Ano nga ba ang mga pangyayari sa pinaka unang Ahon? Tara at balikan natin.

Balik tayo sa taong 2010. Matagumpay ang unang dalawang events ng FlipTop, ang Grain Assault at Second Sight. Kahit sakto lang yung bilang ng mga pumunta, ramdam pa rin yung enerhiya ng crowd at syempre, yung husay ng emcees. Makalipas ang ilang linggo ay dun na nagsimula ang lehitimong pag-angat ng liga.
Nung una ay masaya na ang staff at artists sa 1,000 views, kaya laking gulat ng lahat nung umabot na bigla sa 100,000. Padami na nang padami ang sumusuporta at dahil diyan, kailangan ng selebrasyon. Dito nagsimula ang Ahon! Hindi lang ito battle event. Ito ay pagdiriwang din ng muling pag-angat ng Pinoy hip-hop. Ginanap ito nung ika-15 ng Mayo at ang venue ay sa Guerilla Radio sa Pasig. Siguro mga nasa 200 ang dumalo sa gabing ‘to. Hindi man kasing dami ng tao kumpara sa events ngayon, pero nung panahong ito ay punong-puno na yung lugar.

Dito natin nasaksihan ang makasaysayang salpukan nila Dello at Target. Ramdam yung talas ng bawat bara ni Target habang unpredictable na freestyle at sulat naman ang pinamalas ni Dello. Sobrang dikit ang laban at dito nagsimula ang kanilang karapat-dapat na pagsikat. Matagal nang respetado sila Loonie at Zaito sa underground, pero sa Ahon 15 ay mas pumutok pa ang kanilang pangalan. Bagama’t di isang daang porsyento si Zaito, nabigyan tayo ng prebyu ng kanyang kakaibang komedya at linyahan. Pinatunayan naman ni Loonie na siya ang Hari ng Tugma gamit ang kanyang hanep na multisyllabic rhyming at syempre, mga well-rounded na banatan.
Dahil nabansagan na si Batas na kontrabida ng FlipTop nung Second Sight, pinanindigan na niya ‘to sa Ahon 15. Unang salang naman ‘to ni Fuego sa Tagalog, kaya marami ang nag-aabang. Instant classic yung laban nila, at kita naman sa reaksyon ng crowd na epektibo ang mga linya, mapa brutal o komedya. Sayang lang at nagchoke si Abra laban kay NothingElse dahil baka mas maging classic kung dikdikan yung laban. Grabe yung imagery ni NothingElse pati sunod-sunod ang masasakit na punchlines niya habang malupitang tugmaan at creative na mga anggulo naman pinakita ni Abra. Sa Ahon 15 din nakita ang mga ‘di malilimutang debut nila Silencer, Apekz, Daddy Joe D, Verb, Juan Lazy, at Shehyee.
Hindi nagpahuli ang English Conference sa gabing ‘to. Hindi gaanong tumodo sila Ghandi at Sev pero may ilang mga linyang tumatak. May pagka leftfield ang banatan ni Ghandhi at may kakaibang jokes na dala si Sev (kahit konti lang ang mga linyang nabuga niya). Kahit hindi masyadong A-game si Josh G, mas nakapalag naman siya at mas maraming linyang tumatak. Ibang usapan naman kay Skarm. Preparado siya at mabisa ang mga teknikal na linayahan niya. Yung duelo nila Plazma at Tim yung pinaka bakbakan sa English sa Ahon 15. Litaw na agad yung solidong horrorcore na stilo ni Plazma tapos mas street at punchline-oriented naman si Tim. Isang matinding style clash ang nakita natin dito.
Halos lahat ng battles ay naging trending nung nilabas sa YouTube. Tamang tama na Ahon yung naging pamagat. Simula nun ay naging parte na ang FlipTop sa mundo ng pop culture sa Pilipinas. Hindi lang mga hip-hop ang nakikinig at nanonood, kundi pati mga outsider. Mas nabigyan exposure din ang musika at dahil diyan ay maraming naglabas ng albums at nag-organisa ng gigs. Buhay na buhay ang lokal na hip-hop at hindi na ‘to bumagal!
WATCH: Ahon
Balik naman tayo sa kasalukuyan. Ngayong Sabado at Linggo ay gaganapin ang Write Off Way. Parehong buwan itong ng unang Ahon, at sakto na unang kabanata ito ng event tapos small room set up pa. Mukhang magiging makasaysyan na okasyon ulit ‘to, kaya kung wala ka pang ticket, bumili ka na! Sa mga nakapunta sa unang Ahon, kwento niyo yung karanasan niyo sa comments section.