General

2025 Isabuhay Semifinal Predictions (Mula Sa Fans)

Malapit na ang semis ng 2025 Isabuhay! Eto ang prediksyon ng ilang fans.

Ned Castro
August 05, 2025


Nung Unibersikulo 13 ay natapos na ang quarterfinals ng 2025 Isabuhay Tournament. Marami na agad mga upsets, ‘di malilimutang performances, at kandidato para sa battle of the year. Dahil diyan, malaki ang tsansa na mas exciting at unpredictable pa ang semifinals. May tatlo na unang beses sumalang sa torneo at isa na naging finalist na. Lahat sila ay pwedeng maging kampeon, base sa kanilang materyal at nakaraang performances.

Nagtanong kami sa ilang solidong fans ng liga kung sino ang pambato nila sa final four. Para maging patas ay sinigurado namin na bawat emcee ay mababanggit. Ito ay opinyon lamang nila kaya kung hindi ka sangayon, wag ka nang manggulo. Ipamahagi mo nalang ang prediksyon mo sa comments section. Simulan na natin…

Fan number 1: Ban

Kahit sa ibang larangan ay fan talaga ako ng mga underdog. Para sa’kin ay makasaysayan talagang makakita ng isang minamaliit o kaya di gaanong napapansin na nilalang na magwagi. Maliban diyan, kitang kita naman talaga yung improvement ni Ban, mula sa kumpyansa hanggang sa paghulma ng mga solidong punchlines. Isa siya sa pinaka mabisa ngayon pagdating sa stilong well-rounded at naniniwala akong mas lulupitan pa niya sa semis. May mga ilan na tinatawag na agad siyang overrated pero gamitin nalang niya itong gasolina.

Fan number 2: Saint Ice

Dalawang beses nang naging parte si Saint Ice sa upset of 2025. Marami ang nagduda sa kanya sa simula pero ngayon ay crowd favorite na siya. Deserve niya yun lalo’t nagpursigi talaga siyang makabalik sa FlipTop nang mas malakas. Sana sa semis ay mas marami pang makaunawa sa mga teknikal na sulat niya dahil kung ito’y hihimayin niyo, makikita niyong sobrang tindi niyang bumuo ng mga bara, anggulo, at reference. Pagdating naman sa freestyle, tingin ko lalo pa siyang lulupit diyan. Sa mga hindi nakapanood, abangan niyo yung sa Unibersikulo 13!

Fan number 3: Katana

Supporter na ako ni Katana nung sumasalang palang siya sa mga underground na liga. Hindi matatanggi na marami nang magkakahawig na stilo sa battle rap kaya nakakatuwa na may kagaya ni Katana na kaya pa ring magpakita ng bago. Oo, marami nang naghahalo ng teknikal at komedya, pero kakaiba lagi yung atake ni Katana sa ganito. Nandyan pa ang kanyang kalmadong delivery na nananatiling epektibo. May kutob ako na marami pa siyang ipapakitang bago sa semis… at tingin ko ay sa finals din!

Fan number 4: Lhipkram

Panahon ni Lhipkram ‘to! Maraming nagsasabi na sakto lang yung pinakita niya sa una at pangalawang rounds ng torneo pero tingin ko ay nag-wawarm up lang siya. Pagdating ng semis ay buong pwersa na ulit siya at may posibilidad na madomina niya ang laro. Maliban sa siya ang pinaka experienced, walang makakatanggi na laging epektibo ang well-rounded na materyal niya pati na rin ang kanyang presensya. Yung pagwasak niya sa stilo ng kalaban ay hindi pa rin naluluma hanggang ngayon. Kaabang-abang ang gagawin niya sa susunod na round.

READ ALSO: FlipTop 2025 So Far

Magaganap ang semifinals ng 2025 Isabuhay sa Setyember 20 sa Bwelta Balentong 12. Ang venue ay sa Metrotent Convention Center ulit. Abangan ang poster at iba pang impormasyon dito sa website pati sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook. Ang masasabi lang namin ay grabe ‘tong lineup na ‘to! Magipon na kayo para sa tickets.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT