From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Unibersikulo 13 Experience

Kumusta yung Unibersikulo 13? Eto ang kwento ng isang fan.

Anonymous Battle Fan
July 22, 2025


Nung nakaraang Sabado (Hulyo 19, 2025) ay ginanap ang ika-13 Unibersikulo. Sa Metrotent Convention Center ulit ang venue at may walong laban sa lineup. Tatlo dito ay para sa Isabuhay 2025 Tournament. Pinagkasunduan namin ng tatlo kong tropa nung lumabas yung poster na manonood kami live kahit ano ang mangyari. Nagkita kami sa bahay mga bandang ala una ng hapon. Tambay muna saglit habang hinihintay humina yung ulan. Ayaw talaga namin ma-late kaya nung bandang 2:30 PM ay naisip namin na mag-Grab nalang kaysa mag bus. Buti at may na-book agad. Pagdating sa bandang Santolan ay ambon nalang yung panahon. Magandang senyales ‘to! Trapik kaya mga 4:15 PM na kami nakarating sa venue. Pagpasok namin sa Metrotent ay nagulat kami dahil kahit masama ang panahon ay ang dami pa rin tao. Tama nga yung sinabi ni Anygma sa FB niya na suspended yung bagyo dahil ang lakas ng FlipTop!

Sobrang na-excite kami nung sumalang na sa entablado ang nag-iisang presidente ng liga. Bwelta Balentong 11 pa yung huling napuntahan namin na event kaya talagang todo yung kasiyahan namin dito. Makalipas ang dalawang araw, sulit nga ba yung pagpunta namin? Makasaysayan ba ang Unibersikulo 13? Pagusapan natin yan.

Negho Gy vs CRhyme ang unang laban at masasabi naming magandang panimula ito! Umulan ng malulupit na wordplay, rhyme schemes, at anggulo tapos parang beterano na kung magtanghal ang dalawa. Aminado kami na di namin sila ga’no nasubaybayan sa Won Minutes, mga underground na liga, pati sa big stage ng FlipTop pero pagkatapos nito ay aabangan na namin ang sunod na mga laban nila. Oo, isa kami sa hindi natuwa sa ginawa nila Sirdeo at Shaboy nung Ahon 13, kaya mababa ang ekspektasyon namin dito. Handa na rin kami lumabas kung sakaling may gawin silang kalokohan ulit. Laking gulat namin nung iba ang pinakita nila. Syempre, nabanggit pa rin nang ilang beses yung laplapan pero ginawa nila ito sa creative at lirikal na paraan. Epektibo hindi lang ang kanilang jokes kundi pati ang mga seryosohang bara at konsepto nila. Wag palagpasin ‘to pag naupload na.

Intense ang naging duelo nila JDee at Yuniko! Malibas sa parehas silang agresibo, tumagos din ang kanilang materyal. Pinaghalo ulit ni JDee ang malupit na written at freestyle habang sa mabisang style breakdown at anggulo tumutok si Yuniko. Basta, solido ang pinakila nila at sangayon naman kami sa desisyon ng mga hurado. Isa yung Poison13 vs Batang Rebelde sa pinaka inaabangan naming laban sa Unibersikulo 13 at hindi kami nabigo. Muling lumabas ang husay nila sa teknikalan, rektahan, tugmaan, at pagbuo ng mga konsepto. Dikit para sa’min ‘to pero di naman kami nag-reklamo sa nanalo. Ang importante ay hanep yung pinamalas nila.

Nabasa mo na siguro sa socmed na Zaki vs Saint Ice ang battle of the night. Sangayon ba kami diyan? Isang malaking OO! Ito na siguro ang best performance ng dalawa sa liga. Sunod-sunod ang epektibong punchlines ni Zaki at ang tindi ng pagkakahulma niya ng mga anggulo. Syempre, nananatiling matalim ang delivery niya. Ibang lebel din ang pinaghalong teknikal at komedya ni Saint Ice pero maliban diyan, sobrang hanep yung freestyle ability niya na may kinalaman sa panahon (rinig kasi yung ulan sa loob ng venue). Basta, abangan niyo nalang sa video! Sobrang nag-wild kami sa ginawa niya. Hindi kami magugulat kung maging battle of the year din ‘to.

Carlito vs Katana ang pinaka underrated na battle para sa’min. Siguro dahil na-distract yung karamihan ng crowd sa lakas ng ulan. Tinutukan pa rin namin yung laban at grabe, bumilib kami sa creativity ng mga linya at yung pamamaraan ng atake nila. Binalanse nila ang leftfield at tradisyunal na letrahan at tumatak sa’min ang bawat round nila. Sana mas maraming makaunawa pag na-upload na. Ayos din yung palitan nila Lhipkram at K-Ram. Syempre, nandun yung solidong komedya, pero tumatak din sa’min yung ilang personals at teknikalan nila. Abangan niyo din yung pakulo sa LCD screen lol! Itong laban ay ang perpketong representasyon ng well-rounded na stilo.Ngayong nasa semis na tayo ng Isabuhay, magiging mas matindi pa ang labanan! Kaabang-abang!

Ang lakas ni Zaito… sa unang round. Maraming linyang tumatak at nagpatawa sa’min pero sa mga sumunod na round, dun na sya nawala nang ilang beses. GANUNPAMAN! Sobrang napahanga kami ni Manda Baliw. Sa tingin namin ito ang pinaka malakas na performance niya sa FlipTop. Oo, sobrang benta at orihinal ng jokes niya, pero tumatak din yung mga seryosong bara niya. Kung baga “kumpletong” Manda Baliw yung napanood namin dito. Medyo dumami haters niya nung nakaraan pero mukhang mababawasan pag napanood nila ‘to.

Pagkatapos ng event ay ang bumubuhos pa rin sa labas kaya naisip naming tumambay muna sa loob. Marami kaming nakilalang kapwa fans at gumawa na kami ng GC para sa susunod na event ay sabay-sabay na kami pumunta. Huwag mahiya manood live kahit mag-isa ka lang o konti lang kayo. Siguradong may makikilala kang mga bagong tropa. Swerte din namin at nagkaraoon kami ng pagkakataong magpa-picture kay Boss Anygma at ilang mga battle emcees. Ang babait nila! Bwelta Balentong 12 ang susunod na event ayon kay bossing. Susubukan namin pumunta dun dahil malamang malupit na naman ang lineup! Salamat FlipTop sa hindi malillimutang araw! Sa mga nanood din live, sana ligtas kayong nakauwi.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT