagsimula FL studio for life! Simula ng pagkahilig ko sa tunog eto na talaga yung routine ko. Araw araw na akong gumagawa kulang yung araw ko pag wala akong beats na nagagawa.

2. Sinong emcees ang nagsilbing inspirasyon sayo bilang producer? (pwede magbigay ng higit isa)

Wu Tang Clan, Aesop Rock, Ampon, Lifelinez at si Aklas

3. Sinong producers naman (local o foreign) ang nag-impluwensya sayo? (pwede rin magbigay ng higit isa)

RZA, 9th wonder, Caliph8, Red i, Sloj, Defcon, Moki Mcfly, Lozano, SimilarObjects, Blackleaf, Tatz at Serena DC

4. Ano ang ginagamit mo sa pag-gawa ng beats? (MPC, Fruity Loops, Reason, atbp.)

FL studio at Akai XR20

5. Ano ang proseso mo sa pag-produce? Ikaw ba yung gumagawa kahit wala pang artist na sasalang o may naiisip ka na agad na babagay sa instrumental?

Kapag may mga samples akong bago gagawa talaga ako kahit wala pang artist na lalapat at trip ko lang din gumawa ng beats sarap kasi sa tenga pag beat lang pinapakinggan.

6. Sa mga hindi pa pamilyar sayo, maaari mo bang ibahagi dito ang ilan sa mga nakaraang proyekto mo?

Simula nung 2016 every year nako naglalabas ng beat tape, ep at album nasa Bandcamp lahat.

7. Karamihan ng beats mo ay madilim o nakakapangilabot, ganito ba talaga ang istilo mo? Kung oo, bakit?

Oo kasi dun talaga ako nagsimula, mula sa tunog ni Aklas at Lifelinez dun talaga ako nakuha ang atensyon ko na eto talaga ang gusto kong tunog.

8. Kabilang ka sa Kalawakan Krew, kumusta ang grupo niyo ngayon?

Hehe, bago lang kami naglabas ng album mahigit lampas ng isang taon din yun na proyekto kaya lang masyadong sayang hindi namin sila maperform kasi busy na lahat at palagi kaming kulang haha

9. Ano ang masasabi mo sa local hip-hop ngayon, lalo na pag-dating sa production?

Matalino, masipag at di pa huhuli kung anong merong bago!

10. Ano naman ang pananaw mo sa mga artist na gumagamit ng nakaw o downloaded na beat?

Downloaded beats din ginagamit ko dati pero sa pansarili ko lang nahihiya pa kasi ako dati. Okay naman sya as long as pang ensayo mo lang, pag kabisado mo na at gamay mo na yung pyesa mo dun ka na maghanap ng producer na babagay sa kanta mo.

11. Grabe yung pinakita mo nun sa Pakusganay 5 laban kay Poison 13. Kumusta yung experience mo sa laban na yun?

Hahaha, nagulat din ako sa mga reaction ng mga tao di ko inaasahan na ganun yung response nila basta ang nasa isip ko nun, sumali ako ng isabuhay dapat kong tindihan at balansehin yung mga bara ko. Hehe

12. Mapapanood ka ba ulit namin sa liga o tututok ka muna sa musika? 

Oo naman as long as may ibibigay na oportunidad. Sa ngayon battle rap at music ang nagpapasaya sa akin, ang sarap sa pakiramdam na may achievement ka para sa sarili mo.

13. Ano ang maipapayo mo sa mga nagbabalak pumasok sa beat making?

Tiyaga lang talaga at dapat makahanap ka din ng inspirasyon kung sakaling mawalan ka ng gana.

14. Bago 'to matapos, may mensahe ka ba sa mga sumusubaybay sayo? Atsaka ano ang mga parating mo na proyekto?

Salamat sa lahat kung meron mang tagasubaybay haha, abangan niyo paparating kong proyekto kasama si Lozano!

UPDATE: Nilabas na nung ika-9 ng Mayo 2020 ang LP nila ni Lozano.

Pwede niyong pakinggan at blihin ang lahat ng mga album at EP niya sa kanyang Bandcamp page. May channel din siya sa YouTube kung saan nandun ang mga music video at ibang singles. Hanggang ngayon ay hindi pa rin gaanong patok ang ganitong klase ng hip-hop sa Pinas, pero sila Dosage at Kalawakan Krew ang iilan sa mga patuloy na ipinaglalaban ito. Sana nalang ay unti unti pa ‘tong lumawak dahil mas maganda ang eksena kung merong diversity. Laking pasasalamat muli kay Dosage para sa pag bigay ng oras dito! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT