Nakaabot na tayo sa kalahati ng 2025! Nagtanong kami sa ilang fans kung ano ang pinakatumatak na battle sa ngayon.
Umabot na tayo sa kalahati ng 2025. Ang bilis ng panahon grabe! Marami na ring battles na naganap sa FlipTop na nag-iwan agad ng marka. Nagtanong kami sa ilang mga solidong fans ng battle rap kung ano ang sa tingin nila ang battle of the year sa ngayon. Para manatiling patas, sinigurado namin na walang mauulit at dahil diyan, may napili kaming anim na sagot.
Tandaan na ito ay personal na opinyal lamang nila. Kung hindi ka sangayon, wag ka nang mang-away. Iba-iba ang trip natin pagdating sa larangan na ‘to. Ibig sabihin lang niyan ay maraming malulupit talaga ngayon. Halina’t tignan ang masasabi ng unang fan…
Fan 1: Jonas vs Saint Ice
Siguro tumatak lang ‘to sa iba dahil underdog yung nanalo pero kung hihimayin mo talaga, ibang klaseng salpukan ‘tong Jonas vs Saint Ice. Kung usapang content, nandito na ang lahat: epektibo na teknikalan, komedya, rhyme schemes, freestyle, wordplay, metaphors, at pagbuo ng anggulo. Kitang kita rin yung dedikasyon ng dalawang emcee sa kanilang performance. Sa sobrang dikit nG laban na ‘to, ayos na ayos sa’kin kahit sino manalo sa kanila.
Fan 2: Ruffian vs JDee
Iba pa rin pag live at ito ang perpektong halimbawa! Marami ang nag-reklamo sa lineup ng Zoning 18 dahil kulang daw sa bigating emcees, pero nananahimik sila lahat nung nilabas na ‘tong Ruffian vs JDee. Napanood ko ‘to llive at grabe yung enerhiya hanggang sa dulo. Ramdam mo yung lakas ng bawat linya pati yung agresyon nila. Mas lalo pang nawasak yung venue dahil sa pambihirang rebuttals nila. Eto yung battle na walang duda na panalo tayong lahat! Todo dikdikan at walang nagpabaya! Ilang beses ko na pinanood sa YouTube ‘to. Ang lakas pa rin!
Fan 3: Zend Luke vs Zaki
Style clash pero parehas purong lirikalan. Laban ng mas rektang atake ni Zaki at leftfield at mala balagtasang bitaw ni Zend Luke. Para sa’kin ay pareho nilang todo nirepresenta ang kanilang stilo at ang naging resulta ay isang duelo na sobrang dikit kahit sino pwedeng magwagi. Pwede pa nga maging draw ‘to eh. Maraming mga bara na tinulugan pero sana mas naunawaan ito sa online. Pinakita rin nila dito na sila ang may pinaka mabangis na delivery sa eksena.
Fan 4: Plazma vs Emar Industriya
Kahit parehas Uprising,binigyan pa rin tayo nila Plazma at Emar Industriya ng dikdikang laban. Oo, puno ‘to ng solidong horrcore, leftfield, at teknikal na banatan pero nakakagulat na hinaluan din nila ng konting patok na komedya. Malaki rin ang improvement ng delivery pati flow nila. Okay lang sa’kin kahit sino manalo sa kanila dahil ang mahalaga ay talagang ginalingan nila dito. Sana mas tumaas pa views nito!
Fan 5: Katana vs 3rdy
Eto ang unang battle ng Second Sight 14 pero nabulabog agad yung venue. Dikdikan ‘tong palitan nila Katana at 3rdy para sa unang round ng Isabuhay 2025! Sunod-sunod ang mga creative na reference at anggulo, hanep na wordplay, bentang jokes, at bigating mga linya. Masasabi kong ito ang best performance ng dalawa. Dahil dikit na dikit yung laban, kahit iba yung nanalo ay hindi ako maiinis. Sana mas marami pang makaunawa sa stilo nila.
Fan 6: Carlito vs Article Clipted
Fan talaga ako ng horrocore at teknikalan kaya naman tuwang tuwa ako sa digmaan nila Carlito at Article Clipted. Ang matindi pa dito ay maliban sa brutal at malalalim na linya ay grabe rin yung tugmaan, delivery, at presensya ng dalawa. Akala ko nung una ay magiging one-sided ito pero gulat ako na dikdikan talaga hanggang huling round! Marerekumenda ko ‘tong battle na ‘to sa mga gusto ng purong lirisismo.
READ ALSO: FlipTop x The Linya-Linya Show - “BARA-BARA” Episodes (So Far)
Ikaw? Ano ang pinaka matinding FlipTop battle ng 2025 sa ngayon? I-share mo lang sa comments section. Sobrang dami pang battles at events na paparating, kaya abang-abang nalang. Syempre, nandyan pa ang isa na namang unpredictable na Isabuhay Tournament. Magtatapos ang quarterfinals nito sa Unibersikulo 13. Merong ka na bang ticket? Kung meron na, pwes, magkita nalang tayo sa Hulyo 19. Kung wala pa, eto ang kumpletong listahan ng mga nagbebenta. FlipTop, mag-ingay!