General

Kahulugan Ng Mga Sikat Na Termino Sa FlipTop (Part 11)

Malamang narinig mo na ‘to sa battle, judging, o usapan ng fans. Eto ang kahulugan ng ilan sa mga sikat na salita sa FlipTop

Ned Castro
July 17, 2025


Higit labinlimang taon na ang FlipTop at dahil diyan, maliban sa mga battles at emcees, ang dami na ring mga termino na nauso. Sa mga bagong fans ng liga, hayaan niyo kaming ipaalam sa inyo kung ano ang tunay na kahulugan ng mga ‘to. Siguradong narinig mo na ang mga ‘to hindi lang sa mga laban kundi sa judging pati usapan ng kapwa fans. Mag-simula na tayo! Ika-11 na parte na nga pala ‘to, kaya kung hindi mo pa nababasa yung iba, I-seach mo lang sila dito sa website.
 
Offbeat

Ilang beses na rin ‘tong naggamit na anggulo. Pag sinabing offbeat sa rap, simple lang ang depinisyon nito: ito yung rapper na hindi masabayan ang tunog o beat ng kanta. Pwedeng nabibitin o lumalagpas siya sa metro. Kung ikukumpara sa sayaw, ito ay kapag naliligaw sa steps ang dancer. Nagkaroon na rin ng mga maling akala tungkol dito, gaya ng pagiging offbeat ng isang emcee na mala “spoken word” o “leftfield” bumanat. Basta pasok pa rin sa bilang at palo ng musika, tugma pa rin ‘to sa instrumental kahit kakaiba o hindi gaanong ma-tono yung pagbitaw.

Longevity

Kapag may rapper na hindi tumigil sa pag-rap kahit ang tagal na niya sa eksena o may kaedaran na, yun ang tinatawag na longevity. Dito mo masusukat ang pagmamahal ng isang artist sa kulturang ginagalawan niya. Kabaliktaran nito yung mga hihinto agad kapag hindi makamit ang kasikatan o hindi agad makakatikim ng kayamanan. 

Self-deprecating / self-deprecation

Isa itong uri ng komedya kung saan gagamitin ng emcee ang kanyang sariling kahinaan para sa katatawanan. Pwedeng ikonekta pa rin niya ‘to sa kalaban o kaya naman para gawing walang bisa ang anumang ibabato sa kanya. Kunyari yung emcee ay nag-choke sa nakaraan niyang battle, gagawin niya ‘tong anggulo at gagawa ng mga creative na joke tungkol dito. Yan ang perpektong halimbawa ng pagiging self-deprecating.

Old God

Unang sumikat ang terminong ito nung binanggit ni GL sa laban niya kay Sayadd. Ano nga ba ang kahulugan nito? Ito yung beterano na nag-iwan ng permanenteng marka sa eksena at maaaring lagpas na sa battle rap ang naabot ng kanyang impluwensya. Tandaan na hindi porket matagal na sa larangan ay Old God na agad. Kailangan malaki ang naiambag mo sa kasaysayan bago ka matawag na ganito.

Game changer

Ito yung emcee na may pinamalas na stilo o kaya konsepto na hindi lang tumatak, kundi nag-impluwensya ng marami. Pagdating naman sa mismong battle, ito yung mga laban na sobrang classic na kahit ilang taon na ang nakalipas ay pinaguusapan pa rin at nagsisilbing pamantayan ng eksena. Sa madaling salita, literal na binago nila ang laro kaya game changer!

Smurf account

Nauso yung termino na ‘to nung nakaraang taon pagkatapos tayong gulatin nila Carlito at Everready sa Won Minutes. Kapag sinabing smurf account, eto yung mga bigating emcees na gumamit ng “alter ego” sa isang event na kadalasan ay small room. Ginawa nila ito para sumalang ulit sa isang minutong rounds na laban o kaya bilang surpresa para sa mga suportang tunay na nanood live. Nakailang smurf accounts na ang ating nasaksihan natin at siguradong dadami pa ‘to.

Malamang ay may mga salitang hindi namin nasama dito. Pakilista nalang sa comments section kung ano-ano ang mga ‘to para mailagay namin sa part 12. Salamat sa pagbasa at ipasa niyo rin ‘to sa ibang mga tagahanga na maaaring hindi pa alam ang kahulugan ng mga terminong nabanggit. Kita-kits nalang sa susunod na event!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT