General

Kahulugan Ng Mga Sikat Na Termino Sa FlipTop (Part 12)

May kasunod pa! Alamin ang kahulgan ng mga termino na madalas mong marinig sa liga at sa battle rap.

Ned Castro
October 01, 2025


Labinlimang taon na ang FlipTop at dahil diyan, marami na ring mga salita ang nauso dito. Posibleng hindi mo pa alam ang kahulugan ng ilan sa mga ‘to, kaya hayaan mo kaming ipaliwanag sa’yo. Ikalabindalawang parte na nga pala ‘to. Kung hindi mo pa nababasa yung iba, mahahanap mo sila dito. Kung may mga kilala kayong bagong fan na naghahanap ng dagdag kaalaman hindi lang sa liga kundi sa mismong battle rap, ipakita niyo ‘to sa kanila. Simulan na natin…

Triple time

Kadalasan na tinatawag na double time yung mga mabilis na pag-rap o flow. Kapag sinabing triple time, ibig sabihin nun ay mas matindi pa! Hindi lang yung bilis ang basehan dito. Dapat klaro pa rin ang bawat salita at malakas pa rin dapat ang landing ng punchlines para masabi na malupit yung triple time. Sila Smugglaz, Damsa, Flict-G, Numerhus, at G-Clown ang ilan sa mga emcees na dalubhasa dito.

Flip

Ang pormal na depinisyon ng flip ay baliktarin. Pagdating sa battle rap, mas naririnig ito sa mga English na laban. Ito ang isa pang tawag sa rebuttal. Kapag may malakas na linya ang kalaban tapos nabaliktad mo, na-flip mo siya. Sa madaling salita, pwede mo sabihin rebuttal o flip. Dagdag puntos talaga ‘to lalo na kung sobrang bigat na bara ang nabawi mo. Pinaka huling halimbawa nito ay yung ginawa ni Saint Ice nung Unibersikulo 13. 

Bodybag

Sa mundo ng battle rap, kapag sinabing bodybag ay ibig sabihin talong talo na yung kalaban. Hindi kasama dito yung mga dikit na duelo. Masasabi na bodybag ang resulta kung hindi na talaga nakabawi yung katunggali at durog siya sa bawat linya at anggulo. Kaya bodybag dahil parang pumanaw na yung rapper na natalo. Marami na tayong mga nasaksihan na ganito sa liga. Ano yung pinaka tumatak sa inyo?

Respect the Emcees

Sigurado ilang beses mo na ‘to narinig, mapa live man o online. Kadalasang sinisigaw ito bago bumitaw ang rapper ng kanyang berso. Kapag sinabing respect the emcees, dapat tahimik ka lang at unawain ang mga ipapamalas ng artists sa entablado. Syempre, dahil pinaghirapan nila ‘to at para sa’yo na rin na nagbayad ng ticket. Kung nais mong maunaawaan talaga ang sining na ‘to, kailangan bigyang galang ang magtatanghal. 

Won Minutes

Nagsimula nung 2019, ang Won Minutes ay isang uri ng ng event kung saan maglalaban ang emcees sa tatlong isang minutong rounds. Nung una ay nakareserba ‘to para sa mga bagong pasok sa FlipTop pero nung tumagal ay may mga sumalang na rin dito na ilang beterano na lumalaban bilang sarili nila o yung nauso nung nakaraang taon na “smurf account” o “alter ego”. Madalas ito ginaganap sa mga mas maliit na venue.

Train of thought

Si GL ang nagpauso ng terminong ‘to at masasabing isa ‘to sa mga tinatawag na “meta” ngayon sa battle rap. Ang train of thought ay grupo ng mga konsepto na konektado sa isang tema. Pansinin niyo sa mga materyal ni GL na laging may storya sa bawat round at sa bandang huli ay ipapakita niya ang koneksyon ng mga ‘to. Marami na ring ang gumagawa nito at mukhang madadagdagan pa.

May mga nakalimutan ba kaming ilagay? Ibahagi niyo lang ang mga ‘to sa comments section. Sisiguraduhin namin na makakasama sila sa susunod na piyesa. Para sa mga parating na events, merong Zoning 20 (October 24), Zoning 21 (October 25), at FlipTop Live (November 8). Sundan nalang ang pahinga ng liga sa Facebook pati itong website para manatiling updated sa iba pang mga detalye. Kita-kits sa mga petsa na yan. Mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT