General

Langit Lupa 2026 Quarterfinals Fan Predictions

Malapit na ang quarterfinals ng Langit Lupa Tournament. Basahin ang mga prediksyon ng ilang fans.

Ned Castro
May 21, 2026


Ngayong taon, hindi lang Isabuhay ang sinusubaybayang torneo sa FlipTop, kundi pati ang Langit Lupa. Kung meron pang hindi updated, ang Langit Lupa ay isang single-elimination tournament kung sa’n magtatapat ang 16 na emcees mula sa 16 na underground na liga. Lahat ng mga laban para sa unang round ay ginanap nung ika-21 ng Marso sa Grain Assault 17. Simula palang ay ang dami na agad makasasayang nangyari at mukhang marami pang darating.

Gaganapin ang quarterfinals sa ika-23 at 24 ng Mayo sa Write Off Way. Ang venue ay sa Matchpoint Sports Bar & Events sa Shaw. Nagtanong kami sa ilang solidong fans ng liga kung ano kanilang mga prediksyon sa susunod na kabanata ng torneo. Hindi ito tungkol sa kung sino ang tingin nilang mananalo. Ito ay tungkol sa mga tingin nilang mangyayari. Magsimula na tayo…

Fan 1:
Malakas ang kutob ko na may isang underdog na magdodomina at aabante sa semis. Naniniwala talaga ako sa kasabihang “expect the unexpected” at ilang beses na nating nasaksihan ito sa larangan ng battle rap. Sa mga ganyan mas lalong gumaganda ang laro! Excited na akong mapanood ang quarters.

Fan 2:
Sa totoo lang, ayos lang sa’kin kahit sino manalo dahil lahat sila ay mahusay. Ang gusto ko lang makita ay kalidad na laban ay tingin ko’y ganun ang mangyayari sa susunod na round ng Langit Lupa. Yung napanood natin nung Grain Assault 17 ay prebyu palang. Sa Write Off Way mas titindihan pa ng walong emcees sigurado! Hindi na ako magugulat kung maging kandidato ang apat para sa battle of the night.

Fan 3:
Inaasahan kong merong linya, anggulo, round, o iskema na talagang tatatak sa bawat manonood. Ito yung mga tipong maaalala pa rin ng kahit sinong fan makalipas ang ilang taon o dekada. Dahil sa husay ng lineup, malaki ang posibilidad na ito ay mangyari at pwedeng bawat isa sa quarters ay makamit ‘to. Kaabang-abang ang gagawin ng mga emcees sa tournament!

Fan 4:
Meron ditong isang emcee na magpapakita ng kakaibang stilo na magiging “meta” sa mga darating na taon. Hindi ko alam kung sino eksakto pero may kutob lang ako. May rason kung bakit napili ang mga ‘to para sa sa tournament at dahil nasa FlipTop na sila, malamang ay hihigitan pa nila ang nakaraang performances nila. Galingan niyo mga tol! Excited na kami makita ang mga gagawin niyo.

Fan 5:
Quarterfinals palang pero hula ko ay dito na natin makikita ang klarong magkakampeon sa Langit Lupa. May isang rapper sa lineup na magbibigay ng sobrang lakas na performance at mas totodo pa siya sa semis at syempre sa finals. Kahit sino sa walo ay kayang gawin ‘to. Ganyan kalupit ang tingin ko sa mga kasali dito. Kung sino ka man, congrats na agad sa’yo! 

Fan 6:
Wala pang laban mula sa unang round ng LL na nagkaka milyon na views, pero sa quarters, tingin ko dito na mas dadami ang manonood. Mas may hype na ang mga emcees at dahil pangalawang round na ‘to ng torneo, asahan nating lalo pa nilang titindihan ang kanilang performances. Karapat-dapat naman para sa’kin na lumawak ang fanbase ng bawat isang kasali.

Wala ka pa bang ticket para sa Write Off Way? Magpada na ng mensahe sa opisyal na pahina ng FlipTop sa Facebook o bumili sa Baraks (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong). Pwede ka rin kumuha mula sa ating resellers. Sa mga meron na, magkita nalang tayo sa Sabado-Linggo. Matindi ‘to! Wag rin mahiyang ipamahagi ang inyong mga prediksyon sa comments section. 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT