Ipinaliwanag ng ilang solidong fans ng FlipTop kung bakit kaabang-abang ang Bwelta Balentong 12.
Bwelta Balentong 12 na ngayong Sabado! Excited ka na ba? Kami rin! Para naman sa mga nagdadalawang-isip pumunta, ipapaliwanag nitong anim na solidong fans ng FlipTop kung bakit hindi mo dapat palagpasin ‘to. Sa mga hindi pa nakakaalam, ang venue ay sa Metrotent Convention Center sa Pasig ulit at meron ditong walong laban. Dito gaganapin ang semifinals ng Isabuhay 2025! Atin nang basahin ang mga komento ng supporters…
Fan 1:
Exciting ang mga nakaraang semis ng Isabuhay at kung titignan ang lineup ngayong taon, talagang kaabang-abang pa rin ang mga mangyayari. Unpredictable ang Lhipkram vs Ban at Katana vs Saint Ice. Lahat ay malakas sa lirisismo at performance, at kitang kita yung dedikasyon nila sa torneo. Tingin ko ay mas totodo pa sila sa Bwelta Balentong 12 at ‘di na ako magugulat kung parehas magiging kandidato para sa battle of the year ang mga ‘to. Ayos lang sa’kin kahit sino manalo basta ang mahalaga ay naka A-game sila!
Fan 2:
Limang Isabuhay champion ang lalaban sa gabing ‘to. Bawat isa sa kanila ay may orihinal na stilo at hindi nagpapabaya. Malaking event ang Bwelta Balentong kaya siguradong mas hihigitan pa nila ang mga performance nila nung nakaraan. Syempre, dahil kampeon sila, kailangan rin nila patunayan kung bakit! Excited ako sa mga ipapakita nila.
Fan 3:
Dalawa ang laban ni GL at magkaiba pa ng stilo. Ano kaya ang mangyayari? Yan ang inaaabangan ko talaga. Hanep yung momentum ni Ruffian ngayon at mas lalong nagiging epektibo yung agresyon at teknikal na atake niya. Ilang beses namang pinatunayan ni Hazky na kaya niyang sumabay, mapa komedya o seryoso. Hindi papayag ang Isabuhay 2024 Champion na si GL dito kung wala siyang kumpyansa. Siya yung emcee na kayang dumurog ng meta at magpakita ng bagong konsepto. Sana Sabado na! Gusto ko na mapanood ‘to!
Fan 4:
Pansin niyo ba na halos ng lahat ng Bwelta Balentong ay sobrang solid? Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin makakalimutan yung Loonie vs Tipsy D, Sixth Threat vs Poison 13, Apekz vs Mhot, Shernan vs Sinio, at iba pang mga classic battle na nangyari dito. Naalala ko rin na maraming nanghusga sa lineup ng Bwelta Balentong 10 pero biglang naging isa sa pinakamalupit na event ito nung 2023. May hiwaga talaga ang Bwelta kaya sa Sabado ay siguadong pupunta ako.
Fan 5:
Oo, lahat ng laban ay hindi dapat palagpasin, lalo na yung semis, pero inaabangan ko rin talaga yung champion vs champion! Trip ko ang rektang stilo ni Pistolero pati yung mas teknikal na atake ni Invictus. Ang maganda pa dito ay pareho silang may sobrang linis at agresibong delivery. Wag na tayo magulat kung maging battle of the night ‘to lalo kung handa silang dalawa. Isang brutal na duelo ang aking inaasahan dito.
Fan 6:
Simula nung Bwelta Balentong 11 nung nakaraan taon, palaging hindi malilimutan ang mga event na naganap sa Metrotent. Oo, malaki yung lugar, malamig, at komportable, at ang dami na agad mga classic na battles. Base sa lineup nitong Sabado, mukhang mayayanig ulit ang venue. Kung hindi mo pa nararanasan dito, simulan mo na! Hindi ka magsisisi pangako yan.
Pupunta ka na ba? Meron walk-in pero balita namin ay malapit na maubos ang tickets, kaya payo namin ay kumuha ka na ng pre-sale. I-click mo lang ‘to para malaman kung saan at paano bumili. Magkita-kita tayo sa Setyembre 20 para sa isang garantisadong makasaysayang Bwelta Balentong. Ano pinaka inaabangan mong laban? Sabihin mo lang sa comments section. FlipTop, mag-ingay!