General

Isabuhay 2025 Fan Predictions

Nagtanong kami sa ilang solidong FlipTop fans kung sino ang tingin nilang magkakampeon sa Isabuhay 2025!

Ned Castro
November 05, 2025


Sa mga hindi pa nakakaalam, ang magtatapat sa finals ng Isabuhay 2025 ay sila Lhipkram at Katana. Na-upload na yung mga laban sa semis kaya kung hindi mo pa napapanood, pwes, panoorin mo na. Ang tindi ng dalawang battle! Syempre, kaabang-abang din itong paparating na duelo. Gaya ng nakaraang taon ay unpredictable din ang finals ngayon dahil laging malakas ang dala ng dalawang emcees.

Nagtanong kami sa anim na solidong fans ng liga kung sino ang tingin nila na magkakampeon. Sinigurado namin na pantay ang magiging resulta para magkaroon ng sapat ng representasyon sila Lhipkram at Katana. Tandaan din na opinyon lang ‘to ng fans kaya kung hindi ka sangayon, wag ka na manggulo. Ilagay mo nalang sa comments section yung sarili mong prediksyon. Game na…

Fan 1: Lhipkram
May mga nababasa ako na hindi raw gaanong malakas yung pinakita ni Lhipkram sa tournament na ‘to. Para sa’kin naman, tingin ko sa finals niya ibubuhos ang lahat! Kumbaga warm up lang yung unang round hanggang semis tapos pagdating ng finals ay maghahalimaw na talaga siya. Wag niyong mamaliitin si Undo. Hindi ba’t nakakabilib din na kahit sakto lang yung pinakita niya ay nakaabot pa rin siya sa dulo?

Fan 2: Katana
Ito na ang panahon ng bagong henerasyon! Bago pa siya nakapasok sa FlipTop ay taga hanga na ako ni Katana. Ang ganda talaga ng pagka halo niya ng patok na komedya at solidong teknikalan at kahit swabe lang yung pag-deliver niya ay lagi pa rin tumatama ang bawat linya. Mas lalo pa siyang lumakas nung nakasali na sa liga at deserve niya makaabot sa finals ng Isabuhay. Tingin ko ay may ipapakita ulit siyang bago sa finals at siya ang mag-uuwi ng kampeonato!

Fan 3: Lhipkram
Karapat-dapat maging kampeon si Lhipkram. Ang dami na niyang classic na laban at performance at walang duda ang kanyang improvement bilang emcee. Kung usapang well-rounded na stilo, isa siya sa pinaka mahusay dito. Malupit yung pinakita niya sa torneo pero tingin ko yung isang daang porsyento niya ay sa finals niya ilalabas! Wag kalimutan na maraming nagsabi na ibobodybag siya ni GL nung Bwelta Balentong 10 pero napatahimik niya lahat ng kritiko! Ibang lebel ang preparadong Lhipkram.

Fan 4: Katana
Grabe pinakita ni Katana simula nung debut niya sa FlipTop hanggang sa semis! Siya talaga yung masasabing may kakaibang stilo kaya tingin ko sa kanya mapupunta ang kampeonato. Orihinal ang materyal niya at ibang klase siya bumuo ng mga anggulo sa kalaban. Oo, masasabing isa siya sa pinaka unpredictable na battle emcee. Mukhang mas totodohin pa niya sa finals at makakakita tayo ng kampeon mula sa Won Minutes batch!

Fan 5: Lhipkram
Walang makakatanggi na ibang lebel si Lhipkram kapag preparado. Dahil finals na ‘to, dito niya talaga ipapakita ang A-game niya. Hanggang ngayon ay epektibo ang style mocking niya pero maliban diyan ay laging benta ang jokes at teknikalan niya. Isama mo pa yung walang kupas niyang presensya. Inaaasahan kong magpapamalas si Lhip ng pinaka mahusay niyang materyal at dahil diyan, siya ang makakakuha ng kampeonato.

Fan 6: Katana
Sinong hindi mabibilib sa nagawa ni Katana sa liga? Nung nakaraang taon lang siya nakapasok sa FlipTop pero nasa finals na siya ng Isabuhay at sobrang dami na agad na humahanga sa stilo niya. Lagi kasi siyang may pinapakitang bago sa bawat laban at parang hindi siya nauubusan ng mga konsepto. Bukodtangi rin talaga yung kanyang kalmado pero delikadong delivery. Siya ang palagay kong magkakampeon  sa torneo ngayong taon dahil deserve niya.

READ ALSO: Kahulugan Ng Mga Sikat Na Termino Sa FlipTop (Part 12)

Gaganapin ang finals ng Isabuhay 2025 sa Ahon 16. Ang binigay palang na impormasyon tungkol dito ay yung petsa (ika-13 at 14 ng Disyembre). Sundan ang opisyal na pahina ng liga sa Facebook pati itong website para maging updated tungkol sa event. Ito ay laban ng beterano at bagong pasok sa liga kaya tiyak na magiging makasaysayan at dikdikan ‘to. Habang naghihintay tayo, balikan muna natin ang mga naunang laban sa napaka lupit na torneo.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT