From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Langit Lupa Tournament

Ano ang masasabi ng isang solidong FlipTop fan sa Langit Lupa Tournament? Basahin natin!

Anonymous Battle Fan
March 05, 2026


Dalawa ang torneo sa FlipTop ngayong 2026. Isa na syempre ang laging inaabangan ng lahat na Isabuhay. Sobrang excited na kami ng mga tropa diyan! Sunod ay yung tinatawag na Langit Lupa. Nung unang inanunsyo ito ni Anygma ay wala talaga kaming ideya sa konspeto nito. Ang dami naming mga teoryang inambag sa comments pero mali lahat haha! Labing-anim na emcees mula sa labing-anim na mga underground na liga ang maglalaban sa isang single-elimination tournament na magtatapos sa Ahon 17. Kung hindi mga kampeon, pinili dito ang pinaka pambato ng mga liga. Nakipag ugnayan si Anygma sa mga presidente at/o kumakatawan ng mga organisasyon tungkol sa pagpili ng mga sasalang sa kompetisyon na ito. Gaya ng sinabi sa social media post, ito ay parang Olymics ng underground battle rap sa Pinas.

Aminado ako na hindi ako pamilyar sa mga liga pati rapper sa tournament. Nababasa ko lang na magagaling ang mga ‘to at karamihan ay karapat-dapat nang makalaban sa liga. Inaamin ko rin na nung una kong nalaman yung konsepto ng Langit Lupa ay hindi ako ganun ka-excited. Nung sinimulan ko na mag-research at manood ay dun ko mas naunawaan ito. 

Para sa mga tulad kong outsider, malupit ang Langit Lupa dahil sobrang unpredictable ng mga laban. Hindi mo gaano kilala ang mga kasali pero alam mong may skills ang bawat isa. Wala kang maituturing na pinaka “idol” at lahat sila ay pantay sa paningin mo. Pag nagsimula na ang battles, tiyak na mas magiging exciting lalo na pag dikdikan pa lahat. Ang saya manood ng mga ganun, ‘di ba?

Dito mo rin makikilala ang mga susunod na iidolohin sa FlipTop. Hindi ba’t ayos na ayos makakita ng ebolusyon ng isang rapper mula up-and-comer hanggang sa alamat? Halina’t samahan natin sila sa kanilang paglalakbay. Unang beses nilang sasalang sa entablado ng FlipTop, kaya asahan niyong totodo silang lahat dito. Malaki ang posibilidad na makarinig tayo ng mga bagong “meta” at paraan ng tugmaan. Kung wala kang ginagawa, maglaan ka ng oras para panoorin ang mga kasali sa torneo. Isang search lang sa YouTube at marami ka na agad makukuhang resulta. Mas ok yan kaysa punahin ang lineup dahil walang mga sikat. Magugulat kayo sa lirisismo ng mga ‘to. Sa mga pamilyar na sa kanila, magrekumenda pa kayo sa’min ng ibang battles o kanta sa comments section. 

Lahat ng first-round battles ay gaganapin sa Grain Assault 17 sa ika-21 ng Marso 2026. Ang venue ay sa Matchpoint Sports Bar & Events. Nanood kami live nung Zoning 20 at 21 at masasabi naming sobrang ganda nung lugar. Saktong sakto para sa small room na setup. Kahit small room ay malawak yung venue at masarap yung aircon. Kahit nasa pinaka likod ka ay maririnig mo ang mga binabanat ng emcees. Isa pa! Panalo yung pagkain nila! Pwedeng pang hapunan o pang pulutan habang ineenjoy ang malamig na baso FlipTop Beer. Para sa iba pang detalye tungkol sa event, basahin niyo nalang ang piyesa na ‘to. Sa mga may tickets na, kitakits sa Grain Assault 17 at sama-sama tayong maging parte ng kasaysayan.

Related Topics:
FlipTop Langit Lupa battle rap


MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT