Malapit na ang Bwelta Balentong 12. Pagusapan natin ang malupit na mga laban!
Sa ika-20 ng Setyembre 2025 ay gaganapin ang pinaka hihintay na Bwelta Balentong 12. Ang venue ay sa Metrotent Convention Center sa Pasig ulit. Merong walong laban dito, kasama yung dalawa para sa Isabuhay 2025 Semifinals. Sa sobrang lakas ng lineup ay nag-viral agad yung poster nung nilabas sa social media!
May ilang linggo pa bago ng paligsahan kaya habang naghihintay tayo, pagusapan muna natin ngayon yung matitinding laban. Ipamahagi niyo rin sa comments section ang inyong mga prediksyon. Talagang kaabang-abang ‘to. Simulan na natin…
GL vs Hazky
Syempre, hindi mawawala ang solidong style clash sa FlipTop event. Parehas galing sa panalo kaya malamang ay mas ganado pa sila dito. Kilala si Hazky sa kanyang kakaibang komedya pero sinisigurado rin niya na may ihahalo siyang mabibigat na linayahan. Si GL naman ay bihasa sa teknikalan at nananatiling epektibo ang kanyang mga “concept-based” rounds. Kung A-game parehas, tiyak dikdikan ‘to! Makakaasa rin kayo ng mga bagong pakulo lalo’t grabe sa creativity ang dalawang ‘to.
GL vs Ruffian
Isa pang laban para sa Isabuhay 2024 Champion na si GL. Dito naman ay mas hawig niya ang stilo ng makakalaban niya. Galing din sa panalo pati sa dalawang magkaunod na kandidato para sa battle of the year ‘tong si Ruffian. Malamang ay gusto niyang umangat pa at eto ang kanyang pagkakataon. Sa mga fans ng purong lirisismo, hindi kayo mabibigo dito. Wag na rin kayo magulat kapag maging kandidto ‘to para sa BOTY. Humanda sa sunod-sunod na haymakers, wordplay, metaphors, at references.
Lhipkram vs Ban
Isa sa dalawang battle para sa Isabuhay 2025 Semifinals. Kontrobersyal ang duelo ni Ban nung quarterfinals pero ganunpaman, kitang kita yung improvement ng kanyang sulat at presensya. Beterano ang makakatapat niya sa Bwelta Balentong 12 kaya dapat higitan pa nya lalo ang nakaraang performances niya. Naranasan na ni Lhipkram maging finalist sa torneo (2020) at talagang nag-halimaw siya dun kaya walang duda na lamang siya sa experience. Parehas bihasa sa well-rounded na stilo at laging sagad pag nagtatanghal sa entablado. Pwedeng maging sobrang dikdikan ito lalo na kapag tumodo ang dalawa.
Katana vs Saint Ice
Para sa Isabuhay 2025 Semifinals din ‘to! Grabe yung pinagdaanan nila Katana at Saint Ice sa tournament. Nalagpasan nila ang malalakas na kalaban at patuloy nilang inaangat ang kalidad ng kanilang lirisismo at performance. Sa Bwelta Balentong 12, garantisadong mas titindihan pa nila. Parehas solido sa teknikalan, komedya, at rektahan at laging creative ang mga konsepto nila. Nandyan pa ang halimaw na freestyle ability ni Saint Ice at mga unpredictable na iskema ni Katana. Mukhang mag-iingay din ang crowd dito.
M Zhayt vs Empithri
Laban ng Isabuhay 2020 Champ (M Zhayt) at isa sa malupit na nagrerepresenta ng bagong henerasyon ng liga (Empithri). Walang duda na “complete package” emcee ‘tong si M Zhayt. Kayang kaya niyang balansehin ang katatawanan at purong lirikalan at ramdam na ramdam mo yung pagbitaw niya ng bawat punchline. Kung mahihigitan pa niya yung mga dati niyang pagtanghal, malaki ang tsansa na sa kanya ‘to. Si Empithri naman ay lalo pang lumalakas sa teknikalan at nananatiling mabangis ang reference game niya. Kung mas magiging agresibo pa ang kanyang delivery, maaaring makakita tayo ng upset. Abangan niyo ‘to!
Pistolero vs Invictus
Mukhang matindihan ‘to! Sino ang hindi ma-eexcite sa Isabuhay 2022 Champ (Pistolero) vs Isabuhay 2023 Champ (Invictus)? Mas direkta ang mga atake ni Pistolero habang mas teknikal naman si Invictus. Nagkakaparehas naman sila sa bigat at pagkabrutal ng mga linya pati sa grabeng agresyon sa entablado. Lagi pa silang handa pagdating sa laban at may hindi maitatangging freestyle ability. Posibleng posible ‘to maging battle of the night o baka the year pa nga. Goodluck judges!
J-Blaque vs SlockOne
Eto naman ang salpukan ng Isabuhay 2021 Champion (J-Blaque) at Isabuhay 2024 Semifinalist (SlockOne). Hindi mapagkakaila na sobrang lupit ng kanilang performance sa torneo. Kayang kaya nilang bumanat ng teknikalan at mabibigat na bara pero kung kailangan haluan ng patok na komedya ay asahan niyong kalidad din ang mga ipapamalas nila. Isama mo pa yung kumpyansa nila sa entablado at mabisang mga anggulo. Kung walang magpapabaya sa kanila, siguradong magiging sulit ang ticket mo dito.
Jonas vs Frooz
Unang laban palang pero mga bigating pangalan agad. Laging benta sila Jonas at Frooz pagdating sa komedya pero pumapalag din kung kailangan magseryoso. Maaaring lamang nang konti si Frooz sa multisyllabic rhymes habang sa sunod-sunod na punchlines naman si Jonas. Ganunpaman, siguradong unpredictable ‘tong salpukan na ‘to dahil creative lagi ang materyal ng dalawa at matindi rin ang skills sa freestyle. Asahan niyong iingay agad ang Metrotent sa mga ipapakita nila. Huwag kayong malalate, ha?
Eto ang presyo ng pre-sale tickets: 1800 (SVIP), 1500 (VIP), at 1000 (GenAd). Para naman sa walk-in, 2300 (SVIP), 2000 (VIP), at 1500 (GenAd). Bawat isa ay may kasamang isang libreng FlipTop Beer. Mag-PM sa pahina ng FlipTop sa Facebook kung nais mong bumili ng pre-sale. Pinost rin nila diyan ang lahat ng mga opisyal na ticket resellers. Bili na bago pa magkaubusan.
Paalala lang na 3PM ay magpapapasok na sila sa venue tapos 5PM magsisimula ang programa. Sana ay makita namin kayong lahat sa Setyembre 20! Siguradong makasaysayan na event na naman ‘to. Bwelta Balentong 12, mag-ingay!