Kumusta yung nakaraang Zoning? Basahin ang kwento ng isang fan.

Nung nakaraang Biyernes at Sabado ay pumunta kami ng mga tropa ko sa Shaw para sa Zoning 20 at 21. Naisip naming pumunta dahil babalik ang liga sa small room na setup. Huling event na napuntahan namin na ganito ay yung pinakaunang Zoning pa nung 2011. Namiss namin yung mas “intimate” na pakiramdam na pag-nood ng battles.
Bilang matagal nang fans ng liga ay exciting talaga ang lineup kahit walang duelo para sa Isabuhay. Kung lehitimong taga suporta ka, dapat inaabangan mo rin ang mga bagong pasok na emcees sa liga. Marami sa mga pinaka malupit mula sa Won Minutes nung nakaraang taon ay kasali dito kaya gusto naming makita kung paano sila nag-improve ngayon. Syempre, may ilang mga beterano rin na kasali na maituturing namin na underrated sa liga.
Bandang mga alas otso ng gabi nung umakyat si Anygma sa entablado para sa kanyang opening remarks. Kabisado na namin yung mga patakaran dahil ang dami na naming napuntahang events. Ganunpaman, kailangan pa rin nila gawin ‘to para sa mga unang beses palang makakanood live o yung mga hindi pa pamilyar sa mga patakaran. May sampung battles sa Zoning 20 habang siyam naman sa 21. Masyadong madami para pagusapan lahat kaya ipapamahagi ko nalang yung tatlong battles sa bawat gabi na tumatak talaga sa’min pati sa mga nakausap namin sa crowd. Simulan na natin!

Zoning 20:
Ang tindi ng tugmaan, flow, pati imagery sa Article Clipted vs Jamy Sykes. Swak yung paghalo nila ng leftfield at horrorcore at ramdam talaga yung enerhiya nila. Abangan niyo ‘to sa video! Parehong naka sentro sa komedya sila Blizzard at Tulala pero magkaiba sila ng atake. Mas tradisyonal yung stilo ni Blizzard habang mas kaliwa yung kay Tulala. Parehas sobrang epektibo yung sulatan pati yung mga gimmick nila. Solidong teknikalan laban sa patok na katatawanan yung salpukan nila Negho Gy at Dodong Saypa. Buhay na buhay yung crowd hanggang sa huling round at halos bawat linya ay napapa react kami. Malaki ang tsansa na mag-viral ‘to!

Zoning 21:
Grabe yung Jawz vs Dave Denver! Sunod-sunod na haymaker tapos isama mo pa yung nakakasindak na presensya nila pati polidong delivery. Tingin namin marami ring magdedebate online tungkol sa resulta ng laban. Ganun katindi! Sobrang bangis din nung Zend Luke vs Yuniko. Talagang tumodo dito si Yuniko at para sa’min ay ito ang pinakamalakas na pinakita ni Zend Luke. Klaro kung sino yung panalo pero kailangan niyo pa rin panoorin dahil sa lupit ng mga bara nila. Marami nang nakakaalam kung sino yung sumalang sa alter ego battle pero hindi nalang namin babanggitin baka may mga magbabasa nito na hindi pa alam. Ayun, pangalan lang pala yung nakuha nilang impormasyon sa isa’t isa, kaya nakakabilib na tumatama pa rin ang kanilang punchlines. Creative ang atake nila, patunay lang na lehitimong emcee sila.
Wag niyo ring tulugan yung ibang sagupaan pag lumabas na sa YouTube. Sa totoo lang, ayos naman lahat pero itong anim talaga yung pinaka tumatak sa’min. May isa sa nabanggit namin na may nag-choke saglit pero buti at nabawi agad niya.
Venue:
Ginanap yung dalawang Zoning sa Matchpoint Sports Bar & Events. Ang ganda nung lugar! Small room yung setup pero ang lawak pa rin ng venue at malamig. Hanep din yung sound system. Kahit saan ka pumuwesto (kahit malayo) ay rinig na rinig mo yung performances. Isa pang hindi namin makakalimutan ay yung pagkain. Panalong panalo at hindi ganun kamahal. Subukan niyo yung rice meals na sisig pati adobo tapos sa pulutan ay yung birria. Hindi ka magsisisi pangako!
Konklusyon:
Isang patunay yung Zoning 20 at 21 na huwag mong palalampasin ang small room events ng FlipTop. Nagbibigay din sila ng napakalupit na experience at mas madarama mo yung lakas ng bawat battle. Ang galing ng mga bago at lalo pang tumitindi yung mga beterano. Excited na kami sa mga susunod na event na ganito yung konsepto. Syempre, magkita-kits din tayo sa FlipTop Live pati sa Ahon 16.