From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Best Of Second Sight 15

Ayos ba yung Second Sight 15? Basahin natin ang kwento ng isang fan.

Anonymous Battle Fan
April 28, 2026


Ayun! Kakatapos lang ng Second Sight 15. Pumunta ako kasama ang tatlo kong tropa na tulad ko ay matagal na ding tagahanga ng FlipTop. Ang huling event na napanood namin live ay yung Ahon 15 Day 3 pa. Naging busy lang sa trabaho kaya walang oras makapunta. Buti nalang at nagkataong bakante kami nung nakaraang linggo kaya napagkasunduan naming pumunta sa parehong araw. Bumili kami ng pre-sale ticket sa bagong lokasyon ng BranDead sa Cubao. Salamat sir Benjie! SVIP ang nakuha namin at sabi samin ay paubos na daw. Buti nalang kumuha na kami dahil kinabukasan ay pinost nila sa kanilang FB page na yung SVIP ay sold out na.  

Malayo kami sa venue. Sa Alabang yung Filinvest Tent at taga QC lahat kami. Ganunpaman ay mabilis kaming nakarating. Nag-MRT kami hanggang Ayala Station at nag-bus sa One Ayala. Bumaba kami sa Festival Mall at naglakad nalang mula dun. Swabe lang yung byahe sa day 1 at 2. 

Kumusta yung venue? Mas maliit siya sa The Tent at maaaring kasing laki ng Metrotent. Komportable pa rin at masarap yung aircon! Nabawi yung matinding init sa labas. Malawak ang parking area at may mga malapit na kainan. Halos parehas bandang 6PM nagsimula yung programa. Dahil higit isang taon na simula nung huling live namin, nung nagsasalita palang si Anygma ay sobrang excited na kami!

Masyadong mahaba pag inisa-isa pa namin ang lineup kaya aming ipapamahagi nalang yung mga pinaka tumatak samin na battles at performances. Paalala lang po na opinyon lang namin ‘to. Kung hindi ka sangayon, hindi mo kailangan magalit. Pwede mong ibigay yung sa’yo sa comments section. Klaro ba? Game na!

Day 1:
IBANG KLASE yung Sur Henyo vs Saint Ice! Solidong palitan ng teknikalan, personals, agresyon, pati freestyle. Sobrang yumanig ang venue sa kanilang round 3, pero bago pa niyan ay bumilib na talaga kami sa pinakita nila. Dikit na dikit at kahit anong maging resulta ay ayos samin. Tama lang na main event yung Dos Por Dos battle dahil grabe yung salpukan nila Shernan/Hazky at CripLi/Towpher. May costume sila Shernan at Hazky na siguradong magiging kontrobersyal kapag inupload, pero hindi ito naging hadlang sa kanilang performance. Nagpamalas yung dalawang pares hindi lang ng sobrang mabisang jokes at brutal na mga linya, kundi pati pambihirang flow, tugmaan, at presensya. Kami ay malakas na tumawa, pumalakpak, at napa “ohhh!” sa halos bawat bara. Sana maging inspirasyon ‘to na maibalik ang Dos Por Dos Tournament. Tulad ng Sur vs Ice, sangayon kami sa judging pero di kami magrereklamo kung iba yung desisyon.

Sa indibidwal na performances naman, kung di mo napanood live, abangan mo si Zend Luke! Lalo pang lumakas ang kanyang rhyme schemes at mga metapora at talagang naatake niya ang stilo ng kalaban. Sobrang tutol kami sa anggulo niya sa round 2, pero hindi pa rin maitatanggi na mahusay ang pag-construct niya ng mga linya dun. Tama yung mga nabasa niyo sa social media! Preparadong Sak Maestro ang nakita namin sa Second Sight 15. Nandun ang swabe pero mapaminsala niyang delivery at syempre, nagpamalas siya ng napaka tinding lirisismo. Epektibong epektibo ang pagbalanse niya ng komedya, teknikalan, at mga rektang linyahan. Ang bagsik din ng references niya! Sana tuloy-tuloy na ‘to!

Day 2:
Nung ianunsyo yung lineup, ang unang prediksyon namin ay magiging dikdikan ang Poison13 vs Sensei at ganun nga ang nangyari! Parehas malakas at parehas may pinakitang kakaiba sa laban. Napakahusay din ng pagtimpla nila sa iba’t ibang elemento ng battle rap. Nandiyan ang antics, stage presence, jokes, at purong lirisismo na nag-iwan ng marka samin. Magtetrending ‘to sigurado pag uploaded na. Hindi rin kami nabigo sa labanan ng dalawang kampeon: Katana vs Invictus. Style clash ang nangyari at parehas sobrang tindi sa kani-kanilang atake. Maliban sa maraming mga orihinal na anggulo, marami ring mababangis na tugmaan, bigkasan, pati imagery. Nandiyan pa ang kanilang walang kupas na presensya sa entablado.

A-game na Shehyee ang nasaksihan namin sa day 2. Hindi siya sobrang namersonal pero pinakita pa rin niya sa kalaban kung pano ang tamang paraan para gawin yun. niya ang karakter ng kanyang katunggali gamit ang matatalas na linayahan at delivery pati malupitang aura. Kaabang abang ang gagawin niya sa next round. Kahit dati ay bilib na talaga kami kay M Zhayt. Nakakapagtaka na ang daming ayaw sa kanya. Tingin namin ay maraming tatahimik na kritiko pag napanood yung ginawa niya sa event.  Oo, ang lupit pa rin ng well-rounded niyang stilo at enerhiya sa pag-tanghal, pero ibang klase din yung pinakita niya sa round 3. Politikal ang naging tema nito at naiugnay pa rin niya sa kalaban. Magiging kontrobersyal din ito pero tingin namin ay kailangan ito marinig ng tao. Saludo sayo, M Zhayt.

Konklusyon:  
Abangan niyo rin yung ibang battles, ha? Basta, sulit na sulit yung ticket namin sa day 1 at 2 ng Second Sight at tinitiyak naming maraming laban na mas papatok pa sa video. Maraming, maraming salamat kay Anygma, sa staff, at syempre sa emcees. Sobrang na-entertain kami at napagkasunduan naming manonood din kami ng Write Off Way. Iba pa rin talaga pag live kaya subukan niyo rin ‘to!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT