Eto ang mga highlights ng Write Off Way mula sa isang fan!

Ako rin yung sumulat ng rebyu sa Second Sight 15 kaya bago ang lahat, salamat kay Anygma para sa pagbigay ulit ng pagkakataong makapag-ambag ng piyesa. Pag-usapan naman natin yung day 1 at 2 ng Write Off Way na ginanap nung weekend. Sa Matchpoint Sports Bar & Events sa Shaw ang venue at may tig-siyam na battle bawat araw. Dito nangyari ang quarterfinals ng Langit Lupa Tournament.
Kasama ko ulit yung mga kasama ko sa Second Sight 15. Sa Baraks kami bumili ng ticket dahil may araw na nagkataong nasa Boni Ave yung isang tropa. Salamat sa nag-asikaso sa’min. Nakalimutan na namin pangalan mo pasensya na! Ayun, pinili naming pumunta ng eksaktong 5PM para mapanood lahat ng battles.
Bandang 5:30PM nagsimula ang day 1 at 2 at parehas ding bandang 11:30PM natapos. Marami ang dumalo pero mas puno yung ikalawang araw. Siguro nabasa niyo na sa social media na mala B-Side daw yung dating ng day 2 at tama yun! Dahil sa dami ng tao ay ramdam na ramdam yung init hindi lang ng mga laban kundi pati ng venue. Ganunpaman, sobrang saya na experience yun.
Ayun, gaya ng ginawa ko sa nakaraang piyesa, hindi ko iisa-isahin ang lineup dahil ang dami ng battles. Ipapamahagi ko nalang yung mga highlights para sa’min. Paalala lang na ito ay opinyon ko at ng tropa lamang kaya kung hindi ka sangayon, ‘wag ka na manggulo. Pwede mo naman ibigay ang sarili mong sa rebyu sa comments section. Hindi ko na papahabain pa ‘to. Game na…

Day 1:
Napaka lupit nung dalawang quarterfinal battles para sa Langit Lupa! Maliban sa mabangis na delivery, nagpalitan sila Baltz at Steven ng iskema, anggulo, at metapora na talagang tumatak! Sobrang dikit na laban at kung iba yung naging desisyon ng judges ay ayos lang din sa’min. Makasaysayan na style clash yung salpukan nila Blitzen at Johndelo. Rektahan yung atake ni Blitzen na may halong nakakamanghang tugmaan at syempre ang kanyang nakakasindak na pagbigkas. Kwelang jokes naman ang binanat ni Johndelo pero nagpakita rin ng mahuhusay na seryosohang linya sa huling round. Dikdikan din ‘to at kahit sino manalo ay hindi kami magrereklamo. Hindi kami pamilyar kayla Uno Mas at YV pero talagang bumilib kami sa materyal nila. Marami kaming narinig na kakaiba sa kanila at epektibong epektibo ang mga ‘to. Sayang lang dahil may isang nagstumble pero hindi pa rin maitatanggi na ibang lebel na bakbakan ‘to.
Sa indibidwal na performances, abangan niyo sila Fourth Tune at Nasha. Teknikal parehas pero may impluwensya ng street style si Fourth Tune habang imagery at agresyon naman ang hatid ni Nasha. Humanga din kami sa presensya nila. Para silang mga beterano magtanghal. Kung hater ka ni Mastafeat, tiyak na magbabago opinyon mo pag napanood mo laban niya sa Write Off Way. Preparado siya at muling lumitaw ang creativity niya sa mga konspeto at linya. Nagbalik ang Masterpito na naghasik ng lagim nung pandemic era!
Day 2:
Madalas namin nababasa ang pangalan nila Oxsmugg at Ozarugami pero dito namin sila unang napanood. Ang masasabi namin ay… IBANG KLASE! Ang lakas ng aura ni Ozarugami at complete package yung materyal niya na may kasamang napaka husay na flow. Sunod-sunod na haymaker din ang pinamalas ni Oxsmugg at walang duda na matalas ang delivery niya. Ang ingay namin sa labang ‘to. Ganyan sila katindi! Tuz vs MJC ang unang battle ng day 2 at kami’y napa WOW agad. Mas ma-flow at rhyme schemes si Tuz habang mas punchline at imagery-oriented si MJC. Nahirapan kaming mamili kung sino yung klarong panalo kaya hinayaan nalang namin. Ang mahalaga ay napanood namin itong duelo live! Pagod na ang lahat sa main event pero nagawa pa rin nila M Zhayt at Article Clipted na paingayin kaming mga nanonood. Top tier performance ang pinakita ni M Zhayt. Walang kupas ang well-rounded na atake niya at halos lahat ng suntok niya ay tumagos! Basta, kailangan niyo mapanood dahil masterclass talaga. Hindi naman nagpabata si Article Clipted. Nakakabilib pa rin ang kanyang imagery at ngayon ay masasabi na naming flawless ang pag balanse niya ng horrorcore, leftfield, at komedya. Pwedeng isa ito sa pinaka paborito naming pagtanghal niya.
Kung usapang indibidwal na performances naman, oo, ang lakas ni Diddle! Na-counter niya yung mga malakas na anggulo ng kalaban at mas lumupit pa yung pen game at presensya niya dito. Sa mga fans ng unang battle niya, tingin namin mas tumodo pa siya dito sa quarters. Mas solidong Caytriyu ang napanood namin sa day 2. Swak ang bawat konsepto at mahapdi ang binitawang punchlines! Na-dissect din niya ang stilo ng katunggali. Sa mga nag-aabang ng bentang komedya, para sa’min ay epektibo ang pinakita ni Zantaza. Hindi lang nakakatawa kundi sobrang malikhain ng jokes niya at may konting impluwensya pa ng leftfield. Malaki ang tsansa na bebenta siya sa online crowd.
Sa totoo lang, wala talagang tapon sa day 2. Literal na lahat ay dapat mong mapanood. Sa mga hindi nanood live, pangako na hindi mo pagsisisihan ang paghintay sa YouTube. Posible ding mag-iba yung mga opinyon namin pag nilabas na ang videos ng mga laban. Ibig sabihin lang nun ay sulit ang lineup!
Konklusyon:
Matagal pa bago matapos ang 2026, pero kandidato na ang Write Off Way para sa’min sa pinaka matinding event ng taon. Sobrang daming gamechanger na battle at grabe yung pinakita ng mga sumali, lalo na yung nagrerepresenta ng bagong henerasyon. Maliwanag na maliwanag ang kinabukasan ng FlipTop pati buong battle rap sa Pilipinas. Saludo sa buong staff at syempre sa mga makatang nagpamalas ng kanilang talento. Aabangan namin ang susunod niyong pagsalang.