Tapos na ang Ahon 16! Eto ang kwento ng isang fan na nanood live.

Unang beses kong makapanood ng FlipTop live nung Sabado at Linggo. Swerte ko dahil Ahon pa ‘to! Ba’t ngayon lang ako nakanood? Ngayong taon lang ako nakapag tapos ng kolehiyo at nung Oktubre lang ako nag-simula ng trabaho. Sa unang sweldo ko, nag-tabi agad ako para sa isa sa pinaka malaking event ng liga! Kasama ko ang mga tropa ko nung hayskul. Ang saya dahil hanggang ngayon ay tagahanga pa rin kami ng battle rap.
Sa sobrang excited namin ay 2PM palang nasa venue na kami (ganyang oras sa parehong araw). Ang dami na agad tao! Buti naman at nakapasok kami agad at nakakuha ng magandang pwesto. Nga pala, bumili kami ng tickets sa Baraks mismo dahil malapit lang kami dito. SVIP ang nabili namin. Hindi man kami malapit sa stage, kitang kita pa rin naman. Bandang 5PM ay pumunta na si Anygma sa entablado para sa introduksyon at iba pang mga paalala. Pagtapos nun ay rekta na agad sa mga duelo. Hindi na naming iisa-isahin pa yung nasa lineup. Para sa piyesang ‘to, ipapamamahagi nalang namin yung mga laban at inidibwal na performances na tumatak sa’min. Paalala lang na ito ay opinyon namin, kaya wag ka magalit kung hindi ka sangayon. Pwede ka rin naman magbigay ng review sa comments section. Simulan na natin ‘to!
Day 1:
Hindi kami binigo nila Mhot at Tipsy D! Grabe yun! Buong battle nakatutok kami sa bawat bara at talagang todo react kami sa punchlines. Halong “real talk” at teknikalan yung palitan nila at kahit nag-choke sila nang konti ay agad naman nilang nabawi. Basta, ang lakas talaga. Marami ring napakitang bago at ramdam na ramdam yung talas ng delivery nila. Tingin namin pagdedebatihan yung resulta pag lumabas na yung video. Sangayon naman kami sa naging desisyon ng hurado pero ‘di rin kami magrereklamo kung iba yung napiling panalo.
Pwedeng tie ang M Zhayt vs Ruffian sa Tipsy D vs Mhot para sa battle of the night. Masasabi namin na ito ang pinaka malakas na pinakita nila M Zhayt at Ruffian sa FlipTop. Sobrang solido ng well-rounded nilang materyal at grabe yung pinakita nilang agresyon sa entablado. Akala nga namin na magiging draw ‘to dahil sobrang lupit nila mula una hanggang ikatlong round. Gaya ng Tipsy vs Mhot, mukhang magiging diskusyon din yung resulta nito. Ang importante ay panalo tayong lahat!
Patok na patok sa’min yung ginawa ni Dodong Saypa sa laban niya. Natural siyang komedyante at marami siyang mga binitawang kakaiba! Aabangan namin siya sa 2026. Ibang klaseng Bisente din yung napanood namin. Mabigat na pen game, hanep na aura, at delivery na matalas ang kanyang pinamalas. Ayos naman yung Royal Rumble, pero ang tumatak talaga sa’min ay sila GL, 3rdy, at Keelan. Tumdo sila sa kani-kanilang stilo at ‘di namin napigilang mag-react nang malakas sa haymakers nila.
Isa pang saludo kay Anygma para sa pag-anyaya sa lahat ng nasa venue na isigaw ang ikulong na ang mga kurakot. Laking tuwa namin dahil bawat isang nakita namin ay sumigaw. Ramdam yung galit ng taong bayan. Ituloy lang natin ‘to hanggang sa managot ang mga sangkot.
Day 2:
Dikdikan yung finals ng Isabuhay 2025! Nanatiling epektibo ang presensya ni Lhipkram at para sa’min ay tumalab ang mga bara niya. Balanseng stilo ang pinakita niya at consistent siya hanggang ikatlong round. Creative ang atake ni Katana dito. Kadalasan ay magsisimula siyang kalmado tapos tatapusin niya ang bawat punchline sa pinaka agresibo na paraan. Maraming bago sa materyal niya at talagang unpredictable nito. SPOILER WARNING para sa mga ‘di nakapunta! Congratulations sa Isabuhay 2025 Champion na si Katana! Dalawang taon palang sa liga pero kampeon agad. Ang lupit nun!
Brutal yung EJ Power vs Vitrum! Ang daming mga linya at anggulo na nanggulat sa’min at inaasahan naming may mga ma-ti-trigger pag naupload ‘to. Ganunpaman, litaw na litaw pa rin ang mabigat na lirisismo at kalidad na performance mula sa dalawa. Sobrang dikit din nito at para sa’min ay draw ‘to. Maraming mga importanteng isyu ang napagusapan dito at mabisa ang dalawa sa pag-presenta ng kani-kanilang pananaw.
Natuwa kami sa nangyari sa Sayadd vs Zend Luke. Tumodo silang dalawa sa kaliwaang lirisismo at hanep pa rin talaga sila pagdating sa pagpinta ng mga imahe. May ilan pang kakaibang pakulo si Sayadd at bumanat ng konting komedya si Zend Luke. Parehas malupit at nirepresenta nila ang purong lirikalan habang nagpapakita ng bago. Saludo!
A-game na CripLi, Saint Ice, Shaboy, Poison13, at K-Ram ang nasaksihan namin sa Ahon 16 Day 2. Maaaring ito ang pinaka mabangis na performance nila ngayong taon. Total package at talagang nandun ang kumpyansa nila. Malakas na reaksyon namin ang prueba kung ga’no sila kabangis. Sana mag-Isabuhay sila sa 2026 at mag-tuloy-tuloy ang pag-angat nila.
Kailangan din namin banggitin dito ang supresang pag-tanghal ni Gloc-9. Bilang matagal na niyang fans, abot tenga ang ngiti namin. Kinanta niya yung “Upuan” at ‘di namin napigilang sumabay. Ibang klase pa rin talaga si Gloc pagdating sa entablado at syempre, nananatiling makapangyarihan yung mensage ng kanta. Mabuhay ka, sir!
Marahil sasabihin ng iba na mahina ang pinakita ng mga hindi namin binanggit pero mali yun. Kahanga-hanga pa rin ang pinakita nila. Yung mga nasa taas lang yung mas nakaiwan ng marka sa’min. Respeto pa rin sa lahat ng emcees. Salamat sa napakasaya na dalawang gabi.

Konklusyon:
Siguro dahil unang beses palang namin ‘to, pero ganunpaman, hinding hindi namin makakalimutan ang Ahon 16. Sobrang saya at totoo nga na iba pa rin pag live. Doble tuwa pa dahil marami kaming nakilala na mga bagong kaibigan at marami kaming pics kasama ang ilan sa mga idolo namin. Sa sariling FB na namin ipopost mga yan. Ayun, maraming, maraming salamat sa lahat ng mga nagtanghal at sa FlipTop staff para sa isa na namang makasaysayang Ahon. Salamat din nga pala kay DJ Supreme Fist syempre. Tuwing break ay nagpapatugtog siya ng mga malulupit na lokal na hip-hop. Marami kaming nadiskubreng artists dahil sa kanya. Mabuhay ang eksena natin! Advanced Merry Christmas na din sa inyong lahat.