Bagong usbong palang sa larangan ng produskyon pero nag-iiwan na ng marka. Ito ang kwento ni Kaz!
Una siyang nakilala sa iba’t ibang mga underground na liga sa Metro Manila at Cavite. Nung 2019, siya ang nag-kampeon sa torneo ng Raplines. Nagsusulat din siya ng mga kanta at hindi nagtagal ay pinasok din niya ang mundo ng beatmaking. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin siya sa paglikha ng mga tunog at nakapag labas na ng ilang mga beat tape.
Para sa panibagong kabanata ng Behind The Sound, alamin natin ang kwento ng emcee at producer na si Kaz. Dito natin malalaman kung paano siya nagsimula, ano ang proseso niya sa paggawa ng beat, ano ang mga susunod na plano niya, at marami pang iba. Halina’t magsimula na tayo…
1. Kailan at paano ka natutong gumawa ng beats? Eto na ba gusto mong gawin simula nung namulat ka sa hip-hop?
Hindi talaga ‘to yung hilig ko dati. More on rap talaga. Nung 2017, dun ko lang sinimulan gumawa ng beat. Syempre nung una, wala talaga akong ideya kung paano gumawa. Hanggang sa natuklasan ko yung concept ng sampling nung napakinggan ko yung isang kanta na katunog ng Hotline Bling ni Drake. Tapos mula nun, tuloy tuloy na.
2. Anong kanta (local o foreign) ang nagsilbing inspirasyon sayo bilang producer?
Sa foreign, Don’t Cry ni J Dilla talaga yung naging inspirasyon sa’kin sa pag gawa ng beat. Sobrang teknikal kasi ng kanta na yun. Grabe yung manipulation ng sample. Sa local naman, Isang Mahal ni DJ Arbie Won. Sobrang solid ng pagkakagawa ng beat.
3. Sinong producer naman (local o foreign) ang nag-impluwensya sayo?
Sa foreign, si J Dilla at Nujabes ang nag impluwensya sa’kin nang sobra ‘Yung mga techniques nila, na aaply ko ‘yun sa mga beats ko. Sa local naman, si Uloman. Naimpluwensyahan niya talaga ako kung paano mag manipulate ng sample nang maayos.
4. Ano ang ginagamit mo sa pag-gawa ng beats? (MPC, Fruity Loops, Reason, atbp.)
FL Studio at MIDI Keyboard
5. Ano ang proseso mo sa pag-produce? Ikaw ba yung gumagawa kahit wala pang artist na sasalang o may naiisip ka na agad na babagay sa instrumental?
Pag gumagawa ako ng beat, on top talaga. Hindi ko iniisip kung sino yung pwedeng mag spit ng ginagawa ko kasi nakakadistract yun para sa’kin. Sa proseso naman, naghahanap lang ako ng samples thru vinyl at minsan nag da-download sa sa youtube tapos ima-manipulate ko na yun sa kung anong trip kong gawin.
6. Meron ka bang preference (boom bap o trap) sa tunog o depende talaga sa mood?
Bias talaga ako pag dating sa tunog ng Boombap pero di ibig sabihin sarado ang isip ko sa trap dahil natitripan ko rin siya at gumagawa rin ako ng mga trap beats.
7. Sa mga hindi pa nakakakilala sayo, maaari mo bang ibahagi dito ang ilan sa mga nakaraang proyekto mo?
Hindi kasi ako mahilig mag post ng mga beats pero may ilan akong releases isa na dun ‘yung Pitch Dark Beat Tape (2022) na nasa youtube at Subjective Minds (2020) na nasa facebook lang nakapost. Sa mga rap albums naman, Mayari EP (2022) at Bonnie and Clyde (2021) kasama si Serene.
8. Maliban sa pag-produce, isa ka ding emcee. Nagsusulat ka pa ba ngayon o mas tumutok ka na talaga sa beats?
Nag susulat pa rin ako hanggang ngayon. Hindi na talaga mawawala ang hilig ko sa pag susulat kahit busy.
9. Pinasok mo din ang mundo ng battle rap. Kumusta ang experience mo dito?
Sobrang saya. Dito ko kasi nailalabas yung galit ko. Bukod dun, dito rin ako nagkaroon ng mga tropa.
10. Kung bibigyan ka ng pagkakataong lumaban sa FlipTop, papayag ka ba?
Kung bibigyan ako ng pagkakataon at kung papalarin sa tryouts haha.
11. Sino naman ang mga paborito mong battle emcee at ano ang mga paborito mong laban?
Sila BLKD, Loonie, Poison13 at Mhot ang pinaka paborito kong battle emcee all time. Tapos sa mga laban naman siguro, BLKD vs Marshall Bonifacio at Loonie vs Tipsy D talaga yung battles na lagi kong binabalik balikan lalo na pag may battle akong paparating.
12. Resbakk ang pangalan ng grupo mo. Sino-sino ang miyembro nito at paano kayo nabuo?
Sila Vade, JSTN, Marq, Migz, Ambiv, Cobs, Reason at Lord Manuel. Nabuo kami dahil kay Vade. Nung una, trip trip lang talaga eh hanggang sa ginusto na rin namin yung ginagawa namin sa hiphop. Kaya shoutouts sayo Vade!
13. Ano ang masasabi mo sa local hip-hop ngayon, lalo na pag-dating sa production?
Solid! Grabe yung hiphop ngayon pati yung production side. Mas swabe na sya pakinggan kasi may access kana sa lahat eh. Kahit di ka marunong gumamit ng actual instrument, kaya mo nang gumawa ng beat. Bukod dun, may mga genre na unti-unting sumisikat ngayon sa local scene tulad ng Drill.
14. Ano naman ang pananaw mo sa mga artist na gumagamit ng nakaw o downloaded na beat?.
Okay lang naman para sakin. Siguro ang akin lang ay matuto mag bigay ng credit sa mga original na may ari para iwas gulo.
15. Ano ang maipapayo mo sa mga nagbabalak pumasok sa beat making?
Wag kayo susuko at maging open sa lahat ng style or genre. Kasi kung bukas ang isip mo sa lahat ng style hindi ka matatakot mag experiment at hindi magiging limitado yung alam mo sa pag gawa ng beat.
16. Bago 'to matapos, may mensahe ka ba sa mga sumusubaybay sayo? Atsaka ano ang mga parating mo na proyekto?
Salamat sa lahat ng nakikinig (kung meron man) isa kayo sa dahilan kung bakit patuloy pa rin ako nagsusulat, gumagawa ng beat at bumabattle. Sa ngayon, may ginagawa akong album pero nasa early stages pa lang siya pero sana at may mga drafts na kahit papaano at sana mailabas ko sa 2023.
Maririnig niyo sa kanyang opisal na Youtube channel at Facebook page ang mga nilabas niyang proyekto. Syempre, abangan niyo din ginagawa niyang obra. Malupit yun sigurado! Patuloy sana nating suportahan ang mga lokal na artist, kahit yung mga hindi pa gaanong kilala. Salamat nga pala ulit kay Kaz sa paglaan ng oras para dito. Kita kits sa susunod na Behind The Sound!