Bagong Isabuhay Tournament na naman! Ano mga dapat mangyari para maging classic ito?

Kakatapos lang ng isa na namang solidong torneo ng Isabuhay. Congrats ulit sa kampeon na si Katana pati sa lahat ng emcees na sumali! Walang duda na grabe yung nakaraang tournament. Talagang bakbakan at ang hirap mahulaan kung sino ang mag-uuwi ng kampeonato. Ngayon, eto ang tanong: pa’no kaya ito hihigitan sa 2026? Halina at pagusapan natin yan.
Syempre, ang pinaka importante pa rin ay ang lineup. Siguro sasabihin ng iba na dapat puro old gods o mga beterano lang ang kasali pero ang totoo ay mas exciting pag halo-halo ang sasalang. Kailangan ng representasyon ang bagong henerasyon pati mga tinuturing na “underrated” na matindi ang pinakita nung nakaraang taon. Dahil dito ay mas magiging unpredictable ang mga laban at mas marami tayong maaasahang mga surpresa. Kailangan din ang kanilang presensya para sa kinabukasan ng kultura. Kung hindi man sila mag-kampeon, ang mahalaga ay mag-iwan ng marka ang kanilang performance.

Para sa mga emcees na sasali ngayong taon, tandaan na hindi lang galing sa pag-rap ang kailangan ipakita sa duelo. Sa dami na ng lumalaban sa eksena ng Pinoy battle rap, hindi maiiwasan na may mga magiging magka tunog. Dahil ang torneo na ‘to ay tinatawag na “best of the best”, dapat ay bukodtangi din ang ipapamalas niyong stilo. Tignan niyo ang kampeon nung 2025 na si Katana. Pangalawang taon palang niya sa FlipTop pero nakuha na agad niya ang korona. Bakit? Maliban sa kanyang rap skills ay kakaiba ang materyal niya. Kung may originality, aura, at lirisimo ka, naku, magiging seryosong banta ka!
Gaya ng lineup, kailangan din ng diversity sa pag gawa ng mismong mga laban bago ng finals. Magandang makakita ng beterano vs beterano at baguhan vs baguhan pero ayos din kung ipaghahalo sila. Kung magtatapat ang OG at rookie, tiyak na ibibigay nila ang lahat! Nais manalo ng OG para ipaalala kung bakit siya tumagal sa liga habang para sa respeto at makaangat sa ranggo naman ang rookie. Meron na agad naratibo at malaking tsansa na dikdikan ‘to. Isipin mo kung bawat battle ay may storya. Sobrang exciting, ‘di ba? Sana ganyan ang mangyari sa susunod.

Ito naman ay para sa mga manonood live at online. Expect the unexpected lagi pagdating sa Isabuhay. Alam naming may mga iniidolo kayo at kapag sumali sila sa tournament ay dapat lang na suportahan niyo sila. Ganunpaman, wag niyong tulugan yung ibang mga sasali. Grabeng dedikasyon ang ginagawa nila dito at ito ay para sa inyong entertainment. Manatiling bukas ang isipan at I-enjoy lang ang mga sagupaan. Wag kalimutan ang kasabihan na “respect the emcees”. Kung matalo ang idolo niyo, siguradong makakabawi naman yan.
Wala pang mga detalye tungkol sa Isabuhay 2026 kaya mag-hintay muna tayo. Sino ang mga gusto niyong makita ngayong taon? Usap tayo sa comments section. Maligayang anibersaryo din nga pala sa FlipTop. Ikalabing-anim na taon na nila. Grabe, noh? Ang daming mga pinagdaanang pagsubok pero nandito pa rin! Kaabang-abang ang mga plano nila Anygma sa 2026. Magkita nalang tayo sa susunod na events. FlipTop, isa pang beses mag-ingay oh!