Kumusta yung Zoning 19 nung Sabado? Eto ang kwento ng isang fan.
Ako yung sumulat nung rebyu ng Zoning 18 kaya salamat sa FlipTop staff sa pagbigay ulit sa’kin ng pagkakataon pagusapan yung 19. Sa TakeOver Lounge ulit yung venue at sinama namin yung iba pa naming tropa na casual fans. Sila yung hindi gaanong updated sa battles pero natutuwa naman sila pag nakakapanood sa YouTube. Unang beses nilang manood live nung Sabado. Dumating kami sa Pop Up (lugar kung saan yung TakeOver) mga 8 PM at dahil di pa nagsisimula yung event, nakipagkwentuhan muna kami sa kapwa fans at bumili ng merch. Medyo napagastos kami sa mga shirt pero sulit na sulit naman! Nakapagpapicture rin kami sa ilang emcees at astig dahil kahit sobrang marahas sila sa stage ay mabait naman sila pag hindi lumalaban.
Bandang 10 PM nagsimula ang programa. Oo, late pero naintindihan naman namin dahil umulan nang malakas. Muntik na nga bumaha sa Pop Up pero buti at hindi natuloy dahil humina na rin yung buhos bandang mga 9:30. Si M Zhayt nga pala ang nagsilbing host ng Zoning 19. Nandito pa rin si Anygma kaso wala pa siyang boses gawa daw ng malubhang sore throat. Sana magaling ka na ngayon, sir! Ayun, para sa’min, bumilib kami sa ginawa ni M Zhayt. Napakilala niya yung emcees nang maayos, klaro yung pagpapaliwanag niya ng mga patakaran, at nagawa din niyang mag-paingay ng crowd. Hindi lang siya mahusay na emcee kundi magaling na host din talaga.
Sa ngayon, ang masasabi naming battle of the night ng Zoning 19 ay yung Bisente vs Shaboy. Mahilig talaga kami sa style clash at ito ang magandang halimbawa nun. Solido ang dalawang emcees sa kani-kanilang style: yung kakaibang komedya ni Shaboy at ibang leben na teknikalan ni Bisente. Dikit ‘to para sa’min at di naman kami nag-reklamo sa naging resulta. Sana mas maunawaan pa ‘to pag naupload na. Jawz vs Lord Manuel yung pwedeng maging first runner-up. Grabe yung palitan dito! Mga epektibong wordplay at metaphors ni Jawz laban sa rektahang linyahan ni Lord Manuel. Parehas silang agresibo bumitaw at marami silang mga masasakit na barang binato. Lehitimong battle rap yung ginawa nila.
Andros vs Sensei yung tingin naming magiging patok pag inupload. Bentang benta yung mga jokes nila pero maliban diyan, magaling silang bumuo ng mga anggulo at marami kaming narinig na bagong konsepto mula sa kanila. Meron nga lang isang nawala nang ilang beses sa mga berso kaya malinaw yung nanalo. Bawi nalang sa susunod! BLZR vs Antonym yung pinaka underrated na laban para sa’min. Bumilib kami sa kanilang rhyme schemes pati pag-eksperimento ng iba-ibang stilo. Purong lirisismo tong laban na ‘to at may ilang linya na tingin namin ay mas magugustuhan ng tao pag na-upload na.
Halong teknikalan, brutalan, at katatawanan yung Atoms vs Sickreto. Sayang dahil may nag-stumble na isang emcee pero kung parehas handa, sobrang dikdikan sana nito. Ganunpaman, maraming mga linya dito na tiyak na mabibilib kayo, lalo na yung mga fans ng “bars”. Entertaining din nung CNine vs Cygnus! Maliban sa mabisang pagbalanse ng bars at jokes ay hanep din yung antics pati freestyle ability dito. Meron nga lang din nag-stumble kaya sayang! Kung parehas A-game mas magiging matindi ‘to. Dave Denver vs Supremo ang unang laban ng gabi at saludo sa kanila dahil nabuhayan agad kami. Bilang fan ng mga wordplay, tumatak sa’min yung mga binato nila. Nagustuhan din namin yung kakaiba nilang mga anggulo pati mga pinamalas na rhyme schemes.
Mga 1:30 AM natapos ang event. Yung mga tropa naming casual fans ay sobrang natuwa at pinangakong sasama ulit sa susunod. Gaya ng sinabi ko sa Zoning 18, kakaibang experience talaga ang small room battles. Masasabi naming kasing exciting ito ng mga malalaking event. Pag may ganitong klaseng setup ulit sa susunod, subukan niyong pumunta! Ang sarap din sa pakiramdam na mapanood ang susunod na henerasyon ng liga. Wag kayo maniwala sa mga naninira! Maraming bagong magaling ngayon. Taos pusong pasasalamat sa FlipTop emcees at sa staff para sa napakalupit ng Zoning 19! Asahan niyong mas susuportahan na namin ang pagnood live simula ngayon.