Kwento ng isang fan tungkol sa Bwelta Balentong 12 nung Sabado!
(Yung image sa taas ay mula sa pahina ni Anygma)
Kakauwi lang namin sa probinsya. Grabeng weekend yun! Hindi namin malilimutan. Nung Sabado ay pumunta kami sa Metro Manila para manood ng Bwelta Balentong 12. Nakarating kami sa Pasig bandang alas otso nang umaga. Diretso tulog muna kami sa Airbnb at nagising kami bandang mga alas diyes. Tumambay at kumain muna kami sa Robinson’s Galleria at pagkatapos ay diretso na sa Metrotent. Swerte namin dahil isa kami sa pinakaunang dumating. SVIP kami at buti nakapwesto kami agad sa pinaka hirap. Excited kami kahit matagal tagal pa yung simula ng programa. Makalipas ang ilang minuto ay laking gulat namin sa sobrang dami na ng tao. Pag akyat ni Anygma sa entablado, abot tenga ang ngiti namin. Ito nga pala ang unang beses namin ng tropa manood nang live. Bakit ngayon lang? Nabusy sa iskwela pero dahil ngayong taon kami nakapagtapos at meron nang trabaho, ang unang pinaggastusan namin ay itong event. Kung battle rap fan ka, hindi mo dapat palagpasin ‘to! Kumusta nga ba yung Bwelta Balentong 12? Simula natin sa dalawang battle para sa semis!
Para sa’min ay dikit yung Lhipkram vs Ban at Katana vs Saint Ice. Sangayon naman kami sa naging resulta pero hindi malabong magbago pananaw namin sa video. Ang ibig sabihin lang niyan ay talagang dikdikan ang laban. Ang dami nilang pinamalas na solidong tugmaan, creative na angles, at sunod-sunod na haymaker. Kitang kita rin namin yung kumpyansa ng bawat isa. Sa mga wala nung Sabado, abangan niyong yung dalawang laban na ‘to!
Kung hater ka ni GL o hindi ka masyadong bilib sa kanya, pinapangako namin na magbabago ang opinyon mo sa kanya dito. Dalawa ang laban niya sa gabing ‘to at tumodo siya sa parehas. Ang daming binanat na kakaibang mga konsepto at napansin namin na mas agresibo siya. May train of thought ulit at sobrang epektibo nito. Kumusta naman ang performances nila GL at Hazky? Solido din ang kanilang pinakita! Patok na komedya at rektahang mga bara ang binanat ni Hazky habang mabangis na teknikalan at brutal na punchlines naman kay Ruffian. Tiyak na mapapa hype ka pag napanood mo ‘to sa YouTube.
Medyo underrated yung salpukan nila Invictus at Pistolero, pero ganunpaman, wag niyo palagpasin yan! Ang lakas nila sa kani-kanilang stilo at nananatiling matalas ang kanilang delivery. May ilan lang mga linyang hindi siguro na-gets ng crowd, kaya sana mas pumatok ito sa video. Pinakita naman ni Empithri na hindi siya apektado ng hate. Nag-improve ang kanyang presensya at napakahusay pa rin niya sa well-roudned na sulatan. Syempre, hindi rin nagpabaya si M Zhayt. Pinatunayan niya sa Bwelta Balentong 12 kung bakit siya triple champion at complete package na emcee. Bakbakan din yung palitan nila SlockOne at J-Blaque. Una sa lahat, litaw na litaw ang enerhiya nila sa entablado. Pagdating naman sa materyal, nagbitaw sila ng mabisang kombinasyon ng katatawanan at gaspangan at kahit simple mga anggulo nila ay epektibong epektibo pa rin. Jonas vs Frooz ang unang laban ng gabi at nayanig agad ang venue! Maliban sa sobrang bentang jokes ay bumanat din mabangis na flow si Jonas. Patok din ang komedya ni Frooz at nananatiling nakakamangha ang multis niya.
Ano masasabi namin sa Bwelta Balentong 12? Sulit na sulit! Meron nga lang mga emcee na nag-stumble pero para sa’min ay hindi sobrang nakaapekto ito sa kalidad ng mga battle. Maaga natapos yung event; mga alas onse ng gabi. Isa pa palang tumatak sa’min ay yung mga linya na nananawagan sa taong bayan na makibaka sa susunod na araw laban sa korapsyon sa bansa pati pagguita na rin ng martial law. Dahil dun ay napapunta kami sa Luneta kinabukasan at hinding hindi kami nagsisi. Nagkaroon man ng gulo sa Mendiola nung huli (hindi na namin naabutan yun pero sana managot ang mga tunay na salarin) pero hindi pa rin maitatanggi ang lakas ng mamamayang Pilipino. Sana ay nakatulong ang ating pag-aaklas nung linggo. Muli, maraming salamat sa FlipTop para sa napaka saya na experience! Subukan namin pumunta sa Zoning at sa konsyerto ni Bambu pero siguradong nandun kami sa Ahon. Mabuhay ang liga, mga emcees, at ang Pinoy hip-hop.