Pumunta ‘tong fan sa Zoning 18. Eto ang kwento niya tungkol sa event.
Zoning 18 ang unang beses kong nakaranas ng sinasabing “small room” event. Ang mga napuntahan ko kasi dati ay yung mga sa Tiu Theater pati sa The Tent. Inaaamin ko na nung una ay hindi ako pamilyar sa mga kasali sa lineup at hindi ako updated sa Won Minutes. Naisip ko lang pati ng mga tropa na pumunta sa Zoning 18 dahil malapit lang samin yung venue na TakeOver Lounge. Literal na ilang segundo na lakad lang nandun na kami. Sulit ba yung pagpunta namin dito?
Dumating kami bandang 7:30 PM. Akala namin late na kami pero buti di pa pala nagsisimula. Pagpasok namin sa TakeOver, tamang shot muna ng FlipTop Beer. UMPH Ale pa rin yung pinaka paborito namin. Swabe lang! Mga bandang 8:30 PM nung umakyat na si Anygma sa stage para sa introduction. Masasabi namin na maraming taong pumunta pero di naman sobrang sikip. Komportable pa rin kami at dama pa rin namin yung lamig ng aircon hehe! Nagulat din kami na may mga kabatch kami na pumunta. Na-curious daw kasi sila. Ayun, pagusapan na natin yung mga laban!
Siguro may ilan sa inyong nakabasa sa FB na sobrang lupit daw nung Ruffian vs JDee. Ang masasabi namin, OO! Kandidato ba siya para sa battle of the year? Walang duda! Hindi lang malupit na sulatan pati nakakasindak na presensya ang pinakita nila kundi pati hanep na freestyle ability. Basta, grabe yung reaksyon namin sa punchlines dito. Sa mga hindi nakapunta, wag na wag niyo palalagpasin ‘to pag nilabas na sa YouTube.
Pwedeng katapat ng Ruffian vs JDee para sa battle of the night yung Caspher vs Crhyme. Ang daming bentang jokes pati mga mabibigat na bara at namangha kami sa rhyming nila. Dikit din ‘to para samin pero tama naman yung napiling panalo. Dahil fan kami ng wordplay, natuwa kami sa palitan nila Negho Gy at Hespero. Nakakabilib din yung mga binato nilang references at mismong showmanship nila. Sa tingin namin, mas maaappreciate pa yung Pamoso vs Caytriyu sa video. Medyo tahimik kasi yung crowd live kumpara sa ibang battles pero nagustuhan namin yung mga pinamalas nilang multis, metaphors, at mga anggulo.
Komedya ang nag domina sa Marichu vs Blizzard at natuwa naman kami sa pinakita ng dalawa. Parehas creative magpatawa at benta rin ang hinanda nilang antics. Hindi na kami magugulat kung pumatok ‘to lalo sa video. Trip na trip din namin talaga yung Fernie vs Jamy Sykes. Style clash siya kung tutuusin dahil nagtapat ang rektang teknikalan ni Fernie at yung mas unorthodox na lirisismo ni Jamy Sykes. Nagpakita pa dito ng napaka solidong multis at flow na tumatak samin. Abangan niyo ‘to! Nathan vs Philos naman ang pinakaunang laban ng gabi at buti naman malupit pinakita nila. Meron nag-stumble nang konti pero nabawi naman niya agad. Tiyak na magugustuhan niyo yung tugmaan pati pagbalanse nila ng epektibong teknikalan at bentang komedya.
Akala talaga namin na hindi ganun ka-exciting ang small room battles kumpara sa malalaking venue pero nagkamali kami. Kahit magkaiba yung experience, parehas yung saya na mararamdaman mo. Tama yung sinabi ng iba na may mga linya (lalo yung mga teknikal) at konsepto na mas maiintindhan mo sa small room setup. Dahil diyan, pupunta kami sa Zoning 19! Salamat FlipTop staff at syempre sa emcees para sa gabing di malilimutan. Gusto rin pala namin pasalamatan si DJ Supreme Fist! Dahil sa set mo ang dami naming nadiskubre na mga bagong kanta. Iba pa rin pag live!