Aming ibibigay ang depinisyon ng ilang mga salita na madalas mong naririnig sa FlipTop.

Bilang isang fan ng FlipTop, bago man o luma, siguradong may mga salita na dito mo unang narinig. Pwedeng galing ito sa battles mismo o kaya sa mga hurado pati diskusyon ng mga kapwa tagahanga sa social media. Kung hindi mo pa alam ang kahulugan ng mga ito, kami ang bahala sa’yo! Eto ang opisyal na depinisyon ng ilang mga sikat na termino sa liga. Ika-14 na pala ‘to, kaya sa mga hindi pa nababasa yung mga nakaraang kabanata, I-click mo lang ‘to.
Apoy
Malamang ilang beses mo na narinig ‘to kahit sa labas ng battle rap. Kapag sinabing apoy, ang ibig sabihin nun ay malupit. Kaya kung sasabihing purong apoy ang isang battle o kanta, matindi ang maririnig mo mula umpisa hanggang wakas. Iba-iba ang storya kung ano mismo ang inspirasyon sa termino na ‘to bilang slang pero ito ay nanggaling sa kultura ng hip-hop bago pa lumaki ang battle rap.
Isabuhay
Para ‘to sa mga kakatuklas palang ng FlipTop. Siguradong isa ito sa mga unang salita na narinig mo dito. Ano nga ba ang Isabuhay? Mula 2013, ito ang one-on-one, single-elimination tournament ng liga. Buong taon ‘to gaganapin at sa Ahon ang finals. Si Katana ang pinaka huling nagkampeon dito. Ngayong taon naman ay nasa quarterfinals na tayo ng paligsahan. Abangan ang mga laban sa Zoning 22.

Overtime / OT
Nung unang taon ng FlipTop, kapag may laban na sobrang dikdikan, may option ang hurado na mag-deklara ng isa pang round upang malaman ang klarong panalo. Ang tawag dito ay overtime o OT. Ngayon naman ay nag-iba na ang kahulugan sa larangan ng battle rap. Ito ay yung paglagpas sa time limit ng isang laban. Kung dalawang minuto ang isang round tapos yung berso mo ay dalawang minuto at tatlumpu’t segundo, OT / overtime ka na niyan.
Dos Por Dos
Kung ang Isabuhay ay one-on-one, ito naman ang torneo para sa two-on-two battles. Nagsimula ang Dos Por Dos nung 2012 at ito ay single elimination din. Sila Atoms at Cygnus ang huling pares na nagkampeon pagkatapos talunin sila Caspher at Hespero sa Ahon 15 (2024). Ayon kay Anygma, dahil mas maraming emcees ang kailangan, mas mahirap ‘to buoin, kaya hindi naging taon-taon. Ganunpaman, sana magkaroon sa 2027! Kahit walang torneo ay ito na ang naging termino sa anumang two-on-two na duelo sa FlipTop.

Reach
Ang tagalog ng reach ay abot. Sa battle rap, pag may linya o iskema na masyadong pilit ang pagka teknikal o lalim para maabot ang mensahe, yun ang tinatawag na reach. Ito yung pagbuo ng metapora kahit malayo ang ugnayan para lang magtunog kakaiba. Madalas ito ang nagiging mga biktima ng style mocking.
Top-tier
Sa emcees, pag sinabing top-tier ka, ikaw ang isa sa pinaka malakas. Ang top sa Tagalog ay itaas habang tier naman ay ranggo o lebel. Sa usapang mga bara, kung may humirit na top-tier ang materyal mo, ibig sabihin ay pang malakasan yung bitaw mo. Sino yung mga tingin mong top-tier emcees sa FlipTop? Sabihin mo lang sa comments.

Kung sa tingin mo ay meron kaming nakalimutan, wag ka mag-alala. Magkakaroon pa ito ng kasunod, kaya abang-abang nalang. Kung may mga salita ka din na mairerekumenda, pakilagay nalang din sa comments section at sisiguraduhin naming kasama ito sa susunod. Salamat sa pagbasa at magkita-kita tayo sa mga darating na events. FlipTop, mag-ingay isa pang beses o!