Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Zoning 20

Excited ka na ba para sa Zoning 20? Pagusapan muna natin yung grabeng lineup.

Anonymous Staff
October 08, 2025


Ilang buwan pagkatapos ng makasaysayan na Zoning 18 at 19 ay may bagong kabanata kaagad, Dalawang araw ulit yung  paparating na Zoning at ang pinagkaiba nito sa naganap nung Mayo ay magkasunod na araw ito. Parang Ahon ang datingan! Oktubre 24 at 25 ang petsa at ang venue ay sa Matchpoint Sports Bar & Events sa Shaw Boulevard. 

Babalik muli ang liga sa small room na setup at kung isa ka sa mga nakaranas nito, alam mong napakalupit rin na experience ‘to. Habang naghihintay tayo, pagusapan muna natin yung sampung laban sa ika-20. Simulan na natin…

Goriong Talas vs Harlem
Kung ito nga ang main event ng Zoning 20, deserve nila parehas! Beterano na sila Goriong Talas at Harlem sa battle rap at kapag preparado sila, makakaasa tayo lagi ng hindi malilimutan na performance. Parehas epektibo ang pagiging agresibo nila sa entablado at pagdating sa materyal ay unpredictable sila. Napaghahalo nila ang bentang komedya, hanep na teknikalan, pati mga pang basagan ng bungo na linya. Wag na kayo mabigla kung humabal pa ‘to sa usapan ng battle of the year.

Thike vs J-King
Matagal na rin yung huling laban nila Thike at J-King sa liga kaya asahan niyong totodo sila dito. Style-wise, parehong kayang kaya sumabay sa komedya, teknikalan, at rektahan. Masasabing lamang nang konti si J-King sa agresyon habang sa rebuttal naman llamado si Thike. Ganunpaman, dahil matagal tagal din silang nagpahinga, malaki ang tsansa na may mga ipapakita silang bago. Kaabang-abang ang bakbakan na ‘to! Sana A-game ang ipakita ng dalawa.

CNine vs 3RDY
Unpredictable na matchup ‘to! Masasaksihan natin ang patok at creative na komedya ni CNine laban sa mababangis na metapora ni 3RDY. Kaya din nilang balansehin ang iba’t ibang stilo ng pagsulat at laging litaw ang kanilang kumpyansa sa entablado. Dahil diyan, humanda tayo sa posibleng dikdikan na laban mula sa una hanggang ikatlong round. Ibang klase yung mga pinakita nila sa mga huling laban nila kaya malamang ay hihigitan pa nila ‘to sa Zoning 20.

Negho Gy vs Dodong Saypa
Hindi makukumpleto ang battle rap event kung walang style clash. Exciting itong duelo nila Negho Gy at Dodong Saypa, Ito ay teknikal na stilo laban sa purong komedya. Galing silang dalawa sa panalo kaya sigurado mas lalakasan pa nila sa Oktubre 24. Pantay lang sila pagdating sa presensya at kahit magkaiba sila ng paraan ng pag-deliver (mas kalmado si Dodong habang mas agresibo si Negho) ay epektibo parehas. Pag walang magpapabaya, posibleng dikit ‘to.

Article Clipted vs Jamy Sykes
Eto naman ang kabaliktaran ng style clash. Ang Article Clipted vs Jamy Sykes ay labanan ng matalas at malalim na bokabularyo. Medyo lamang si Jamy Sykes sa flow at tugmaan habang sa imagery at agresyon naman si Article. Nakakaexcite pakinggan ang mga kakaibang references at konsepto nila. Parehas silang nag-iwan ng marka sa nakaraang battles nila kaya malamang ay mas lulupitan pa nila dito. Sa mga gusto ng purong lirisismo, para sa inyo ‘yo!

Bisente vs Don Rafael
Mukhang magiging matinding bakbakan ‘to! Si Bisente ay nag-kampeon sa nakaraang 1UP Tournament ng FRBL kaya garantisadong totodo siya ulit sa FlipTop. Hindi man nagwagi si Don Rafael sa huling laban niya, marami pa ring bumilib sa kanyang pinakita. Mas pang teknikalan at seryosohan si Bisente habang sa jokes at tugmaan naman si Don Rafael, pero walang dud ana kayang kaya din nila mag-eksperimento kung kinakailangan. Pagdating naman sa performance, parehas ramdam lagi ang kanilang presensya. 

Hespero vs R-Zone
Malaki ang posibilidad na dikdikan ‘to mula una hanggang ikatlong round. Kilala sila Hespero at R-Zone sa kanilang mabisang well-rounded na stilo. Maliban diyan, halimaw sila sa pagdating sa wordplay at tugmaan at nandiyan din ang kanilang polido na delivery. Grabe yung pinakita nila sa nakaraang battles nila kaya sana ay mas tumodo pa sila dito.  Ilan sila sa mga nagrerepresenta ng bagong henerasyon ng emcees sa liga ngayon. Kaabang-abang ang mga gagawin nila.

Blizzard vs Tulala
Wild na laban ‘to sigurado! Pwede rin ‘tong matawag na style clash dahil sa bentang jokes naka sentro si Blizzard habang sa matindihang unorthodox na atake naman si Tulala. Malaki ang posibilidad na makarinig tayo dito ng maraming mga bagong konsepto at termino na mag-iiwan ng marka. Wag rin tayo magulat kung may mga baon silang kakaibang mga gimmick. Kung parehas sila nag-handa, baka ito yung mga battle na ayos lang kahit sino manalo!

Freek vs Antonym
Ito ay labanan ng dalawa sa pinaka underrated na emcee sa bagong henerasyon ng FlipTop. Sana ay mas marami pang makapansin kayla Freek at Antonym sa gabing ‘to dahil hindi mapagkakaila ang kanilang matinding pen game. Parehas teknikal pero masasabing mas “street style” si Freek habang mas “balagtasan” naman si Antonym. Solido din lagi ang presensya nila sa pag-tanghal kaya kung A-game silang dalawa, may tsansang maging sleeper battle of the night pa ‘to. 

Lord Manuel vs Kalixs
Kung ito talaga ang unang laban ng event, pwes, bakbakan na agad! Sa mababangis na wordplay at rhyme schemes nakilala si Kalixs habang si Lord Manuel naman ay sa mga brutal at rektahang bara. Pareho silang todo palagi sa delivery at hindi nawawala ang kumpyansa nila sa entablado. Humanda sa mga masasakit na haymaker at anggulo at kung walang mawawala sa tatlong rounds, pwedeng tumatak ‘tong laban na ‘to. Exciting ang mga mangyayari dito.

READ ALSO: The Beauty of Small Room Battles

750 pesos ang halaga ng pre-sale tickets habang 1000 naman para sa walk-in. Parehas may kasamang isang libreng FlipTop Beer at isang food stub (100 pesos off). Sulit na sulit, ‘diba? Magpadala ng PM sa pahina ng liga sa Facebook kung nais mong bumili. 8PM nga pala yung simula ng programa. Halong mga solidong beterano at up-and-comers ang sasalang sa gabing ito kaya wag niyong palampasin! Sa mga meron nang ticket, kitakits tayo sa Oktubre 24. Mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT