Zoning 22 ang susunod na FlipTop event! Ipapaliwanag namin kung bakit exciting ‘to.

Bago ang lahat, napaka lupit nung Write Off Way! Dalawang gabi ng matinding palitan ng mga bagong henerasyon ng FlipTop emcees pati mga underrated na beterano. Kung hindi mo napanood live, pangako na hindi ka mabibigo kapag naupload na sa video yung mga laban. Dahil sa small room set up ay parang bumalik tayo sa mga unang taon ng liga. Ayon kay Anygma ay magkakaroon daw ito ng kasunod kaya abang nalang tayo. Nakakaexcite!
Ngayon, paguusapan naman natin yung susunod na event ng liga: ang Zoning 22. Gaganapin ito sa ika-4 ng Hulyo 2026 at muling babalik ang FlipTop sa Metrotent sa Pasig. Sa big stage ulit tayo at dahil diyan, asahan niyong pang big stage ang mga laban sa lineup. Aming ipapaliwanag sa inyo kung bakit hindi mo ‘to dapat palagpasin. Mag-ipon ka na para sa tickets ngayon palang.
Dito mangyayari ang quarterfinals ng Isabuhay 2026. Tignan mo naman yung battles para sa torneo. Lahat ay unpredictable at may tsansang maging mga kandidato para sa battle of the year. Merong mga style clash at merong salpukan ng mga teknikal na linyahan. Ang lulupit ng mga pinakita ng kasaling emcees sa unang round kaya asahan niyong hihigitan pa nila yan. Sino ang mga tingin niyong aabante sa semis? Sino ang magbibigay ng pinaka matinding performance? Anong laban ang magiging sobrang dikdikan? Pagusapan natin yang mga yan sa comments section.
Nandiyan din ang apat na non-tournament matchups na sa tingin ko ay talagang kaabang-abang. Humanda sa solidong letrahan at posibleng rambulan ng kalidad na freestyle sa M Zhayt vs Saint Ice. Mukhang gugulatin tayo nila Batang Rebelde at 3rdy at baka mapabilang pa sila sa usapang battle of the night. Siguradong maraming mga linya at anggulo na tatatak sa Towpher vs K-Ram, kaya goodluck kay Anygma! Asahan niyong marami tayong maririnig na bago at syempre, mawawasak ang entablado sa digmaan nila Dave Denver at Jamy Sykes. Walong battles sa isang gabi. Solb na solb talaga!
Ayun, gaya ng sabi ko sa taas, balik big stage na naman ang FlipTop. Sa loob ng halos dalawang taon ay napaka rami na agad mga makasaysayang nangyari sa Metrotent. Para ka na ring nanonood ng Ahon sa ganitong set up. Malawak ang venue at maganda ang daloy ng hangin. Hindi ka lang mag-eenjoy sa mga battle; sobrang komportable pa ng lugar.
Sa mga unang beses manonood live, tuwing break ay tutugtog ang alamat na si DJ Supreme Fist. Tiyak na marami kang maririnig na mga obra sa Pinoy hip-hop, pero maliban diyan, masasaksihan mo pa ang sining ng turntablism. Isa ang DJing sa apat na pangunahing elemento ng hip-hop.

Ang presyo ng pre-sale tickets ay 1,200 pesos (GenAd), 1,500 pesos (VIP), at 1,800 pesos (SVIP). Eto naman para sa walk-in: 1,800 pesos (GenAd), 2,100 pesos (VIP), at 2,400 pesos (SVIP). May kasamang isang libreng FlipTop Beer ang bawat ticket. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook o bumisita sa Baraks (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong) para bumili. Abangan din ang announcement tungkol sa mga reseller. Ilalabas naman ang opisyal na pre-event review sa susunod na linggo. Sa mga nakabili na ng tickets, kita-kits tayo sa Zoning 22!