Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Ahon 16 (Day 2)

Malapit na ang Ahon 16! Talakayin naman natin yung matitinding mga laban sa day 2.

Anonymous Staff
December 10, 2025


Ilang araw nalang at Ahon 16 na. Kung bagong fan ka lang ng FlipTop, ang Ahon ay tinuturing na isa sa pinaka malaking events ng liga. Dito magtatapat ang mga “best of the best” ng taon, kasama na syempre ang finals ng Isabuhay Tournament. Sa The Tent sa Las Pinas ulit ang venue. 3PM ay magpapasok na sila habang 5PM naman ang simula ng programa.

Napagusapan na natin yung malupit na lineup ng day 1 kaya ngayon, talakayin naman natin yung kaabang-abang din na battles sa day 2. Syempre, nandiyan ang finals ng torneo pati pito pang laban na hindi dapat palampasin. Simulan na natin…

GL vs Poison13
Grabeng matchup ‘to! Pangalawang battle ni GL sa Ahon 16 at kung napanood niyo yung Bwelta Balentong 12, alam niyo na kung pa’no niya nadomina yun. Ayon kay Anygma ay si GL ang humingi nito kaya mukhang todo ang paghahanda niya dito. Bagama’t sunod-sunod ang malalakas na performance niya sa liga, maituturing na underrated pa rin si Poison13. Ito na ang pagkakataon niyang patunayan sa lahat na siya ay top-tier emcee. Sobrang epektibo ng kanilang teknikalan, rhyme schemes, pati mga konsepto at laging isang daang porsyento sila sa pag-tanghal. Nakakaexcite!

Lhipkram vs Katana
Ito na! Ang finals ng Isabuhay 2025 Tournament. Gaya nung nakaraang taon, sobrang unpredictable din nito dahil malakas ang nakaraang performances nila at epektibo lagi ang kanilang stilo. Sila Lhipkrama at Katana yung kayang kaya paghaluin ang teknikalan, brutalan, at katatawanan nang hindi nawawala ang kumpyansa. Maaaring mas lamang si Lhipkram sa style breakdown habang sa mga kakaibang anggulo naman si Katana. Pantay naman sila pagdating sa presensya pero dahil madalas may pinapakitang bago ang mga ‘to, mahirap talaga sabihin ang mga posibleng mangyayari. Ang sigurado lang dito ay dikdikan ‘to!

EJ Power vs Vitrum
Brutal na matchup ba ang hanap niyo sa Ahon 16? Pwes, para sa inyo ‘to! Itong EJ Power vs Vitrum ay laban ng mga walang awa pagdating sa magagaspang na mga linya at konsepto. Walang duda din na ang tindi ng Isabuhay run nila nung nakaraang taon. Asahan niyong mas lalakasan pa nila dito. Kilala sila sa kanilang creativity kaya malaki ang tsansa na marami tayong maririnig ng mga panibagong konsepto. Syempre, hindi mawawala dito ang dark humor. Para sa mga sensitibo, bawal sa inyo ‘to!

Sayadd vs Zend Luke
Marami rin ang nag-aabang nito! Sayadd vs Zend Luke ay labanan ng dalawang may nakakasindak na pag-bigkas at syempre, matalas na lirisismo. Dito magkakaalaman kung sino ang pinuno ngayon ng leftfield na stilo. Galing sa napaka tindi na panalo si Zend Luke kaya malamang ay mas totodo pa siya dito. Yung kalaban naman ay bumalik sa kanyang katauhan pagkatapos maging Carlito sa Isabuhay, at dahil diyan, siguradong gusto niyang mag-iwan muli ng marka bilang Sayadd. Exciting ‘tong laban na ‘to grabe!

Cripli vs Zaki
Unpredictable na laban at tiyak magpapaingay ng venue! Kaabang-abang ‘tong CripLi vs Zaki dahil malupit sila sa well-rounded na pen game at talagang creative ang kanilang mga konsepto. Pagdating naman sa performance, ramdam mo lagi ang kanilang kumpyansa sa bawat linya. Bagama’t talo sila sa huling mga laban nila, marami pa rin ang bumilib sa kanilang mga pinakita nun. Asahan niyo na mas lalo pa nilang gagalingan dito at makakakita tayong ng dikit na laban mula umpisa hanggang dulo. 

Saint Ice vs Ban
Digmaan ng mga Semifinalists ng Isabuhay! Hindi man sila pinalad sa torneo, walang duda na ang tindi pa rin ng pinakita nila Saint Ice at Ban. Kung usapang stilo, parehas silang kayang balansehin ang jokes, rektahan, at purong lirikalan. Isama mo pa yung skills nila sa written at freestyle. Ramdam na ramdam naman ang kanilang agresyon kapag nagtatanghal sa entablado. Sa totoo lang, kung A-game silang dalawa sa Ahon 16, mukhang mahihirapan ang mga hurado dito at baka maging BOTY candidate din.  

K-Ram vs Empithri
Dalawang kasalukuyang mga paborito ni Anygma sa liga ang magtatapat sa Ahon 16! Mabangis na style clash itong K-Ram vs Empithri. Mas sa jokes nakatutok si K-Ram habang sa teknikalan naman si Empithri. Ganunpaman, ilang beses din nilang pinatunayan na mahusay sila sa pag-balanse ng iba’t ibang stilo. Parehas pang hindi nawawalan ng kumpyansa sa entablado kaya kung wala sa kanilang magpapabaya, makakaasa kayo ng dikdikan na matchup. Ang matalo ay tanggal na ba sa liga? Nakay Anygma ang desisyon!

Shaboy vs Yuniko vs Article Clipted vs CRhyme vs Jawz
Oo, may royal rumble din sa day 2! Limang emees na may iba’t ibang stilo ang maglalaban dito. Nandiyan ang kakaiba at bentang jokes nila CRhyme at ang undefeated na si Shaboy. Para sa mga fans ng agresibong teknikalan, hinding hindi kayo bibiguin nila Yuniko at Jawz. Si Article Clipted naman ang nagrerepresenta ng solidong horrorcore at leftfield. Mula dati, laging exciting ang Royal Rumble kaya kung ito nga ang unang laban ng day 2, siguradong wasak agad ang venue!

READ ALSO: Let’s Take It Back: The Very First Ahon Event

Para sa pre-sale tickets, ang presyo ng SVIP ay 3400 pesos para sa 2 days at 1900 pesos naman para sa 1 day. Sa VIP, 2400 pesos ang 2 days at 1500 pesos ang 1 day. Sa GenAd, 1600 pesos ang 2 days at 1000 pesos ang 1 day. Para naman sa walk-in, 2400 pesos ang SVIP, 2000 pesos ang VIP, at 1500 pesos ang GenAd. Paalala na malapit na maubos ang tickets. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook o bumili in-store sa Baraks (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong). Maglalabas ng din ng limited slots para sa walk-in kaya paunahan nalang. Mainam na pumunta ako ng mas maaga kung ito ang nais niyo bilhin. 

Meron din tayong mga opisyal na resellers. I-click lang ang link na ‘to para sa kumpletong listahan. Iaanunsyo rin nila kung meron silang restock pag nagkaubusan. Sa mga nakabili na, magkita nalang tayo sa Disyembre 13 at 14, 2025. Hindi lang ‘to battle rap event, ito ay selebrasyon din ng patuloy na pag angat ng hip-hop sa Pilipinas. Sama-sama tayong maging parte ng kasaysayan. Ahon 16, mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT